"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Miyerkules, Setyembre 1, 2010

"Paano Nga Ba Ang Pasko?"



     Gigising ako sa umaga handa na ang pagkain, ngunit paminsan-minsan naman nagigising ako sa usok ng piritong galunggong, ang amoy ng isda ay naglalakbay patungo sa aking higaan at ang ingay ng mga yabag sa kwarto ay unti-unting nakakairita upang ako'y mapilitang bumangon sa kama at lumabas  nalang ng kwarto. Ang kapatid kong babae ay nagsusuklay sa harap ng salamin, may nag co-computer, may nanonood ng TV sa sala at meron namang nakabihis na at papasok na sa eskwela. Anim na magkakapatid at ang aking mama sa isang bubong ng masayang kwento ng buhay. Ganito magsimula ang aming umaga lahat abala sa mga gawaing personal at gawaing bahay.

    Isa lang ang CR namin kaya paunahan magising upang mauna ka sa banyo, at madalas ako ang nahuhuli dahil narin sa kamantikaan kong matulog. Tatlong lalaki at tatlong babae, yan ang aming numero. nakakatuwang isipin kahit mga highschool na ay nagagawa pang mag-away at umiyak sabay subong kay mama. Ang kulitan at tawanan ay hanggang gabi kaya tuloy si mama ay pinapagalitan kami pag may naririnig pa siyang tawanan sa madaling araw.

     Pag umuulan ng malakas parang ang saya-saya namin , nasa loob lang kami lahat ng kwarto , nagtatawanan at kung anu-anong kwentuhan habang malamig at nakakuyukot sa kanya-kanyang higaan, may nakayakap sa unan, may katabi ni miming, may nakaupo malapit sa arinola, may nasa kanyang kabinet at punong-puno ng abubot at memorabilya. Hanggang ngayon ay tanda ko pa ang  pakiramdam ng malamig na ihip ng hanggin sa bintana, ang tunog ng ulan , ang mga patak sa bubungan. Makakatulog sa huli at gigisingin nanaman ng usok ng piritong galunggong.


    Minsan pag naaalala ko ngayon ang tanong na " Galunggong nanaman?" eh naiinis ako sa sarili ko, nagsisisi ako bakit ko ba naitanong ang tanong na iyon, ngayon ko nalang kasi naunawaan ang kahalagahan ng pagbibigay ng oras sa paghahanda ng pagkain, parang batid ko, na masakit pala kapag nagbigay ka ng importansya at hindi binigyan ng pagpapahalaga ng taong mahal mo. 

     Sa tanghali wala kami sa bahay , gabi na kami lahat umuuwi mula sa eskwelahan. At pagsapit ng gabi ay may mga kanya-kanya nanamang baong  kwento ng buhay ang bawat isa. Pagkatapos kumain kanya-kanyang ligo , bihis pantulog at pwesto na sa mga kanya-kanyang higaan. Maliit lang ang bahay namin, ang kwarto ng mga lalaki ay sa baba at ang mga babae kasama si mama ay nasa itaas.

     Ganoon lang ka simple ang buhay namin noon, paulit-ulit lang hanggang makatapos ang bawat isa sa amin sa napiling kurso. Kahit wala si erpat at nasa ibang bansa eh nagsipag naman lahat sa pag-aaral. May mga sablay din pero na remedyohan naman. Sa ngayon pag naiisip ko ang mga panahon na nasa isang bubong palang kami at musmos palang ang mga kaisipan sa mundo ng paghahanapbuhay ay nakakamis talaga. Kung maaari ko lang ulitin ang bawat araw na kasama ko sila, ang mga araw na sana kami-kami ulit, ang mga panahon na wala kaming pinanghuhugutan ng lakas kundi ang bawat isa at ang kakampi namin ay ang aming pamilya.

     Nagdaan ang panahon, kasabay ng aming paglaki ay ang paglawak din ng aming mga responsibilidad, ang paghahanap ng ibang masasandalan at mga tahanang tatawagin din naming sa amin. Ang mga araw na ramdam na namin na isa-isa na kaming nagsasarili  at paminsan-minsan ay nagkikita-kita parin kahit papaano. Malayo na ang kahapon, hindi ko na kayang balikan muli ang mga ala-ala na gustong-gusto kong kunin sa nakaraan. may mga bagong tao na at may mga bagong bida na sa buhay namin. hindi na kami ang mga dating mga bata na ang kalaro, kaaway, kakulitan, kainisan, sumbungan at ang kasama ay kami at kami lang.

     Pasko.....  Simbang gabi , gigising sa madaling araw upang sabay sabay kami magsimba, nakakalungkot isipin sa mga huling taon ng aming paskong magkakasama ay ramdam na namin na unti-unting nawawala ang bawat isa dahil nagkaroon na ng mga sariling pamilya ang iba. Ang dating kumpletong pasko ay unti-unting nagiging kulang  at sa ngayon ay halos hiwa-hiwalay na kung saan ang pasko ay di na tulad ng dati.

     Mis ko na sila, mis ko na ang mga tawanan nila, yung mga kulitan, yung mga halakhakan. Aaminin ko malungkot ako pag wala sila, kaya nga pag naiisip ko paano ko ipagdiriwang ang okasyon na nasanay ako na nandyan sila, Paano ko ipagdiriwang ang pasko na may lungkot at pagkasabik sa minamahal, kaya nga minsan napapatingin nalang ako sa bintana sa lalim ng gabi, may konting ngiti dahil alam ko masaya sila kung saan man sila ngayon, binubuo ang pangarap na tinatahak nila. Hindi ako matanong na tao, pangkaraniwan na sa akin ang mag-isip ng paraan pag hindi ko maintindihan, ngunit sa mga ganitong bagay kung saan ang tanong ko ay paulit-ulit sa loob ng halos  pitong taon na paano nga ba? 
Paano ba maging masaya? 
Paano nga ba ang buhay na wala sila? 
Paano nga ba?
Paano nga ba ang pasko?

0 (mga) komento: