"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Sabado, Marso 31, 2012

"Ganito Kami Nakikita Nyo Ba?"

Matingkad ang sikat ng araw at halos maluto na ang aking suot na uniporme,  sa bawat asin at pawis ng aking katawan  pikit at pagpupursige ang dala-dala. Nakatayo sa lilim ng mga puno sa loob ng kampo may hawak na mapa at pilit na iniintindi ang mga nakasulat dito upang matunton ang lokasyon ng mga bagay na ipinapahanap sa amin. Isa lamang ito sa mga pagsubok na ibinigay ng aming mga opisyal.


Sa bawat ikot, lakad, upo, pahinga at pag-uusap ramdam ko ang itsura ng paligid, napuna ko ang mga sira-sirang istraktura sa loob ng kampo. Ang mga gusaling pinaglumaan na ng panahon na hindi man lang inayos dahil narin sa kawalan ng pagpapahalaga. Hindi ko masasabi kung kakulangan ba ito sa pundasyon  oh kakulangan sa pondo, ang mga pagkukunwari na hindi bumenta sa paningin ko dahil narin sa matitibay pang mga bubong at haligi nito na animo'y pinagsungitan ng interes at ganid na pamamalakad.


Hindi ko alam kung sadya o dagdag sa pagtuturo sa kalinangan ang pinapagawa sa amin. Maaring  hindi lang pagbabasa ng mapa at paglalakad ng malayo ang nais iparating sa aming mga kamulatan at pag-iisip. Naitanong ko sa aking sarili na


"Ako lang ba ang nagiisip ng ganito?"


 Sa aking mga sulat ilalapat ang kaalaman at pagkakaunawa sa loob ng aking paglalakbay sa mundong hindi dinanas ng karamihan, ang pagsusundalo sa kakaibang paraan.


"Tinuruan tayo ng tama o mali, naisip ba natin na ang pag gawa ng desisyon sa buhay ay  maaaring  di dapat   Tama o Mali, kundi Oo at hindi ?."


 Pag may nakita kang bagay na may halong pagkadismaya at panghihinayang, matitiis mo bang huwag nalang lingunin? Hindi naman bawal ang huminto sa paglalakbay kung ang pangarap ang iyong prayoridad, kahit tumigil ka lang sandali at imbes na punahin ay gumalaw ka sa paraan na kaya mong ibigay kahit munting pagpapahalaga sa paraang gusto mo.


Ballpen, lapis, papel, keyboard, at kahit na anong angkop sa kakayahan mo basta galing sa puso mo at hindi galing sa impluwensya ng ibang tao ay isa sa  magandang halimbawa ng patas na pamamahayag ng damdamin tungo sa pagbabagong inaasam.


Sa gitna ng aming paghahanap inabot na kami ng gutom, 2pm na wala parin kami makita sa pangalawang lokasyon na nakasulat sa aming mga mapa. 5 degree E of N lintik papunta sa pader na wala talaga kami makita. Sa pagpapatuloy ng aming paghahanap maka limang ulit na  kalkulasyon at halos pigain na namin ang mapa at gumamit pa ako ng engineering formulas sa angle at radius, wala talaga, hindi namin ma-locate.


Dalawang grupo kaming paikot-ikot at halos sumuko na sa paghahanap, hanggang nag desisyon na kami na sabihin sa aming instructor na hindi namin ma-locate at lagpas na kami sa oras na itinakda.


(Mali ang nakasulat kaya hindi namin mahanap )


"No.1 rule: "bawal mag reklamo dahil kami ang lowest mammal sa loob ng kampo."


Ngunit ganun pa man , kahit na hindi namin natapos ang ibinigay na pagsubok ay mayroon parin akong natutunan,  bukod sa talas ng kaisipan, mahabang pasensya at huwag sumuko hanggang kaya ang maging mapagmatsag at simpleng pangunawa sa mga bagay-bagay na hindi na kailangan sabihing


"Ganito kami nakikita nyo ba?"


Hindi na kailangan ibigay nang may pag-aalinlangan kundi ilaan ng kusa sa paraang masaya ka at kuntento sa mga nagawa para sa mundong pinapasok mo.


"Magandang pakingan ang halimbawa nang kahit na anong bagay sa mundo na may kabuluhan, ngunit di ba masmaganda kung hindi lang  ito maganda sa pandinig bagkus isasalin natin ito sa paggawa?"

0 (mga) komento: