Matingkad ang sikat ng araw,....
1984, .......Tag-araw.
Kapag naglalaro kami noon sa tabi ng bahay na nasa loob ng aming bakuran bihira kami madampian ng sinag ng araw. Madaming puno at halaman sa paligid at halos masisilaw ka sa mga liwanag na tumatagos sa mga dahon ng puno. Madalas ko noon panoorin ang mga langam habang naghahakot ng kanilang mga pagkain at kung minsan ay tinutulungan ko pa sila dalhin ang mga nakukuha nilang biscuit, candy at kanin na mula sa plato ni brownie na alagang aso ni lola. Mga ilang minuto din ang itinatagal ko sa ganitong laro dahil ang pakiramdam ko noon ay isa akong tagapagligtas, ako ang super hero ng kanilang bayang inaapi ni brownie at ni muningning. Lagi akong may hawak na stick ng BBQ para sundutin ang maliit nilang lunga pero sa huli ang langam na mismo ang nagagalit sa akin dahil sinisisra ko ang tahanan nila. Gusto ko lang naman makita ang loob kung anong itsura ng kusina, sala at kwarto, masama bang makisilip sa bahay nila? kung bakit kasi ang liit-liit hindi ko tuloy masilip. Sa bandang huli makakagat ako sa paa at lalapit kay lola para magpapahid ng gamot na kung tawagin ay caladryl.
"Hindi ko talaga alam kung bakit caladryl, basta ang alam ko lang kapag nakakagat kami ng langam, lamok, bubuyog, surot at kung anu-ano pang kagat ng insekto eh ito ang pangunahing pampahid ni lola sa amin, ang mahiwagang caladryl! Kaya tuloy nung highschool ako inabutan ako ng allergy sa daan at ang binili ko sa tindahan ng gamot ay caladryl. Ilang araw din akong natulog na kulay pink ang aking katawan, hanggang pumunta na ako sa doktor at saka ko lang nalaman na hindi pala yun para dun."
May maliit na parang barong-barong si erpat noon sa gilid ng bakuran , hindi ko alam kung anong meron dun pero amoy kemikal. May mga papel na nakasabit sa sampayan at malimit siyang mag-isa sa loob. Kung minsan ay sinusubukan ko pumasok pero sinasalubong ako ng amoy na parang plastic na tinunaw. Lalabas si erpat na may mga hawak na litrato at ipapakita nya kay lola at lolo. Hindi lang iyon ang nakikita kong ginagawa ni erpat, mayroon din syang mga maiinit na pangtunaw ng bakal at mga sirang kasangkapan na animo'y scientist na nagtatrabaho sa lugar namin pero sa batang tulad ko noon hindi ko talaga maintindihan bakit mausok at may mga nakakalat na mga sirang radyo, TV at kung minsan hindi ko na alam kung anu-anong aparato.
Hindi naman kami bawal lumabas ng bakuran, ayaw lang talaga nila kaming palabasin pagmadami silang ginagawa sa bahay gaya ng pagluluto ng tanghalian, paglalaba, paglilinis ng bahay, pagpapaligo ng aso, paghuhugas ng plato, pagdidilig ng halaman at marami pang iba!, sa madaling salita hindi talaga kami makakalabas hanggang walang magbabantay sa amin. Kahit abala sila, lagi parin nila kami nasusubaybayan. Madalas kami maglaro noon sa mga lugar na matataas, yung masarap akyatin , yung pwede ka tumalon habang gamit ang mga laruan na baril-barilan. Baril-barilan na yari sa kahoy at kung minsan ay mahabang kahoy lang talaga na ginagawang armalayt.
Hanggang ngayon ay tandang-tanda ko pa kung paano kami napansin noon ni erpat dahil sa hindi namin paggamit ng salitang "Ate at Kuya". Tanda ko pa kung paano nya itinuro sa amin kung para saan at kung para kanino ang salitang ito. Sumisigaw pa ako noon ng " kuya! kuya! kuya!" habang tumatalon, bago man sa aking pandinig ngunit mabilis ko rin ito naunawaan at ginamit.
Sa paglalaro sa labas ng aming bakuran dito na maiiba ang mundo naming magkakapatid. May mga bata ng tulad namin na naghahanap din ng kalaro. Ang mga tanong na "Bata! bata anong pangalan mo?" at ang salitang " Sali ako" ay ang tanging mga salita na alam namin ang totoong kahulugan. Sa bawat habulan, tawanan, asaran ang kapaguran ang tangi naming limitasyon sa paglalaro. Lingid sa kaalaman ng aking mga kalaro at gayun din sa aking mga kapatid at isama mo na si lola, madalas ako sumisilong sa harapan ng tindahan ni lolo. At doon hihintayin ko ang barya na animo'y kayamanan na galing sa langit. Malalaglag mula sa maliit na bintana na galing mismo sa tindahan at dahil para sa batang tulad ko noon kulang nalang ay barya upang mabuo ang aking araw ng kabataan. Barya na galing mismo kay lolo at sa ngayon, minsan, naiisip ko na sana inipon ko lahat ng barya na ibinigay nya sa akin. Dahil para sa akin ay masmahalaga pa ito sa lahat ng salaping natatangap ko. Mis ko na ang lolo ko , sya ang una kong bayani , sya ang una kong idolo at sya ang una kong naaalala kapag nakakakita ako ng barya. Kulang nalang ay barya buo na ang araw ko.
Hinding hindi ko talaga makakalimutan ang mga oras na iyon na tila tumatak na sa isip ko na parang kahapon lang ang nakaraan. Ang hirap bumuo ng ala-ala at kung minsan pilit mong pinagdurugtong-duktong at kahit sa bandang huli ay mapapagod ka kakaisip eh masaya ka parin dahil unti-unti mong nasasalaysay ang kuwentong nakalimutan na ng iba at ngayon ay mababasa at mauunawaan narin nila.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento