Sa isang lamesa ..
May isang laruan…
Nakatanaw lang siya sa bintana……
Maghapon at magdamag…
Isang teddy bear na pinaglumaan na ng panahon. Ang yugto ng
kamusmusan sa kabataan ay wala na…..
Tanaw nya ang magagandang kapatagan ng mga bundok, ang lawa
sa di kalayuan at ang mga luntiang damo na naglalaro sa paligid.
Sa tag-ulan tanaw nya ang mga patak mula sa kaulapan. Kitang kita ang lamig ng
panahon sa labas. Hangin na humahampas sa mga anahaw at alon ng tubig sa
dalampasigan.
Sa tag-araw napagmamasdan nya ang mga ibon na naglalaro sa
kalangitan. Ang mga ulap na nagbibigay hugis ng kanyang mga malilikot na isip.
Mga paru-paro na naglalaro sa mga bulaklak at
ang malumanay na tubig sa ibabaw ng lawa.
Sa tag-tuyot at
mahangin na maghapon, doon nya nakikita
ang mga tao na nagsasaya sa kanilang bakasyon. May kalayuan ngunit batid nya
ang kasiyahan ng mga ito kung saan ang kalayaan ng kanilang mga sarangola ay malayang
naglalaro sa hangin.
Dumaan ulit ang tag-araw, nakatanaw parin sya sa bintana.
Dumaan ulit ang tag-ulan , nakatanaw parin sya sa bintana.
Dumaan ulit ang tagtuyot, nakatanaw parin sya sa bintana.
Paulit-ulit lang ang
mga gunita mula sa kanyang pagkakaupo. ..
Hanggang isang araw ay may nagtanim ng isang halaman sa
harap ng bintana. At habang lumilipas ang panahon ay unti-unti nito natatakpan
ang mga tanawin na madalas niyang tinitignan. Ang lawa, ang madamong kapatagan
at kaulapan ay hindi na nya tanaw.
Nalungkot ang teddy bear sa nangyayari, mabigat sa dibdib
nya na hindi na nya matanaw ang mga bagay na nakasanayan na nyang pagmasdan. At
ang tanging puno na lamang sa harap ng bintana ang kanyang nakikita.
Lumipas ang ilang taon napansin nya ang mga sanga ng puno ay
nagkakaroon ng mga kaibigan. Ang mga ibon ay tumatahan sa mga dahon at bunga
nito. Tanaw nya rin ang mga damo sa paligid, lumalago sa pagkakasilong nito.
Nagsilbi itong tahanan ng kanyang bagong
pagkakaintindi sa buhay. Isang tahanan kung saan ang mga bulaklak at paru-paro
ay malayang nakakapaglaro. Natuwa ang Teddy bear, ang pagaakala na harang lang ang puno na
nakatakip sa kanyang tanawin ay isa
palang kanlungan.
Dumating ang tag-ulan
at tanaw nya ang matitingkad na mga luntiang
dahon habang binabasa ng ulan. Ang mga ibon na nakasilong sa mga sanga nito, isang
mainit na pugad sa gitna ng bagyo. Mga pagaspas ng puno sa malakas na hangin na
tila nagsasabi sa kanya na” kamusta ka
kaibigang teddy bear, mag-ingat ka at
may malakas na bagyo.”
Dumating ang tag-araw at tanaw nya ang malilim na silong ng
puno. Kung saan malagong namumulaklak
ang mga halaman na sa paligid ng kanyang
mga ugat. Mga kabataan na datirati ay sa kalayuaan nya lang natatanaw at ngayon
ay sa ilalim na ng puno na sila naglalaro. Mga Magkasintahan na umuukit ng mga salita na“Mahal Kita, Hindi
kita iiwan” sa katawang kahoy nito. At kung minsan ay isang buong mag-anak ang
kanyang napagmamasdan habang masayang nagsasalo-salo sa ilalim ng puno.
Dumating ang tag-tuyot at dito nya nakita ang mga natutuyong dahon na nalalaglag
mula sa kanilang pagkakakapit sa mga sanga. Dito nya naunawaan na lahat ng
kagandahan ay may hangganan. Ang mga sanga na wala ng sigla, ang mga pugad na
wala ng laman at ang mga damo at bulaklak
na nawala lahat. Ngunit hindi ito dito natatapos, dahil sa pagdating ng
tag-ulan ay muling magkakabuhay muli ang lahat.
Ngayon lang sya nasabik sa tag-ulan, na datirati ay tinatanaw
lamang nya ito sa kalayuan. Ngayon lang sya nasabik sa tag-araw na datirati ay
nikikita nya lamang ito sa kapatagan. Ang mga huni ng mga ibon , ang mga tinig
ng kasiyahan, ang kagandahan ng mga bulaklak ay masmalapit na sa kanyang mga
tanaw. Doon nya naunawaan ang kagandahan ng puno, doon nya
napagpahalagahan ang kabutihan nito sa kanya. Humingi sya ng tawad sa kanyang
pagkaaburido, dahil noong una ay ayaw nya itong makita oh sulyapan man lamang.
lumipas ang maghapon at dumating na ang malalim na gabi.
Napansin ng teddy bear na nagiging matagal ang tagtuyot o marahil
nasasabik lang sya sa tag-ulan kaya pakiramdam nya ay matagal ang pag-usad ng
panahon. Naisipan nyang magpahinga, naisipan ni teddy bear na matulog upang
bumilis ang oras. Matagal tagal na rin siyang nakatanaw sa bintana. Sabik na
siyang matanaw muli ang puno sa panahon ng tag-ulan at tag-araw. Natulog siya
ng mahimbing at nakatulog sya ng matagal.
Lumipas ang tag-tuyot at lumipas narin ang tag-ulan….
Sa tagal ng kanyang pagkakahimbing ay inabutan na sya ng
tag-araw. Muling naging berde muli ang mga damo, sumibol na ulit ang mga
bulaklak. Ngunit sa kanyang pagdilat wala na ang puno. Hinahanap nya ang puno.
Sinubukan nyang tumayo at lumapit sa bintana at baka nasapaligid lamang ito.
Natatanaw na nya muli ang lawa at ang luntiang kapatagan. Ngunit wala na ang
puno, ang kanyang kaibigang puno ay wala na..
mga malalagong bulaklak at damo na lamang ang natira sa kinakatayuaan
nito.
Napaupo ang teddy bear, nakatulala sa bintana at naluha,
mabigat ang kanyang dibdib na tila may nawawala
sa kanyang sarili. Napaupo ang teddy bear at habang unti-unti nya
nauunawaan na wala na ang puno ay doon nya nararamdaman ang lungkot. Hindi nya
tangap na wala na ang tanawin na kanyang ikinasasabik. Ang mga tawanan ng kabataan, ang mga huni ng
ibon at ang mga pagaspas ng dahon ay wala na. Buong maghapon sya nakatanaw sa
kalayuan. Natatanaw na nya muli ang lawa
at kapatagan, ngunit bakit mabigat parin ang kanyang dibdib. Habang tumitila ang kanya luha ay may napansin siya na isang
puno sa di kalayuan. Isang puno na katulad ng kanyang kaibigang puno. Bigla
syang natuwa at tumayo, pilit nyang ikinakaway ang kanyang mga kamay upang
mapansin siya nito. Kaway sya ng kaway, sigaw sya ng sigaw, pagbabakasakali
na marinig sya nito at bumalik muli sa harap ng bintana. Ngunit walang
nangyari, napaupo nalang ang teddy bear at pinagmasdan ang puno na minsan ay
kanyang ikinasabik at pinagmamasdan. Wala na siyang magawa kundi tanawin muli
ang lawa at kapatagan. Tanaw nya rin ang puno sa di kalayuan at tuwing naaalala
nya ang mga panahon na malapit pa ito sa kanya ay napapangiti na lamang ang
teddy bear. Naging masaya siya kasama ang puno at sa huli ay nandoon parin ang
mga tanong sa kanyang isip kung bakit kailangan nito lumayo sa kanya. Mabigat parin sa
dibdib ng teddy bear ang nangyari. Dumaan ang ilang araw na hanggang tanaw
na lamang siya at habang tanaw nya sa kalayuan ang kaibigan, nasasambit ang
mga katagang “mis na kita mahal kong puno.”
Lumipas ang tag-araw at dumating ang tag-tuyot, ang lumang
tanawin ay kanya ng natatanaw. Ang dating lawa , ang dating kapatagan ng
bundok ay kanya ng napagmamasdan. Sa kabila ng pagkasabik sa kaibigan na
nawalay ay pilit niyang pinapasaya ang mga araw na dumaraan na hindi na ito
kasama.
Tumagal pa ang tagtuyot at habang unti-unting nawawala ang mga dahon sa paligid
, ay hindi nya parin nakakalimutan ang kanyang kaibigan. Nalalanta na ang mga
bulaklak at natutuyo na muli ang mga damo. Sa gitna ng tagtuyot napansin niya
ang isang kahoy sa ilalim ng mga natutuyong damo. Sa lugar
kung saan itinanim ang kanyang kaibigan ay
isang putol na puno.
Natulala at tumulo ang kanyang mga luha…
Bumigat ang kanyang pakiramdam…
Doon nya naintindihan
ang lahat…
Sa di kalayuan ay may narinig syang mga tinig na nagsasabi
“sayang ang puno pinatumba
ng malakas na bagyo”
Nalungkot , yumuko at umiyak ang teddy bear….
Sa lamesa sa tabi ng bintana, habang tumutulo ang kanyang mga luha ay.. napansin nya ang mga nakaukit
malapit sa kanyang kinauupuan ..
Ang mga katagang “Mahal kita, Hindi kita iiwan”
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento