"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Biyernes, Abril 20, 2012

"Kung Kaya Niya, Kaya Mo Rin"

Tahimik...

Walang tao sa classroom...

Habang hawak-hawak ang mga papel na aking ni-rereview hindi ko maiwasan ang makawala sa aking konsentrasyon. Naiiba ang isip at patuloy ang paglalakbay sa diwa ng mga bagay na lagi kong ikinasasabik sa labas ng paaralan. Mahilig ako noon makipagkuwentuhan sa mga taong hindi ko kakilala sa loob ng paaralan  ngunit bibihira ako sumama sa mga gimik na ginagawa nila at madalas imbitado ako at kung minsan naman ay gusto lang nila ako kasama. Hindi uso sa akin noon ang alak at gumala kasama ang mga kaibigan. Ang tanging libangan ko lang noon ay pagkain at kung madalas naman ay online games.Madalas ako mag-isa sa bakery at madalas din ako mag-isa sa hallway habang naghihintay ng klase. Madali naman ako lapitan ngunit mahirap ako tanungin pagsubject na ang pag-uusapan.

Matagal din ako naging ganito sa loob ng aking paaralan, kung minsan panga ay papasok lang ako kahit walang pasok para maiba lang ang araw ko. Sa mga subject na natapos ko mayroon akong naiiwan na mga kakilala at kung minsan naman ay kaibigan. Nagkikita nalang kami sa iba pang subject kung saan ang bawat isa may dala-dalang pagkasabik sa kuwentuhan.

Naalala ko pa ang isang grupo ng mga estudyante na nakilala ko, mahilig sila maglaro ng table tennis. Ito lamang ang sport na bihasa ako sa paglalaro kaya siguro mabalis akong napalapit  sa kanila. Maliit lamang ang aming PE room at halos dalawang table tennis lamang ang maaaring ilagay ng aming instructor upang magturo. Dahil narin siguro maraming naglalaro ng table tennis nung panahong iyon ang aking guro ay hindi narin  nahirapan magturo ng rules and regulation, procedures at technicality ng larong table tennis.

Ang mga oras namin noon sa silid ay isa sa mga panahon na gusto kong balikan sa loob ng paaralan.

"Hindi ganoon kahirap maghanap ng kaibigan , ang mahirap lang eh kung anong klaseng kaibigan ba ang mahahanap mo"

Paikot-ikot lamang ang mundo namin sa loob ng silid upang maglaro. Aabutin kami ng gabi at hanggang magsara na ang aming PE room at tuluyan na kaming palabasin ng guard. Kahit ganito ang mga routine namin nung panahong iyon eh madalas parin naman kami mag-review ng aming mga subject. Ang PE room ay  ang naging tahanan namin sa loob ng ilang taon. Lumipas ang ilang taon naramdaman din naman namin na mangilan-ngilan narin ang  nawala sa aming samahan. Umaalis sila hindi dahil sa ayaw na nila maglaro, kundi nawala na sila sa sirkulasyon dahil narin sa kanilang pagtatapos sa kolehiyo. Kung tutuusin masakit sa amin ang mawalay sa mga taong itinuturing na naming mga kapatid. Ngunit pag ang reyalidad na ang pumasok sa eksena malalaman mo din sa huli na hindi lamang dito umiikot ang mundo ng pagiging studyante.

"Ang kasiyahan ay kayang palitan ng Pangarap upang sa bandang huli ay kasiyahan parin ang aanihin mo para sa kanila"

Gaya ng upos ng mga kandila ang samahang nabuo sa isang silid ay tuluyan ng nawala. May mga pumalit din naman sa amin na mga bagong estudyante ngunit ang mga lumang tao sa loob ng PE room ay nawalan narin ng interes dahil malapit narin ang kanilang pagtatapos ng pagaaral.

Nawala narin ako sa sirkulasyon at sa puntong ito ako ay huminto sa aking pag-aaral at pumili ng ibang bagay na pagkakaabalahan at gawing propesyon. Tumagal din ako sa aking paghahanap ng kung anong meron para sa akin na hindi kayang ibigay ng iba. Sariling desisyon ko ito ngunit sa bandang huli malalaman mo na  magulang parin pala ang may magagandang pangarap para sa kanyang mga anak. Kahit ibahin man natin ito o hindi, panigurado isa lang ang gusto nilang iparating, ang magtapos ka sa pag-aaral.

Pagkalipas ng ilang taon bumalik ulit ako sa aking naiwang paaralan at dito muli ko itinuloy ang aking naiwang pag-aaral. Sa mga unang taon ng aking muling pag-sisimula ay may mga nakilala akong estudyante na ang layunin nila ay ang mag-aral at maging masaya. Dito ko rin nakilala ang isa sa mga dati kong guro na nagtuturo tungkol sa pagiging mahusay na inhinyero. Isa sya sa mga adviser ng mga estudyanteng nagaaral upang maging inhinyero balang araw. Magalang, karispe-rispeto at minamahal ng mga nagiging estudyante nya dahil sa matiwid na pangaral.

Dahil sa aking paghinto sa pag-aaral noon ay hindi ko maiwasan ang pagkawala ng puwang sa bagong samahan ng mga estudyante kung saan pakiramdam ko eh lagi nalang ako pinagkakamalang propesor tuwing pumapasok ako ng classroom. Ngunit ang agam-agam na ito ay tuluyan narin nawala ng makilala ko ang ilan sa kanila. Sa aking pagbabalik dun ko naunawaan na masmadami palang aral ang maaaring matutunan kapag nakikinig ka rin sa pangaral  ng iyong  pangalawang magulang oh guro. Ang pakikinig na hindi kailangan ng pagsusulat at ang aral na hindi kailangan pag-aralan, yan ang pagtuturo kung paano maging propesyonal at maging tunay na kaibigan.

Lagi ko natatandaan ang mga salitang

"Kung kaya niya, kaya mo rin!"

Kung saan ang pagiging pantay-pantay ay kanyang itinuro sa lahat. Mula sa pagiging iba sa karamihan hanggang maging kaibigan ng lahat. Yan ang kanyang nagagawa sa mga estudyanteng ayaw makisalimuho sa iba. Hindi man nya sabihin ngunit sa akin pananaw ay napagsasama-sama nya ang mga iba't ibang karakter na tao tungo sa pangaral na gusto nya, ang mag -aral ng mabuti at makatulong sa magulang.

Bihira ako magkaroon ng idolo oh mga taong gustong tularan dahil narin siguro sa mga kakaibang pananaw ko  sa buhay na kung paano ba ang mabuhay. Aaminin ko isa siya sa mga iniidolo ko, kung bakit hanggang ngayon ay pantay parin ang mga paa ko sa lupa at naninindigan kung ano ang tama sa mali.

Sa ngayon, kung saan ang paglipad ng pangarap ay halos magagawa ko na kasama ang aking pagkatao sa pag-abot nito. Salamat sa mga naging kaibigan sa paglalakbay at sa guro na hindi nagsawa sa pag-papaalala sa amin na

"Kung kaya niya, Kaya mo rin!"

Salamat...

0 (mga) komento: