Maihahalintulad ko ang aming lugar noon sa isang mala paraisong komunidad, at dahil sa mga kanya-kanyang papogi ng mga politiko gumaganda ang lugar namin sa kanilang mga proyekto. Tuwing magkakaroon ng mga bagong basketball court , bagong health center, renovation ng mga plaza at renovation ng palengke pakiramdam mo laging may fiesta sa lugar namin.
Kabataang barangay pa ang tawag sa sangguniang kabataan. Madaming programa ang nagagawa ng mga kabataan sa amin gaya ng pagwawalis sa kalsada, pagbibigay ng basurahan, pagbibigay ng mga programang pangkalusugan at liga o palaro. Bihira ko noon makita ang basketball court na walang laman, kung hindi man may programang pang edukasyon, may liga ng basketball na walang katapusan.
Kasama ng aking kapatid na lalake madalas kaming gumagala sa lugar na madaming tao lalo na sa mga palarong barangay at kung minsan naliligaw pa kami sa mga pulong ng mga organisasyon. Lakad ng lakad, singit ng singit, hindi ko alam kung bakit tuwang-tuwa kami tuwing nakakarinig kami ng mga taong naghihiyawan dahil sa kasiyahan, marahil siguro dito lang kami nakakasigaw ng malakas hanggang gusto namin. Paos , pagod, madumi ang mga paa at amoy pawis at sa madaling salita dugyot!
Hindi noon uso ang cellphon kaya madami pa ang nakikipag kita noon gamit ang salita.
"Kita tayo sa lunes ha! 8 o'clock ng umaga"
"May pupuntahan tayo sa sabado ha! mga 5 o'clock ng hapon"
"Yung binyag ni inaanak mo sa martes punta ka pare 2 o'clock!"
"Wag mo kalimutan sa huwebes may laro tayo ng basketball"
Mga schedule na sa salita lang ipinarating at kung mahina ang memorya mo at makalimutan ang mga oras at araw ng lakad mo, kahihiyan at pagkadismaya sa araw na nasayang at kung minsan ay tatawagin ka pang indyan!
Isang araw pag-gising ko sa lugar namin habang nagkakape sa sala naririnig ko sa labas ang mga nanay na nag-uusap ukol sa ordenansang ipinahatid ng barangay tungkol sa isang lugar na nasasakupan ng aming komunidad na gagamitin bilang damp-site.
"Ganun ba? bakit sa atin pa?"
"Tayo lang ba ang may basura?"
"Kaninong basura ang itatapon?"
"Baka naman sa kabila barangay yun?"
Mga tanong ng mga nanay sa kalsada habang ang mga tatay ay nakikinig lang. Dito mo mapapansin kung sino ang kumander ng mga tahanan, ang mga nanay ng komunidad. Kanya-kanyang opinyon ukol sa ordenansang ngayon lang namin narinig, ordenansang magbibigay puwang sa basura ng buong lungsod.
Ilang araw lang ang nagdaan pansin na namin na may malalaking truck na ng basura ang isa-isang pumapasok sa dating playground ng mga bata sa maluwag na bakanteng lupa. Dito nila itatambak ang mga kalat at mababahong basura ng buong lungsod. hindi ko malubos maisip kung anong meron sa amin habang pinapanood ko ang mga truck na dumadaan sa aking harapan na animo'y unti-unting sinasakop ang malinis naming kapaligiran.
Bata palang ako noon, ang kaya ko lang gawin ay sumunod sa magulang at mag-aral ng mabuti. Wala akong alam sa pamamalakad sa barangay, wala akong alam sa mga pangyayaring nagaganap sa paligid kung saan ang bawat pagbabago sa aming komunidad ay damang dama ng mga kabataang tulad ko.
"Kapangyarihan bang maituturing kung ang kaya mo lang gawin ay magpasaya ng kapwa at hindi ang kaligtas ng buhay nila?"
Dumaan ang ilang araw, ilang buwan at ilang taon .. ang dating playground ng mga bata ay naging tambakan na ng basura. Ang dating malinis na hangin at madamong paligid ng malawak na bukid ay naging lason sa paghinga at paraiso ng mga langaw at daga.
Dito kung saan ang taong bayan ay naghahangad ng pagbabago mula pa noong una, pagbabago na hindi kailan man naging matuwid sa karamihan , pagbabago na imbes na maging matiwasay para sa magandang bukas , magandang edukasyon at mabangong komunidad ay naging maasim na amoy na aakalain mong nabubulok na piña. Panahon na sinira ng mga pagkukunwaring pangako at sa huli daig pa ang maging iskwater at humihingi ng limos sa sariling lupa.
" Ito lang ang meron kami noon, kaya kahit ano man ang mangyari tuloy parin ang buhay sa ngayon dahil hanggang may nangangarap ng pagbabago may pag-asa, ganyan kami noon,
ganyan ang buhay...
ganyan ang Buhay Tramo......"
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento