"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Lunes, Agosto 15, 2011

"Bakasyon Ng Kabataan"

Lagi namin noon hinihintay ang bakasyon, pansamantala kaming nagbabakasyon sa tahanan ng aming pangalawang ama at ina. Dito kami natututo ng mga bagong bagay na wala sa aming lugar gaya ng pag awit sa simbahan tuwing lingo , paglilinis ng kotse, pagpapaligo ng mga aso at pamamasyal sa probinsya ng aming mga kamag-anak.

Ang mga bagay na aking nakagisnan ay ang mga pagkakataong minsan ko pang pinagpahalagahan at minahal gaya ng mga panahong naaalala ko sa aking nakaraan. Sa tahanan na naging parte na ng aking pagkatao at paniniwala ko sa ngayon na ang buhay sa akin noon ay naging pantay at patas at naging makabuluhan. Bibihira ako manood noon ng telebisyon at ang aking laging hawak ay libro na ang pahina ay walang kasulatan at panulat na walang kulay sa pagpinta.



Ang marmol na sahig at tuyong semento...
         Mga tuyong dahon at matingkad na sikat ng araw sa likod ng bahay...
                   Sabayan mo pa ng mga huni ng ibon sa tahimik na sabdibisyon....

 Kung saan ang pangungulila ay hindi ko maaaring ilabas dahil ang pagkakaalam  ko noon ay dapat akong maging masaya kahit sa pinakamalungkot na parte ng buhay ko sa mga araw na iyon. Hindi pwede magkasakit dahil limitado ang pagkukusa, hindi maaaring umiyak dahil walang lugar ang mahina at hindi maaaring maging masaya sa sariling desisyon dahil may batas kung kailan tatawa at kailan magiging seryoso.

Sa mga araw na dumaraan sa panahon ng bakasyon lagi ko napapansin na ang pagiging masaya ay laging nasa unahan ng kwento at ang huli ay mga aral sa mga nakakainis na pagsubok. Aaminin ko ang pagkakainterpretasyon ko sa salitang bakasyon ay " Masaya" , yun at yun lang talaga ang alam kong kahulugan nito kaya pagnalulungkot ako sa gitna ng mga araw lagi ko noon naiisip na kamusta na kaya ang mga kapatid ko sa kabilang bahay?"

G.I joe sa umaga, Family computer sa tanghali, magba-bike sa merienda, at patintero bago lumubog ang araw. Pag dating ng gabi ang pinaka matinding nilalaro naming magpipinsan ay Scrabble. Mag-uumpisa ito sa uncle ko, tatawagin lahat ng magagaling at mahuhusay mag laro ng Scrabble ( wala naman talagang ibang tao, kami kami lang , kampihan pa!). hindi ko matandaan kung sino ang madalas kong kakampi pero madalas kong nakikita ang bunso kong pinsan na nasa gilid at habang nanonood ay mahilig ito mangulangot. Matatapos ang scrabble ng ala-una ng madaling araw. Makaraan ang halos dalawang oras ng pag-iisip at madugong vocabulary lahat ay pupunta na sa kanya kanyang kwarto upang magpahinga at bukas ay bagong umaga ulit ng laro at kulitan.

Alatiris ang unang-unang pumapasok sa isip ko pag naririnig ko ang salitang " gumala", ito ay bunga na maliit, nagkukulay pula ito pagnahihinog, matamis  at masarap ipangbato sa kalarong madaling maasar. Ang pag-akyat sa puno ang kailangan mong kakayanan, kung hindi ka marunong umakyat ng puno eh wag mo ng isipin na sumama sa tropang alatiris. Paminsan minsan may mga sumasama na hindi talaga marunong umakyat ng puno at ang tanging kayang gawin ay mamulot ng mga nalalaglag na bunga at ilalagay sa dulo ng kanilang mga damit bilang lalagyanan. Hindi ko alam kung anong hiwaga meron ang puno ng alatiris, pakiramdam ko tuwing dalawang minuto ata nahihinog ang mga bunga nito at tuwing isang oras eh nagkakaroon ito ng bunga. Kahit ilang beses namin alugin at sungkitin ang mga bunga ay parang hindi nauubos at halos magsawa nalang kami sa puno at lilipat nalang ulit sa kabila dahil pakiramdam namin masmatamis ata ang bunga ng kabilang puno kesa sa tinutungtungan namin. Aso, aso ang pangunahing kalaban namin sa pangunguha ng alatiris at hindi ang taong nakapaligid dito. Salamat sa palabas na "the God must be crazy" at dahil dito nakakuha kami ng teknik kung paano takutin ang mga salbaheng aso.

Halos tatlumpung araw na bakasyon at ang mga huling lingo nito ay may halong kalungkutan. May mga araw na kung minsan ay ayaw naming matulog upang hindi na dumating ang bukas. Matatapos ang buong bakasyon ng mapayapa, bagong mga aral sa buhay, bagong kaibigan at higit sa lahat bagong masasayang ala-ala na babaunin namin pauwi ng aming tunay na tahanan. Ihahatid kami ng aming tito, lolo at lola. Sa aming buong biyahe madalas ako nakatitig sa labas ng bintana ng koste at nalalaman ko nalang kung malapit na kami sa bahay pag naaninag ko na ang rebulto ng isang anghel na si St. Michael. Ito ang tangi kong palatandaan na malapit na kami sa aming tunay na tahanan. Sa paghahatid sa bahay namin at sa paglisan ng aming mga kamag-anak kung minsan ay hindi namin maiwasan na hindi mapaluha o umiyak. Ang pagluha ang paraan namin upang magpaalam at ginagawa lang namin ito pag walang nakakakita sa amin at madalas sa ilalim ng kumot ko ito ginagawa. Sa mga ganitong pagkakataon ang lungkot sa puso ng isang batang tulad ko noon ay mahirap dalhin. Hindi ko pa naiintindihan ang totoong kahulugan ng bakasyon, hindi ko pa alam ang ibig sabihin ng paalam at madalas nalilito pa ako sa kahalagahan ng salitang Tahanan at Kamag-anak.

"Ang mundo kung saan ako lumaki at ang mundo na tinawag kong tahanan ay ang mundo na kinilala kong naging akin."

Kabataan,
"Hindi ko alam kung hanggang saan ang hangganan ng isang kabataan."
Pag-iisip,
  "Anong wala sa tahanan kung ang dalawang bubong ay katulad ng kahulugan nito sa puso ng isang bata?"

Bakasyon,
"Ngayon ay alam ko na ang sagot sa mga tanong na hindi kayang sagutin ng isang musmos kapagnaririnig ang salitang paalam. At dahil unang dumating sa akin ang ibig sabihin ng pag-lisan , paalam pala ang sagot sa buong taon ng aking kabataan....

Salamat sa kwento ng buhay.. Salamat sa mga ngiti at araw natin noon..Nakakalungkot isipin na tapos na ang mga bakasyon ng kabataan. Pagyayamanin  ang mga aral na iniwan nito mula sa nakaraan.

"maraming-maraming  salamat.".... Kabataan....ikaw ang haligi ng aking pagkatao.....


0 (mga) komento: