Matagal ko nang alam na walang pinilipiling oras ang pag-inom ng alak, mga namumulang mukha ng mga tatay sa umaga , ihaw-ihaw at malakas na musika, yan ang gigising sayo sa umaga
"linggo-lamang-ang-pahingang-bertday-party".
Sa araw-araw halos lahat ng umaga ko noon ay maririnig mo ang kantang "hapi~haaapi~hapiii~berrrrttday~ sayo ang inuman~ sayo ang pulutan ~sana malasing mo kami!"
Kung tutuusin parang ginagawa ko na itong alarm clock kung saan ang bawat liriko ng kanta ay halos naka dikit na sa aking dila dahil sa bukod sa paulit-ulit mo itong naririnig sa labas ng bahay eh halos araw-araw mo din silang maririnig na sinasabayan ito.
Hindi mahilig uminom ang aking erpat ang tanging alam ko lang ay may kaibigan siyang pulis na madalas nambubulahaw sa labas ng aming bahay at sumisigaw ng
" PARE! TANGHALI NA! GISING NA DYAN! PUT%!@**#!!!! ".
Mahilig magbubuting-ting si erpat ng 2-way radio noon, at kahit hindi ko pa alam ang kahulugan ng salitang ito ang tawag ko dito noon ay ICOM. Madalas namin nakikita ang malaking aparato ni erpat na madaming antena at may mga nagsasalita na parang telepono. Minsan kapag wala siya sa bahay sinusubukan naming galawin ang kanyang mga gamit lalo na ang ICOM. Kasama ko ang bunsong lalaki at bunsong babae kinakalikot namin ang radyo na walang paalam at nakikipag usap sa mga tao na nagsasalita dito. Habang nangungulit gamit ang boses ng bunsong kapatid na babae ay may lalaking boses na nagsaway sa amin
"wag nyong paglaruan ang radyo ng tatay nyo"
Natahimik kaming lahat, nagulat kami dahil parang kami ata ang kinakausap ng boses. Wala naman talaga kaming kinakausap ang tanging pinapagawa lang namin sa bunso naming babae eh pinapakanta namin sya at pinapatanong ang mga pangalan ng tao sa radyo. Habang tahimik dahil sa narinig na boses may isang boses ng babae na nagsalita
"Hayaan mo sila, nag-aaral sila gumamit ng radyo"
Hindi ko alam kung magkakakilala sila pero sa naririnig namin tila pinagtatangol kami ng mga tao sa loob ng radyo, hanggang sa narinig namin ang boses ng isa pang lalaki
"Hayaan mo sila mga bata lang yan~~
habang naririnig ang mga boses na kami na ang pinag-uusap napagdesisyonan na namin na patayin na ang radyo at baka malaman pa ni erpat at sa sinturon ang abot namin.
May pagawaan ng radyo noon si erpat malapit sa aming paaralan. Madalas kami doon namamalagi ng aking mga kapatid, lagi kami nakaupo sa labas ng pinto at kumakaway sa mga pasahero ng jeep. Napapangiti ang ilan at ang iba naman ay nakasimangot na animo'y pinagsukluban ng tadhana.
Isang hilerang shop, Pagawaan ng Radyo, Pagawaan ng Uniporme at Pagwaan ng mga upuan.
Nagkaroon kami ng isang kaibigang lalaki, anak ng may ari sa kabilang shop. Hindi ko na matandaan ang kanyang pangalan dahil narin sa katagalan at grade 2 palang ako noon. Malapit lamang ang kanilang tahanan sa kanilang shop, madalas namin syang nakikitang naglalaro mag-isa, walang kapatid ngunit sagana sa laruan at magagandang damit at sapatos. Hindi ko nakita sa kanya ang pagyayabang na kung anong meron sya, kung tutuusin eh mas sabik pa nga siyang makita kami kesa maglaro kasama ng mga laruan nya. Makikita mo sa mukha nya ang kagalakan na nagpapahiwatig na masaya sya kapag nandyan kami sa tabi nya.
Habang naglalaro tinuturuan namin syang maging masaya sa mga simpleng laruan gaya ng espadang pat-pat at maskarang papel na gawa sa dyaryo.Ang kanyang mga tawa ay aming ikinagagalak at pakiramdam namin ay nagkaroon kami ng isa pang kapatid. Masaya kaming lahat , mga halakhakan, biruan at mga kwentuhan tungkol sa mga lugar na aming narating. Hindi tulad nya wala kaming magagandang laruan at damit ngunit sa mundo ng pagkabata ang kayamanan ay nagsisimula muna sa kaibigan bago ang laruan. Matatapos ang aming pag-lalaro sa simpleng pagpapaalam, tatawagin na kami ni erpat at papapasukin narin sya ng kanyang yaya sa kanilang bahay at tatanawin kami habang makikita mo sa kanyang mga mata ang pagbabalik ng lungkot na sya nanaman ulit at ang kanyang mga laruan.
Randam ko ang kanyang lungkot dahil isang beses sa buhay ko noon nangulila din ako sa aking mga kapatid. Ngunit ang kanya ay pangmatagalang pagkabugnot sa tahanan na walang kalaro, kaibigan at kabataan.
Dumaan ang isang taon nagpasya si erpat na mag-ibang bansa. Kasama sa kanyang pag-alis ang pag-iwan din namin sa aming kaibigan. Ilang araw din kami nanabik sa kanya, gaya ng isang kapatid na hindi buo ang maghapon kapag hindi namin sya nakakalaro.
Lumipas ang ilang linggo, ilang buwan at binilang na ang mga taon at hanggang ngayon ay hindi ko makalimutan ang kanyang mukha na nakatanaw sa aming paglisan, ang kanyang lungkot at pagkasabik sa kaibigan ay hindi mawala sa isipan ko habang nakatingin sa kanyang mga mata. Ang kanyang pag-aninag habang kami ay papalayo hanggang agawin na ng malayong pagtanaw sa kalayuan.
Hindi na namin sya nakita pang muli, hindi ko narin alam ang totoo nyang pangalan, noong highschool ako sinubukan ko rin balikan ang kanyang tahanan ngunit hindi ko na matandaan ang saktong itsura ng mukha nya kaya hindi ko na rin alam kung paano ko sya hahanapin at sabihin ang mga salitang
" Kaibigan kamusta kana?"
Dama ko parin hanggang ngayon ang agam-agam na sana ay sinabi namin sa kanya noon na hindi na niya kami makikita pang muli. Sana sinabi namin sa kanya noon na "hindi na tayo makakapaglaro ulit". . Sana ay hindi nalang namin siya pinaghintay pa at sinabi ko nalang sa kanya ang salitang alam kong ayaw niyang marinig mula sa amin na kanyang mga kaibigan.....
Sana sinabi ko....
Sana sinabi namin....
Sana sinabi nalang namin ........ang Paalam.....
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento