"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Biyernes, Setyembre 30, 2011

"Panahon Ng Nabubulok Na Piña"

Maihahalintulad ko ang aming lugar noon sa isang mala paraisong komunidad, at dahil sa mga kanya-kanyang papogi ng mga politiko gumaganda ang lugar namin sa kanilang mga proyekto. Tuwing magkakaroon ng mga bagong basketball court , bagong health center, renovation ng mga plaza at renovation ng palengke pakiramdam mo laging may fiesta sa lugar namin.

Kabataang barangay pa ang tawag sa sangguniang kabataan. Madaming programa ang nagagawa ng mga kabataan sa amin gaya ng pagwawalis sa kalsada, pagbibigay ng basurahan, pagbibigay ng mga programang pangkalusugan at liga o palaro. Bihira ko noon makita ang basketball court na walang laman, kung hindi man may programang pang edukasyon, may liga ng basketball na walang katapusan.

Kasama ng aking kapatid na lalake madalas kaming gumagala sa lugar na madaming tao lalo na sa mga palarong barangay at kung minsan naliligaw pa kami sa mga pulong ng mga organisasyon. Lakad ng lakad, singit ng singit, hindi ko alam kung bakit tuwang-tuwa kami tuwing nakakarinig kami ng mga taong naghihiyawan dahil sa kasiyahan, marahil siguro dito lang kami nakakasigaw ng malakas hanggang gusto namin. Paos , pagod, madumi ang mga paa at amoy pawis at sa madaling salita dugyot!

Hindi noon uso ang cellphon kaya madami pa ang nakikipag kita noon gamit ang salita.

"Kita tayo sa lunes ha! 8 o'clock ng umaga"

"May pupuntahan tayo sa sabado ha! mga 5 o'clock ng hapon"

"Yung binyag ni inaanak mo sa martes punta ka pare 2 o'clock!"

"Wag mo kalimutan sa huwebes may laro tayo ng basketball"

Mga schedule na sa salita lang ipinarating at kung mahina ang memorya mo at makalimutan ang mga oras at araw ng lakad mo, kahihiyan at pagkadismaya sa araw na nasayang at kung minsan ay tatawagin ka pang indyan!

Isang araw pag-gising ko sa lugar namin habang nagkakape sa sala naririnig ko sa labas ang mga nanay na nag-uusap ukol sa ordenansang ipinahatid ng barangay tungkol sa isang lugar na nasasakupan ng aming komunidad na gagamitin bilang damp-site.

"Ganun ba? bakit sa atin pa?"
              "Tayo lang ba ang may basura?"
"Kaninong basura ang itatapon?"
               "Baka naman sa kabila barangay yun?"

Mga tanong ng mga nanay sa kalsada habang ang mga tatay ay nakikinig lang. Dito mo mapapansin kung sino ang kumander ng mga tahanan, ang mga nanay ng komunidad. Kanya-kanyang opinyon ukol sa ordenansang ngayon lang namin narinig, ordenansang magbibigay puwang sa basura ng buong lungsod.

Ilang araw lang ang nagdaan pansin na namin na may malalaking truck na ng basura ang isa-isang pumapasok sa dating playground ng mga bata sa maluwag na bakanteng lupa. Dito nila itatambak ang mga kalat at mababahong basura ng buong lungsod. hindi ko malubos maisip kung anong meron sa amin habang pinapanood ko ang mga truck na dumadaan sa aking harapan na animo'y unti-unting sinasakop ang malinis naming kapaligiran.

Bata palang ako noon, ang kaya ko lang gawin ay sumunod sa magulang at mag-aral ng mabuti. Wala akong alam sa pamamalakad sa barangay, wala akong alam sa mga pangyayaring nagaganap sa paligid kung saan ang bawat pagbabago sa aming komunidad ay damang dama ng mga kabataang tulad ko.

"Kapangyarihan bang maituturing kung ang kaya mo lang gawin ay magpasaya ng kapwa at hindi ang kaligtas ng buhay nila?"

Dumaan ang ilang araw, ilang buwan at ilang taon .. ang dating playground ng mga bata  ay naging tambakan na ng basura. Ang dating malinis na hangin at madamong paligid ng malawak na bukid ay naging lason sa paghinga at  paraiso ng mga langaw at daga.

Dito kung saan ang taong bayan ay naghahangad ng pagbabago mula pa noong una, pagbabago na hindi kailan man naging matuwid sa karamihan , pagbabago na imbes na maging matiwasay para sa magandang bukas , magandang edukasyon at mabangong komunidad ay naging maasim na amoy na aakalain mong nabubulok na piña. Panahon na sinira ng mga pagkukunwaring pangako at sa huli daig pa ang maging iskwater at humihingi ng limos  sa sariling lupa.
" Ito lang ang meron kami noon, kaya kahit ano man ang mangyari tuloy parin ang buhay sa ngayon dahil hanggang may nangangarap ng pagbabago may pag-asa, ganyan kami noon,
ganyan ang buhay...
ganyan ang Buhay Tramo......"

Lunes, Setyembre 26, 2011

"Hindi Ka Minsan Nawalan Ng Kahit Na Ano"


Hindi ko alam kung anong oras na, wala ako makitang relo sa paligid....
nakahiga pa sa kama....

Tumayo ako sa aking pagkakahiga at bawat hakbang ng aking mga paa ramdam ko ang lamig na tila nagsasabi sa akin na umaga pa. Pilit kong ginigising ang sarili sa pag-iisip ng mga pwedeng gawin mula sa aking pagbangon sa kama. Gaya ng nakagawian hahanapin ko muna ang takure at mag-iinit ng tubig, kukunin ang asukal at kape sa lamesa at uupo sandali sa sala.

Malakas ang buhos ng ulan, madilim pa sa labas at tila unti-unting kinakain ng dilim ang liwanag sa labas. Ang hangin na animo'y sumisigaw ng "Matulog ka pa....... matulooogggg kaaaa paaa.." ay paulit-ulit na dumadampi sa aking mga pisngi. Lumingon ako sa labas ng bahay at naglakad papunta sa bukas na pinto. Tinanaw ko ang kapaligiran, nakakapanibago dahil ilang buwan din padaan-daan ang mga ganitong pag-ambon at sa puntong ito ay ang pagpaparamdam na may darating na mahaba-habang pagpatak ng ulan sa buong lingo.

Makaraan magtimpla ng kape pumunta ako sa aking lamesa at nagbasa ng mga sulat gamit ang internet. Habang abala sa mga babasahin napansin ko ang isang sulat na mula sa aking pinsang babae na nagpapasalamat sa aking binigay na payo tungkol sa kanyang problema sa pag-ibig. Nakakatuwang isipin dahil hindi naman talaga ako marunong mag-advice ng mga taong bigo sa pag-ibig, nagkataon lang siguro na alam ko ang kwento ng kanyang relasyon mula sa kung paano nya nakilala at kung paano sila nagkaroon ng pagsubok at hanggang sa huli ay nagkahiwalay dahil sa mga kadahilanang kumplekado kahit hindi naman.

Mga kataga na kailangan kong ilabas, sa totoo lang sa mga ganitong bagay hindi ako gaano nagsususlat dahil para sa akin hindi kayang bigyan ng kahulugan ang pag-ibig... dahil masgusto ko itong ipadama sa mga taong mahal ko kesa bigyan ng salitang nakakapuwing sa mata.

"May mga tao na ginagawang hobby ang hinanakit, alam mo ng masasaktan ka bakit kailangan mo pang alamin at subaybayan ang buhay ng ex mo? "

"Paulit-ulit mo lang sasaktan ang sarili mo kung hanggang ngayon ayaw mo pa rin bitawan ang kahuli-hulihang bagay na nasa kamay mo na alam mong sa kanya."

Mga salitang alam kong makakatulong sa kanyang pag-iisip, damdamin at pang-uunawa na hindi lahat ng pagsubok sa relasyon ay para lang sa karelasyon , kung minsan para din ito sa iyong sarili kung paano ba ang buhay kung wala na sya.

Wala akong gustong saktan sa mga panulat ko, pero panigurado madami akong gustong ipaalala sa mga tao na kung anong meron sila at hindi pa huli ang lahat upang sila ay magpasalamat.

"Madami pang pwedeng magmahal sayo at madami pang tao na nasa paligid mo na higit pa ang pagmamahal na ibinibigay kesa sa taong minahal mo noon"

Sila ang iyong sandalan at tangap kung sino ka hindi dahil kung anong meron ka, sila ang taong mahal ka dahil ikaw ang buhay nila, sila ang tunay mong katuwang at hindi ang ibang tao na walang magawa kundi saktan ka.

Magmahal ka ng tunay at kung mawala man siya sa iyo.....

"Magpasalamat ka at tangapin ang bukas na hindi ka minsan nawalan ng kahit na ano,
kundi may natutunan kang aral na para sa iyo,
na maibabahagi mo rin sa iba"

Linggo, Setyembre 18, 2011

"Ay Tama Pala Ako"


Bakasyon, Pangasinan.....
Pauwi na kami ng bahay galing pamamasyal sa malawak na dalampasigan ng Binmaley beach, tatlong oras din kami naglakadlakad kasama ng aking dalawang kaibigan. Tinanaw namin ang dulo at halos walang katapusang baybayin ng dagat. Nagdesisyon na kami umuwi dahil halos palubog na ang araw. Sa aming paglalakad saka lang namin napagtanto na parang gagabihin ata kami pauwi dahil halos 5pm na  kami nagpasya bumalik ng bahay, samadaling salita kung tatlong oras ang ginugol namin sa paglalakad aabutin kami ng 8pm ng gabi sa daan pauwi. Nagkatinginan nalang kaming tatlo at dahil alam namin ang mga kwento-kwento ng mga matatanda sa nasabing dalampasigan mga kwento ng kababalaghan ukol sa mga lamang lupa o Engkanto.

Habang papauwi may mga hawak kaming stick na napulot namin sa dalampasigan, nakatutuwang isipin ang mga pabalat ng mga chi-chirya at candy noong araw ay makikita mo pa sa dalampasigan ng dagat na animo mga   memorabilya ng kahapong kabataan. 5:30pm medyo inaagaw na ng langit ang liwanag, ang araw ay natatakpan na ng bundok at ulap, papalubog sa aming harapan. Ang aking kaibigan na babae na kasamahan ko sa Table Tennis sa Manila at ang kababata kong lalake sa Paranaque, sila ang mga kasabay ko sa paglalakad pauwi mula sa dalampasigan.

Kaibigang Babae: "gagabihin talaga tayo"
Kaibigang Lalake:" Tol hindi ba nakakatakot dito pag gabi?"
Ako : " Sabi nila Auntie wag daw tayo magpagabi sa dalampasigan"
Kaibigang Babae: " hay nako  gagabihin talaga tayo dito"
Kaibigang Lalake: " Huwag nalang tayo mag hiwa-hiwalay"
Ako: " Oo, para pag makita natin yung Engkano pagtulungan natin"
Kaibigang Lalake: " Hahahaha"
Kaibigang Babae: " Hwag nga kayong ganyan!, lalo lang ako natatakot eh"

6:00pm gabi na, hindi na namin halos makita ang dulo ng pampang sa harapan at sa likuran. Naglalakad kami na parang wala na kaming pakialam kung nasaan na ba kami, basta ang alam namin derecho lang ang daanan kaya derecho lang ang lakad. Sa gitna ng aming paglalakad napansin namin na ang daming shell sa inaapakan namin , unang nakiramdam ang kaibigan kong lalake " Wow! ang daming shell " , hindi namin napansin yun nung una kaming naglakad papalayo mula sa bahay. Maya -maya pa sabi ng kaibigan kong babae" nagugutom na ako " , sabi ko nalang " malapit na tayo , siguro". Ilaw lang ng poste ang aming palatandaan, doon kasi ang  kanto palabas ng dagat at sa pwesto namin mukhang napaka layo pa ang babaybayin ng aming grupo. Sa aming paglalakad napansin namin may kumpol na animong mga bilog-bilog na patong-patong sa gilid ng dagat. Maaaninag mo ito dahil narin sa liwanag ng buwan galing sa bundok sa aming harapan na sumisinag sa aming daraanan. Nilapitan namin at  laking gulat namin isang kumpol ng manga, mga indian mango!.

Kaibigang Babae: " Uy! Manga! ang daming Manga! "
Kaibigang Lalake: " sakto nagugutom narin ako "

Kumuha kami ng kaunti dahil hindi namin kayang dalhin lahat, nakakabit pa sa tangkay ang manga at may mga dahon pa.  Nagpatuloy ang aming paglalakad at sa aming paglalakad nabanggit  ng kaibigang kong lalake "nakakauhaw, nauuhaw na ako " at pagkatapos lamang ng ilang minuto ay may naaninag kaming isang animo'y bote ng longneck na naka tayo sa gilid ng dagat. Kinuha namin ito at pinagmasdan mabuti, may laman itong alak at hindi pa nabubuksan. Medyo kinabahan ako at dahil na rin siguro sa pag-iwas sa nakakatakot na kwento ng mga matatanda hindi ko pinahalata sa mga kasama ko na kinikilabutan na ako at sa aking pakiramdam ganun din ang ginagawa nila na hindi pinapahalatang natatakot narin sila. Dinala namin ang alak sa aming paglalakad at habang naglalakad tahimik ang lahat at nakikiramdam sa paligid.

7:00pm ,napansin ng kaibigan kong lalake" Wow! shell nanaman! ". Napaisip ako "Shell nanaman?" pagkabigkas na pagkabigkas nya ng salitang iyon dun ko na napagtanto na mukhang pinaglalaruan ata kami ah at hindi lang ata sila ang kasama ko, meron pang isa pero hindi lang namin nakikita. Dun na nagsimulang tumayo ang balahibo ko na parang ramdam ko na nandyan lang sa paligid at pinagmamasdan kami. Pagkalipas ng ilang minuto, " Wow! shell ulit! ". Tumigil ako at sinabi sa kanila " Teka medyo nakakahalata na kasi ako" tumingin sa akin ang dalawa kong kaibigan na parang naiintindihan na nila ang ibig kong sabihin. Binaligtad namin ang aming mga damit at dumerecho sa paglalakad. Wala naman siguro mawawala kung maniniwala sa mga kwento-kwento. Sa loob ng ilang minuto naramdaman na namin na papalapit na kami sa ilaw na aming tinatanaw.

Nakauwi kami ng matiwasay at na ikwento ko sa aking tita ang nangyari. Ipinatapon nya ang alak na dala namin at manga.

Auntie : " Sa susunod huwag kayo lalayo dahil hindi nyo kilala ang mga tao dito at ang mga nilalang na namumugad sa mga liblib na lugar  sa di kalayuan "

May mga bagay na di natin kailangan paniwalaan kung ayaw natin, pero merong mga bagay na wala namang masama kung maniniwala ka. Ang basehan ng isang paniniwala ay hindi sa karanasan kundi sa aral ng mga nauna sa atin. Marahil meron silang alam na hindi natin alam at hindi na kailangan alamin pagkat hindi na sakop ng ating interes. Ang mga makatotohanan at kapanipaniwala ay naaayon lamang sa taong nag-iisip nito, hindi mo kailangan makita para maniwala ka at kailangan mong damhin para maisip mo na " ay Oo nga noh?" kundi alamin mo ang aral hanggang mapatunanyan mo na " Ay tama pala ako ".

Biyernes, Setyembre 16, 2011

Malayo Pa Tara Na!




September 29, 2004


Sa panahon ng pagsubok at taglagas
na minsan pang narinig ang mga lagaslas
ng ulan sa paghihinagpis na dinanas
sa lahat ng paraan tayo'y naging patas


Ngunit paano natin aabutin ang tagumpay
kung ang bawat isa'y may hadlang sa pagbaybay
sa mapusok na daan at madilim na pagsabay
nang kung anong maisip na di natin maibigay


Sa panahon ng ating pagsasama-sama
kahit ano ang nangyari di mo malilimutan ang saya
na minsan pang nagpangiti ng araw na dinadala
sa buhay natin noon ang bawat isa ay mahalaga


Sa paghahanap ng karama'y sa bawat desisyon
tayong lahat noon ay may laan na pag-ayon
ang bawat isa ay iisa at sabay sabay paroroon
sa kalsadang tinatanaw na kahit gaano kalayo ang doon


At ngayon pawang nagpahinga at sana'y dimawala
ang haligi ng ating samahan at ang mga kataga
sa pagdating ng oras na tayo'y muling  magsisimula
tatawagin ko kayo at sasabihin malayo pa tara na!

Miyerkules, Setyembre 14, 2011

"Ispelengin Mo Nga Ang Pangarap"

Hindi ako nagpapangap na matalino, ganito lang talaga ang ego ko. Hindi ako nagpapangap na mayaman dahil ganito lang talaga ang pera ko. Pero may mga ugali kasi na akala nila na sila ang matalino at sila ang mayaman, mga pagkukunwari na halatang halata naman kaya tuloy napaglalaruan ng mga taong mapagsamantala. Mga taong nanunungkit ng kaligayahan sa parehong puno na hitik ang bunga kahit lason  sa isipan ang pagkain nito. Hindi ko naman sila masisi dahil kumain din ako nito noon , noong panahon na may kalungkutan ang buhay ko. May mga taong ganid sa pera, yung talagang masasabi kong naghuhukay ng ginto sa kaibigan , kasintahan at kahit na sa mga taong malalapit  sa kanya. Ugaling iiwanan ka kahit ikasama mo pa. Hindi natin sakop ang pamamalakad ng utak nila pero sa dahil nga tayo ang nagpapaandar ng ating mundo  maaari natin silang wag na pansinin at ating baliwalain. Hahatakin lang nila tayo pababa dahil masmabigat ang problema nila at nakaka-awa.


Sa pagsuong sa buhay mapapansin naman natin ang mga taong totoo na nasa tabi natin kapag nasa panahon tayo ng matinding pagsubok. Ang mga taong hindi ka iiwanan kailanman, mga taong hahawakan ka kapag ikaw ay nadarapa. Ngunit ang nakakalungkot ay may mga tao din na naghihintay ng iyong pag-angat. Sila ang mga taong naghihintay din ng iyong mga tagumpay kung saan una silang sasabit sa paglipad mo at may ganid na pag-iisip. Ang pag iisip na bibitawan ka sa kawalan pagnakuha na nila ang gusto nila  sayo.

Noong mga panahon na nagsisimula ako mangarap naisip ko na paano nga ba ispelengin ang pangarap? Yun ba yung mauuna ang P at huli ang pangalawang P? oh pagbaliktarin ko kaya? Pero parang pareho lang. Sa gitna napansin ko ang salitang "angara", una ko naisip ang salitang " ang gara" , " kakaiba", " astig", " ang ganda", puro positibo walang salita na nakakadismaya. Napaisip ako ng tamang kahulugan ng letrang  P sa unahan at letrang P sa hulihan, ito ang "Pagsubok" at "Pag-asenso". Dun ko naunawaan kung bubuo pala ako ng " Pangarap" dapat ay handa ako sa mga Pagsubok upang sa huli ay makamtan ko ang Pag-asenso na minimithi. Mga bagay na ginagawa nating literal at mga bagay na ginagawa nating makahulugan, dipende yan sa kung anong gusto natin sa buhay, ang gawing  totoo o gawing laro.

Minsan nga naiisip ko sana hindi nalang sila naging ganoon, yung mga taong masaya sa sarili nilang mundo at ikinukulong pa lalo ng mga taong nasa paligid nito kaya hindi na tuloy alam kung ano ang totoo at hindi totoo. Mapanghusga, yan ang ayaw kong ugali na ginagawa ng mga taong walang alam sa pagkatao ng iba. Kaya nga imbes na problemahin ko pa sila ay mas magandang itaguyod nalang ang pangarap na matagal ko ng naiwanan dahil sa mga panahong sinayang ng mga pagkukunwaring hindi ko agad nakita. Matagumpay at mapayapang bukas , yan lang naman ang ginusto natin para sa magandang buhay.

Hindi naman masama ang mangarap ngunit nakakasama naman kung puro pangarap nalang at wala ng ginawa kundi umupo at mangarap maghapon. Masarap mangarap kapag naumpisahan na natin ito, yung alam natin na kahit gaano kahaba ang panahon ay napagdesisyonan na natin na doon tayo pupunta sa pangarap na totoo. Wag tayo pa apekto sa mga paninira ng iba, derecho lang at paroroon din tayo.

"Mga kasabay sa paglalakbay,
        mga kasamahan sa pagsilong kapag may ulan,
             at mga kaibigan hindi dahil kailangan ka nila
                        kundi dahil ikaw ang sanggang dikit nila at totoo."

Martes, Setyembre 13, 2011

"Kaibigan Ko Si Batman"

Grade one......
Pauwi na ako mula sa aking eskwelahan, lagi ko noon kasabay ang aking nakakatandang kapatid at dahil isang taon lang ang agwat ng aming edad ay madali kaming magkasundo sa maraming bagay. Hilig namin ang mag kuwentuhan sa daan  ng kung anu-ano habang papauwi. Mula sa pinaka masarap na pagkain hanggang sa pinaka nakakatakot na bagay oh lugar. May kalayuan din ang  aming eskwelahan, masasabi kong aabutin  kami ng mga 30mins sa paglalakad dahil narin siguro sa maliliit naming mga hakbang. St.Gregory o St.Gergori kung aking bigkasin ang aming paaralan noong grade school.

Karamihan sa aking mga kaklase ay malalapit lang ang tahanan sa eskwelahan at dahil dito lagi kaming napapadaan ng aking kuya sa mga bahay ng aming mga kaibigan at madalas ay lagi kaming may libreng juice at tinapay.

May mga pagkakataon din noon na hindi ko nakakasabay ang aking kapatid sa pag-uwi at dahil nga nakasanayan ko ng kasama sya, madalas kong nahuhuli ang aking sarili na binibigkas ang mga salitang  "Tignan mo yun oh!" at doon ko lang mapapansin na ako nga lang pala mag-isang naglalakad. Hindi ako nakakauwi ng maaga kapag wala akong kasabay dahil inaabot ako ng ilang oras sa paglalaro sa mga  tahanan ng aking mga kaibigan. Minsan naitanong  ng  aking kaibigan ang

" Saan ba ang bahay nyo?"

hindi ako makasagot dahil ang alam ko lang ay kung paano umuwi at kung tatanungin man ako ng pulis
kung sakaling mawala ako ang tanging maisasagot ko lang noon ay " Tramo po".

" Punta kayo sa bahay namin, maganda dun!".

Alam ko na malaki ang pag-aalala ng aking mga magulang sa tuwing kami ay umuuwi magkakapatid galing sa eskwelahan. Nasusundo naman kami paminsan-minsan ngunit madalas ang hindi dahil narin sa kakulangan ni mama ng magbabantay sa iba ko pang mga kapatid. Maganda naman ang kalsada pauwi sa amin ngunit habang palapit ng palapit ay pasikip ng pasikip ang eskenita papunta sa bahay. Ang bahay namin noon ay hindi ordinaryo. Sa paglipas ng panahon ang lupa sa aming lugar ay tumataas ng tumaas ng hindi ko maipaliwanag kung bakit. Napag-iwanan na ang lapag ng aming bahay, kapag umuulan pumapasok ang baha sa loob ng sala at animoy maliit na swimming pool na kulay putik. Dahil sa ganitong problema na isipan ni papa na pataasan ang lupa sa loob. Tinambakan nya ito ng madaming lupa at saka isinimento ngunit ang kisame ay hindi manlang ginalaw oh dinagdagan ang taas.. Tumaas ng mga apat na pulgada ang lapag namin  at halos 5ft nalang ang taas ng loob ng bahay.

Simula noon lagi nalang nakayuko si mama at papa kapag naglalakad sa loob ng bahay. Para sa aming magkakapatid hindi problema ang taas ng kisame dahil hindi pa ito abot ng aming mga ulo. Isang araw ay may dumating na bisita si erpat at sinabing

"Pare lumiliit ata ang bahay mo ah?"
at bigla ako sumagot ng,
"Lumalaki lang kami"
tawa ng tawa si erpat na animo'y akala nya ay nagbibiro ako pero sa totoo lang yun kasi ang naiisip ko kaya lumiliit ang bahay namin.

Hindi kami nasanay sa mga bagong laruan at madalas kami na mismo ang pumupunta sa mga kalaro namin upang doon makapaglaro ng mga laruang tau-tauhan gaya ng Superman, Batman, baril-barilan at mga truck-truckan. Isang araw habang naglalaro sa eskwelahan nagyaya ang aking mga kaibigan na pumunta sa aming bahay at dahil medyo may kalayuan ito ay medyo nag-alala ako sa kanilang daraanan pauwi.

(Habang papunta sa aming tahanan)

"Sinong kasama mo sa inyo?"
          "Si mama at papa ko at mga kapatid ko"
"Ahh ilan ba kayo?"
           "Madami kami mga sampu!"
"Ang laki siguro ng bahay nyo"

Pagkatapos ng mahabang paglalakad sa kalsada at masisikip na eskenita nakarating narin kami sa aming tahanan ngunit hanggang labas lang kami ng bahay. Dahil sa nasanay sa malalaking bahay ang aking mga kaibigan takang taka sila sa kanilang nakita.

Kaibigan: "Bakit parang ang liit ng pinto nyo?"
Ako: "huh? kasi si papa eh"
Kaibigan: "At bakit ang dilim sa loob?"
Ako: "umaga pa kasi kaya walang ilaw"
Kaibigan: "nakakatakot pumasok parang kweba"
Ako: "Kasi nga Kaibigan ko si Batman"
Kaibigan: "Ganun ba? sige uwi nalang kami, hatid mo ulit kami palabas ha?"
Ako: "oh sige kayo bahala ayaw nyo talaga pumasok?"
Kaibigan: "buti ka pa kilala mo si batman, tara uwi na kami"

Hanggang ngayon ay naaalala ko parin ang mga laro naming magkakaibigan, masaya at makukulit. Ngunit dahil narin sa katagalan at pagkupas ng libro ng nakaraan hindi ko na maalala ang kanilang mga pangalan at itsura. Gusto ko silang balikan at pasalamatan , mga kaibigan na naging parte ng aking personalidad tungo sa pagkakaibigan. Mga unang katatawanan , mga unang kalaro, ang mga unang halakhakan at mga unang Kaibigan ....

Salamat sa inyo...

Lunes, Setyembre 12, 2011

"Respeto"


~1998,
Pag-gising ko sa umaga tulala pa ako, malamig pa ang pakiramdam at tuliro pa ang kaisipan. Nakatitig sa kung saan , tahimik at dilat pa ang mga mata, lilipas ang ilang minuto pupunta sa kusina , unang hahanapin ang asukal bago ang kape at mainit na tubig bago ang baso. Uupo sa gilid dilat parin ang mga mata habang nakatanaw sa kawalan, animo'y isa-isang nabubuo ang diwa.


Unang ngiti sa umaga, unang sulyap sa bagong araw. Sa labas ng aming bahay matatanaw mo ang maliit na taniman ng okra at talong. Kaysarap umupo sa lilim ng puno ng sampalok habang tinitignan ang mga pato at itik na nag aagawan sa kanilang pagkain.


Sa di kalayuan maaaninag mo ang hamog na nakakalat pa sa mga taniman ng tubo, ang mga ibon ay tila naghahanap na ng kanilang mga pagkain sa basang lupa ng ilog. Ang hangin ay napakalamig at malinis, Ito ang buhay ko noon sa probinsya.


May mga panahon sa buhay natin na hindi natin naiisip ang kahalagahan ng mga bagay sa paligid. ang kabutihan ng pagkakataon sa atin na kung saan tayo noon ay malaya at hindi alintana ang bagyong susuungin. Mga pagsubok na tayo din ang may gawa, mga paglalakbay na tayo din ang gumawa ng daan. May mga tanong na.... 

"Ano ba ako sa mundo?" 

at mga sagot na ....

" kaya mo yan, konti pa at makakaraos din tayo".

 Ang buhay na ginawa natin ay kadalasan ay hindi ang buhay na gusto natin mangyari. Ang mga pagsubok na nagpatibay sa ating pagkatao ay ating dala-dala hanggang sa muling pagsuong sa matinding bagyo sa ating buhay.


Dumating ba sa buhay mo na palitan ang iyong pangarap? Yung naisip mo na masmaganda para sayo ngunit sa bandang huli ay nagkamali ka pala. May umagapay ba sa pagluluksa mo? may katabi ka ba habang umiiyak o nasasaktan ? hinanakit na hindi naman dapat at hindi mo naman gusto ngunit kinuha mo parin. Maswerte ka kung meron. Ang mga tapat na kaibigan, kamag-anak man o kababata, sa mga mumunting pag akbay at sandaling oras sa tabi mo ay mahalagang-mahalaga.


May mga araw na habang abala tayo sa ating mga gawain sa araw-araw hindi natin maiwasan balikan ang nakaraan, lalo na pag may mga nakikita tayong bagay at pagkakataon na ginagawa natin noon , lalo na sa 3pm ng hapon tumatak na sa utak natin ang "The Lord's Prayer" na naririnig sa radyo at telebisyon. Aminin mo man o hindi alam kong iba ang naiisip mo pag naririnig mo ang dasal na iyon, ang nakaraan ng kabataan, masayang naglalaro sa kalsada oh papauwi galing eskwelahan. Ang panahon ng rubber band, panahon ng tatsing at iba pa ang kahulugan salitang "text" o "teks", Sikat parin ang football at patintero.


Ang nakaraan natin ay kayamanan na hindi kayang agawin o nakawin nino man. Pagpapahalaga sa buhay natin noon ay gawin din natin sana sa ngayon  dahil kung ano tayo ngayon ay dahil yun sa kahapon. 


"Konti lang nakakaalam ng pagkatao mo at buhay na sinuong mo, at ang bawat tao sa paligid mo ay may kanya-kanyang istorya nang paglalakbay. Respeto, yun lang naman ang hinihingi natin sa bawat isa, saka na ang pagmamalaki ang importante ay ang pagpapahalaga."

Linggo, Setyembre 11, 2011

"Ikaw"

"Ikaw yung gusto kong pasalamatan sa tuwing dumarating sa akin ang kalungkutan, ikaw yung una kong naiisip kung kaya't hindi ko nagagawa ang lumuha. Lumalakas ako kapag nariyan ka, nagiging malinaw ang lahat at madaling nauubsan ang bawat hinanakit ng aking pagdaramdam."

"Ikaw ang aking panimula sa bawat umagang puno ng pag-asa at pagbabago"

"Ikaw......................Ikaw..........................Ikaw"

"Ako Na Ba Ngayon?"

Nakakita ka na ba ng kalsada na pagkatapos butas-butasin ng mga makinang maiingay na kung tawagin namin ay dugudug (Jackhammer) eh pinabayaan nalang at hindi na binalikan at inayos? Kung nakakita kana subukan mong ilagay ang ganung itsura sa loob ng kusina, dahil ganyan na ganyan! ang kusina namin noong aking kabataan.

Tanda ko pa ang malaking poso sa gilid ng aming bahay, hindi ito ordinaryong poso  na pangkaraniwan na nating nakikita dahil ang isang ito ay medyo may kalakihan at may kahabaan ang hawakan. Medyo doble ang laki nito sa nakagawian nating posong pang bahay. Dito nakahilera ang mga labahan ng aming mga kapitbahay. Tatlo ang apartment na magkakadikit-dikit sa compound ng aking lolo't lola at tatlo din ang palikuran na malapit sa poso na okyupado ng bawat isang pamilya. Ang mga kapitbahay na ito ay ang mga taong kinalakihan naming magkakapatid. Nasubaybayan nila ang aming pag-usbong at ang kalinangan ng pagiging musmos na kanilang ikanatuwa.

Dumaan ang mga taon na parang isang time machine sa utak ko, ang ala-ala ng mga gusali kasama na ang poso ay unti-unti ng kumupas ang mga larawan sa aking isipan. Ang naalala ko nalang ay ang mga gumuhong pader ng mga palikuran at ang tanging naiwan nalang ay ang sa amin. Ang mga bato ay itinambak sa paligid ng bahay. Naging kusina namin ang buong lupang kinatatayuan nito. Dito kami naliligo, naglalaba at naghuhugas ng plato at kung minsan ay dito ko rin nakikita  si mama na nagluluto ng noodles gamit ang kalan na di-uling.

Ang aming kusina ay may kahoy na lababo, may linoleum na sapin at ang sahig ay mga batong tambak na galing sa gumuhong pader ng mga dating palikuran. Gaya ng dati si erpat ay nagtayo ulit ng maliit na barong-barong sa gilid ng aming bahay at doon ko naman naunawaan ang mga aktibidades na ginagawa nya. Nagkukumpuni sya ng mga sirang 2-way radio, nagde-develope ng mga picture at nag aayus ng mga sirang electronic appliances. Siraniko! yan ang tawag ni mama sa kanya, naaalala ko pa ang  pag-aayus nya ng telebisyon na biglang umusok at imbis na maayos eh sa junkshop ng aming kapitbahay ito napunta.

Tulad din ng ibang pamilya kami ay sabay sabay din kumakain. Madalas naming ulam noon ang pinakapaborito naming galungong at noodles. Hindi naman lahat ng araw eh ganito ang ulam namin , nagkakataon lang na ito talaga ang paborito naming magkakapatid kaya palaging niluluto ni mama at kung minsan ay  papalitan nya ito ng royco soup para maiba naman.

Sa aming paglaki unti-unti na kami naaatasan ni mama ng mga obligasyon gaya ng pagpapakain sa mga nakababata naming kapatid, paglilinis ng bahay at paghuhugas ng plato. Paghuhugas ng plato, oo tama! paghuhugas ng plato! Ito ang tanging gawaing bahay na hinding-hindi ko makakalimutan. Sa araw-araw at isama mo pa ang gabi ito lang ang tanging gawaing bahay na naging sistema na ng aming buhay kabataan. Tatlo palang kami noon na marunong maghugas ng plato, gamit ang baretang panglaba, ibababad muna namin ito sa tabong may tubig at saka ilulublob ang maliit na tela at saka ipapahid sa mga hugasin. Mahahati ang hugasin sa  tanghalian at  hapunan at ang hugasin sa sabado at lingo ay mapupunta lamang sa isang tao. Naalala ko pa kung paano ko pabulain ang baretang panlaba sa maliit na batya, kinukus-kos  ko muna ng tela hanggang sa magkulay asul ang tubig at matakpan ng bula. Ni minsan hindi ako nagkaroon ng pagkabugyot sa  bawat paghuhugas ko noon ng plato dahil kung minsan ay pakiramdam ko na parang laro lamang ang lahat.

Naiiba lamang ang schedule ng paghuhugas ng plato pagdumarating na ang bakasyon, paglipas ng ilang buwan ay bumabalik ulit kami sa dating nakagawian. Sa paglipas ng mga taon nadagdagan narin ang may mga ganitong obligasyon, mula sa tatlo ay naging anim na kaming magkakapatid na gumagawa nito. Ganun parin naman ang patakaran isa sa tanghali at isa sa gabi. Dahil narin sa mga nakakalitong papalit-palit na oras namin lagi nalang kami nalilito sa mga susunod kung sino oh kung sino nga ba talaga ang susunod. Hindi man namin intensyon magkapalitpalit eh madalas namin naitatanong noon ang "ako na ba ngayon?"

Naiparating  sa amin ng maayos ng aming mga magulang ang totoong imahe ng obligasyon ng bawat isa sa pamilya. Ang mga pagkukusa ay hindi na namin napapansin dahil narin ang buhay namin noon ay ang obligasyon ay obligasyon. Hindi naman bawal magkasakit ika nga, sakto lang ang bawat araw sa paglalaro, pag-aaral at paglilinis ng sariling tahanan, ang tahanan hanggang ngayon ay aming pinagpahalagahan at minahal.

Biyernes, Setyembre 9, 2011

" Kulang Nalang Ay Barya"

Tanghaling tapat,....
               Matingkad ang sikat ng araw,....
                                         1984, .......Tag-araw.

Kapag naglalaro kami noon sa tabi ng bahay na nasa loob ng aming  bakuran bihira kami madampian ng sinag ng araw. Madaming puno at halaman sa paligid at halos masisilaw ka sa mga liwanag na tumatagos sa mga dahon ng puno. Madalas ko noon panoorin ang mga langam habang naghahakot ng kanilang mga pagkain at kung minsan ay tinutulungan ko pa sila dalhin ang  mga nakukuha nilang biscuit, candy at kanin na mula sa plato ni brownie na alagang aso ni lola. Mga ilang minuto din ang itinatagal ko sa ganitong laro dahil ang pakiramdam ko noon ay isa akong tagapagligtas, ako ang super hero ng kanilang bayang inaapi ni brownie at ni muningning. Lagi akong may hawak na stick ng BBQ para sundutin ang maliit nilang lunga pero sa huli ang langam na mismo ang nagagalit sa akin dahil sinisisra ko ang  tahanan nila. Gusto ko lang naman makita ang loob kung anong itsura ng kusina, sala at kwarto, masama bang makisilip sa bahay nila? kung bakit kasi ang liit-liit hindi ko tuloy masilip. Sa bandang huli makakagat ako sa paa at lalapit kay lola para magpapahid ng gamot na kung tawagin ay caladryl.

   "Hindi ko talaga alam kung bakit caladryl, basta ang alam ko lang kapag nakakagat kami ng langam, lamok, bubuyog, surot at kung anu-ano pang kagat ng insekto eh ito ang pangunahing pampahid ni lola sa amin, ang mahiwagang caladryl! Kaya tuloy nung highschool ako inabutan ako ng allergy sa daan at ang binili ko sa tindahan ng gamot ay caladryl. Ilang araw din akong natulog na kulay pink ang aking katawan, hanggang pumunta na ako sa doktor at saka ko lang nalaman na hindi pala yun para dun."

May maliit na parang barong-barong  si erpat noon sa gilid ng bakuran , hindi ko alam kung anong meron dun pero amoy kemikal. May mga papel na nakasabit sa sampayan at malimit siyang mag-isa sa loob. Kung minsan ay sinusubukan ko pumasok pero sinasalubong ako ng amoy na parang plastic na tinunaw. Lalabas si erpat na may mga hawak na litrato at ipapakita nya kay lola at lolo. Hindi lang iyon ang nakikita kong ginagawa ni erpat, mayroon din syang mga maiinit na pangtunaw ng bakal at mga sirang kasangkapan na animo'y scientist na nagtatrabaho sa lugar namin pero sa batang tulad ko noon hindi ko talaga maintindihan bakit mausok at may mga nakakalat na mga sirang  radyo, TV at kung minsan hindi ko na alam kung anu-anong aparato.

Hindi naman kami bawal lumabas ng bakuran, ayaw lang talaga nila kaming palabasin pagmadami silang ginagawa sa bahay gaya ng pagluluto ng tanghalian, paglalaba, paglilinis ng bahay, pagpapaligo ng aso, paghuhugas ng plato, pagdidilig ng halaman at marami pang iba!, sa madaling salita hindi talaga kami makakalabas hanggang walang magbabantay sa amin. Kahit abala sila, lagi parin  nila kami nasusubaybayan. Madalas kami maglaro noon sa mga lugar na matataas, yung masarap akyatin , yung pwede ka tumalon habang gamit ang mga laruan na baril-barilan. Baril-barilan na yari sa kahoy at kung minsan ay mahabang kahoy lang talaga na ginagawang armalayt.

Hanggang ngayon ay tandang-tanda ko pa kung paano kami napansin noon ni erpat dahil sa hindi namin paggamit ng salitang "Ate at Kuya". Tanda ko pa kung paano nya itinuro sa amin kung para saan at kung para kanino ang salitang ito. Sumisigaw pa ako noon ng " kuya! kuya! kuya!" habang tumatalon, bago man sa aking pandinig ngunit mabilis ko rin ito naunawaan at ginamit.

Sa paglalaro sa labas ng aming bakuran dito na maiiba ang mundo naming magkakapatid.  May mga bata ng tulad namin na naghahanap din ng kalaro. Ang mga tanong na "Bata! bata anong pangalan mo?" at ang salitang " Sali ako" ay ang tanging mga salita na alam namin ang totoong kahulugan. Sa bawat habulan, tawanan, asaran ang kapaguran ang tangi naming limitasyon sa paglalaro. Lingid sa kaalaman ng aking mga kalaro at gayun din sa aking mga kapatid at isama mo na si lola, madalas ako sumisilong sa harapan ng tindahan ni lolo. At doon hihintayin ko ang barya na animo'y kayamanan na galing sa langit. Malalaglag mula sa maliit na bintana na galing mismo sa tindahan at dahil para sa batang tulad ko noon kulang nalang ay barya upang mabuo ang aking araw ng kabataan. Barya na galing mismo kay lolo at sa ngayon, minsan, naiisip ko na sana inipon ko lahat ng barya na ibinigay nya sa akin. Dahil para sa akin ay masmahalaga pa ito sa lahat ng salaping natatangap ko. Mis ko na ang lolo ko , sya ang una kong bayani , sya ang una kong idolo at sya ang una kong naaalala kapag nakakakita ako ng barya. Kulang nalang ay barya buo na ang araw ko.

Hinding hindi ko talaga makakalimutan ang mga oras na iyon na tila tumatak na sa isip ko na parang kahapon lang ang nakaraan. Ang hirap bumuo ng ala-ala at kung minsan pilit mong pinagdurugtong-duktong at  kahit sa bandang huli ay mapapagod ka kakaisip eh masaya ka parin dahil unti-unti mong nasasalaysay ang kuwentong nakalimutan na ng iba at ngayon ay mababasa at mauunawaan narin nila.