Sumungkit din ako ng mga bituin at isinulat dito ang aking pangalan.
Nagkaroon ako noon ng mga kaibigan, mga kaibigan na hindi mo makikitaan ng pagkadismaya sa buhay. Kahit na ang mga estado ng kanilang pamumuhay ay malayo sa kanilang pag-uugali at pananamit. Masayahin, malinis, magalang at may mga pangarap sa pamilya.
Sa kanila ko una natutunan ang salitang barkada. Simula sa pinaka simpleng kuwentuhan hanggang sa pinaka mahabang usapan na halos abutin na kami ng takip silim ay hindi parin nakakasawa. Tawa lang kami noon ng tawa. Ang tuwa sa aming mga mata ay halos hindi na matangal ng oras sa maghapon. Naaalala ko pa nga noon na ang hirap bitawan ng salitang "Uwi na ako" kung saan ang maikling oras na iiwanan namin ang isa't isa ay ang hirap bitawan.
May mga panahon din kami noon na natatahimik at naguusap ng seryoso. Natatandaan ko pa ang mga usapan na walang kasagutan sa mga tanong namin noon . Habang nakahiga kami sa ibabaw ng isang sirang sasakyan at nakatingin sa kalawakan sa gitna ng gabi ay nag-iiba ang mga pangungusap sa bawat isa. Doon namin itinatanong ang mga bagay na hindi namin maintindihan at ang mga desisyon na hinihingan namin ng mga opinyon ng bawat isa.
Panahon lamang ang aming sandalan sa bawat isa na kung paano kami magiging matatag sa mga araw na dumaraan. Walang bibitiw ika nga, walang mawawala sa sirkulasyon at walang magbabago.
-Habang nakaupo sa lilim ng puno sa lalim ng gabi ay nagwika ang isa sa amin.
"Brod tumingin kayo sa kalawakan...
Kita nyo ba ang mga bituin?
Mamili kayo ng isa at ipangalan nyo sa inyo at sabihin ninyo sa akin....."
"Para kahit magkakalayo na tayo at malungkot ang isa sa atin,
Titingin lang tayo sa mga bituin at maaalala nyo ang mga masasayang panahon ng ating samahan."
Ang kaibigan na unang nagpaalam sa amin , isang pagpanaw na hindi inaasahan ng lahat. Mga masasamang tao ang dahilan ng kanyang mabilis na paglisan sa mundo. Kahit naibigay na ng batas ang katarungan ay hinding hindi kailanman mauubsan nito ang sakit na gumuhit sa aming mga puso.
Hindi naging madamot sa amin ang oras dahil binigyan kami nito ng mga
ala-ala na masasaya. At gaya nga ng sinabi ko na panahon lamang ang
aming sandalan sa bawat isa, kaya nang naging madamot na sa amin ang oras
ay isa-isa ng nawala ang mga taong bumubuo ng aming samahan. Hindi ko
na alam kung ano na ang meron sa kanilang mga buhay. Ang kanilang mga
pangarap ay hindi ko narin nasundan. Ang sa akin ay tuloy parin sa
pagbuo at ang ilan sa kanila ay nangangamusta parin na kamusta na ba ang
buhay tramo? oh kamusta na ba ako?
Sumungkit din ako ng mga bituin kung saan isinulat ko dito ang aking pangalan at tuwing lumalalim na ang gabi ay pilit akong tinatanaw ng aking kahapon kapag naaaninag ko sila sa kalawakan. Isang samahan na hindi mawawala , isang kahapon na ni minsan ay hindi kumupas sa aking ala-ala.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento