Grade one......
Pauwi na ako mula sa aking eskwelahan, lagi ko noon kasabay ang aking nakakatandang kapatid at dahil isang taon lang ang agwat ng aming edad ay madali kaming magkasundo sa maraming bagay. Hilig namin ang mag kuwentuhan sa daan ng kung anu-ano habang papauwi. Mula sa pinaka masarap na pagkain hanggang sa pinaka nakakatakot na bagay oh lugar. May kalayuan din ang aming eskwelahan, masasabi kong aabutin kami ng mga 30mins sa paglalakad dahil narin siguro sa maliliit naming mga hakbang. St.Gregory o St.Gergori kung aking bigkasin ang aming paaralan noong grade school.
Karamihan sa aking mga kaklase ay malalapit lang ang tahanan sa eskwelahan at dahil dito lagi kaming napapadaan ng aking kuya sa mga bahay ng aming mga kaibigan at madalas ay lagi kaming may libreng juice at tinapay.
May mga pagkakataon din noon na hindi ko nakakasabay ang aking kapatid sa pag-uwi at dahil nga nakasanayan ko ng kasama sya, madalas kong nahuhuli ang aking sarili na binibigkas ang mga salitang "Tignan mo yun oh!" at doon ko lang mapapansin na ako nga lang pala mag-isang naglalakad. Hindi ako nakakauwi ng maaga kapag wala akong kasabay dahil inaabot ako ng ilang oras sa paglalaro sa mga tahanan ng aking mga kaibigan. Minsan naitanong ng aking kaibigan ang
" Saan ba ang bahay nyo?"
hindi ako makasagot dahil ang alam ko lang ay kung paano umuwi at kung tatanungin man ako ng pulis
kung sakaling mawala ako ang tanging maisasagot ko lang noon ay " Tramo po".
" Punta kayo sa bahay namin, maganda dun!".
Alam ko na malaki ang pag-aalala ng aking mga magulang sa tuwing kami ay umuuwi magkakapatid galing sa eskwelahan. Nasusundo naman kami paminsan-minsan ngunit madalas ang hindi dahil narin sa kakulangan ni mama ng magbabantay sa iba ko pang mga kapatid. Maganda naman ang kalsada pauwi sa amin ngunit habang palapit ng palapit ay pasikip ng pasikip ang eskenita papunta sa bahay. Ang bahay namin noon ay hindi ordinaryo. Sa paglipas ng panahon ang lupa sa aming lugar ay tumataas ng tumaas ng hindi ko maipaliwanag kung bakit. Napag-iwanan na ang lapag ng aming bahay, kapag umuulan pumapasok ang baha sa loob ng sala at animoy maliit na swimming pool na kulay putik. Dahil sa ganitong problema na isipan ni papa na pataasan ang lupa sa loob. Tinambakan nya ito ng madaming lupa at saka isinimento ngunit ang kisame ay hindi manlang ginalaw oh dinagdagan ang taas.. Tumaas ng mga apat na pulgada ang lapag namin at halos 5ft nalang ang taas ng loob ng bahay.
Simula noon lagi nalang nakayuko si mama at papa kapag naglalakad sa loob ng bahay. Para sa aming magkakapatid hindi problema ang taas ng kisame dahil hindi pa ito abot ng aming mga ulo. Isang araw ay may dumating na bisita si erpat at sinabing
"Pare lumiliit ata ang bahay mo ah?"
at bigla ako sumagot ng,
"Lumalaki lang kami"
tawa ng tawa si erpat na animo'y akala nya ay nagbibiro ako pero sa totoo lang yun kasi ang naiisip ko kaya lumiliit ang bahay namin.
Hindi kami nasanay sa mga bagong laruan at madalas kami na mismo ang pumupunta sa mga kalaro namin upang doon makapaglaro ng mga laruang tau-tauhan gaya ng Superman, Batman, baril-barilan at mga truck-truckan. Isang araw habang naglalaro sa eskwelahan nagyaya ang aking mga kaibigan na pumunta sa aming bahay at dahil medyo may kalayuan ito ay medyo nag-alala ako sa kanilang daraanan pauwi.
(Habang papunta sa aming tahanan)
"Sinong kasama mo sa inyo?"
"Si mama at papa ko at mga kapatid ko"
"Ahh ilan ba kayo?"
"Madami kami mga sampu!"
"Ang laki siguro ng bahay nyo"
Pagkatapos ng mahabang paglalakad sa kalsada at masisikip na eskenita nakarating narin kami sa aming tahanan ngunit hanggang labas lang kami ng bahay. Dahil sa nasanay sa malalaking bahay ang aking mga kaibigan takang taka sila sa kanilang nakita.
Kaibigan: "Bakit parang ang liit ng pinto nyo?"
Ako: "huh? kasi si papa eh"
Kaibigan: "At bakit ang dilim sa loob?"
Ako: "umaga pa kasi kaya walang ilaw"
Kaibigan: "nakakatakot pumasok parang kweba"
Ako: "Kasi nga Kaibigan ko si Batman"
Kaibigan: "Ganun ba? sige uwi nalang kami, hatid mo ulit kami palabas ha?"
Ako: "oh sige kayo bahala ayaw nyo talaga pumasok?"
Kaibigan: "buti ka pa kilala mo si batman, tara uwi na kami"
Hanggang ngayon ay naaalala ko parin ang mga laro naming magkakaibigan, masaya at makukulit. Ngunit dahil narin sa katagalan at pagkupas ng libro ng nakaraan hindi ko na maalala ang kanilang mga pangalan at itsura. Gusto ko silang balikan at pasalamatan , mga kaibigan na naging parte ng aking personalidad tungo sa pagkakaibigan. Mga unang katatawanan , mga unang kalaro, ang mga unang halakhakan at mga unang Kaibigan ....
Salamat sa inyo...
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento