"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Miyerkules, Nobyembre 5, 2014

"Kapag Ikaw Naman Ang Nadapa"

Pakiramdam ko ay nagiging maaliwalas na ang lahat. Ang paghahanap ng kalinangan sa mga paghapo ng dibdib ay unti-unti ko nararamdaman. Nagpapasalamat sa mga tao na sa akin ay nangamba at nagpaliwanag ng kanilang mga dahilan kung bakit kailangan kong ngumiti muli.


Saan ko ba muli nakita ang inyong mga mukha? Kailan nga ba ulit tayo nagkausap ng personal at nagkaroon ng mga matatamis na tawanan? Ramdam ko muli ang bukas. Ang pagiging ako ay muli sa akin ay bumabalik. Hawak ko parin ang haba ng mga pisi sa bawat pag-akyat. Ang bawat pagbaybay sa aking  mga hinanakit ay pawang maamong dagat. Malawak at malalim, dito ako nabubuhay.

Muli sa aking pag-gising ang nais ko lang ay mapatawad nyo rin ako. Sa aking mga kahinaan at sa aking kakulangan, bilang kapatid, kaibigan o bilang magulang. Pagsusumamo na ang aking kalakasan ay muli pagtitibayin. Ang daan na ating tatahakin ay doon ko muli iyayabag ang mga paa na tungo sa mga pagsubok at pagpapahalaga sa bawat isa. Kahit gaano kalayo, kahit gaano katagal at ang maipapangako ko lang ay ang aking sarili kapag ikaw naman ang nadapa.


Martes, Setyembre 30, 2014

"Kahit Hindi Pa Ngayon"

Habang umaandar ang oras sa aking harapan patuloy ang nakakasilaw na sinag ng araw sa tanghaling tapat. Naaaninag ko ang mga ibon na naglalaro sa kakaunting salok ng tubig na nagmula sa ulan ng nakaraan. Paunti-unti ako sumasakay sa bahagyang ihip ng hangin. Ang lakas nito ay patuloy na binabago ng panahon sa pamamagitan ng paghampas nito sa mga luntiang dahon sa paligid.

Daig ko pa ang pinaglalaruan ng mga engkanto kung saan ang aking ulirat ay patuloy na naglalakbay sa kung saan sa kabuluhan ng buhay at pagiisip. Hinahanap ang kahalagahan ng aking mga desisyon, kung bakit matapos ko pagtibayin ang mga pundasyon ay doon ko napagtanto na unti-unti itong pinaparupok ng kahapon.

Naging tama ba ako? yan ang laging katanungan. Naghahanap ng kakampi sa mga tao na hindi naman ako lubos na kilala. Mga tanong na imbes na tanungin kung "Saan ako nagkamali" ay nagiging " Bakit ako nagkamali?".

Dahan dahan ako nawawala, namamatay sa katotohanan. Nagiging manhid kahit ako ay patuloy na nasasaktan. Idinadaan sa mga ngiti ang mga pakiwari na sana ay may makapansin na ako ay lumuluha ng palihim tuwing lumalalim ang gabi. Ang pagiging malakas ay ang imahe ko sa karamihan ngunit sa kabila nito ay kahinaan na hindi nararamdaman ng iilan.

Walang laman, yan ang aking pakiramdam, isang bakanteng pagkatao, isang pinuno na walang masisi kundi ako. Paulit-ulit ko sinasadya na sabihin sa aking sarili na ako lagi ang may sala at ako lagi ang mahina. Hanggang bigla ko nalang naramdaman na hindi ko pala kaya dahil tuwing binabato ng masasakit na salita ay parang batang lumuluha.

Kahit hindi pa ngayon, alam ko naman yun. Mga mata na pilit ko ipinipikit sa mga malalambing na gabi at hinanakit. Mga yakap na alam ko ay totoo kahit pansamantala. Mga luha na hindi ko kaya ipahalata. Pagmamahal na alam kong mali sa iba at nagiging tama sa aking mga mata. Walang pagsisisi, walang agam-agam at dahil nga habang nakahawak ang mga kamay mo sa akin hindi ako bibitaw kahit nasasaktan.

Lunes, Setyembre 1, 2014

"Kahit Nasasaktan"

Tinutulak ako ng aking pag-iisip, ang pag-aakala na ikaw ang aking nakita ay ibang tao pala. Natatakot magkamali ngunit ang mga panahon narin ang nagbigay sa akin ng pakiramdam. Hindi madalas maibigkas o maitanong ang mga bagay na nais ko malaman kung bakit sa ganitong sitwasyon lang ako nagiging pipi. Mabigat sa dibdib animo'y nakakulob na hangin. Gusto ko sana makahinga ngunit buntong hininga lang ang nagagawa.

Alam ko naman na hindi ako nagkamali, alam ko naman na hindi ako nagmadali. Ngunit bakit parang ako lang ang nasasaktan kapag nadarapa. Bakit parang ako lang ang napapaisip kapag nalilito. Maiintindihan ko naman lahat dahil pinili ko ang lahat ng ito. Hanggang nakahawak ang iyong mga kamay sa akin  hindi ako bibitaw kahit nasasaktan.

Sabado, Hunyo 21, 2014

"Umagahan"

Sa lamesa kung saan hinihiwa ni mama ang keso, mga pandesal na paulit-ulit naming umagahan, sa aking murang edad noon ay maaga namin nakilala ang kapeng mainit. Habang sumisikat ang araw ay dahan dahan nito ibinabato ang kanyang liwanag na tumatagos sa aming bintana. Sa panimula sobrang tahimik ang aming diwa at dahil dito ay parang islomo ko nakikita ang mga alikabok na naglalaro sa mga ilaw ng liwanag. Tulala pa ang aking mga kapatid at halos lumilipad parin ang aking isip habang nginunguya ang aking hawak na pandesal.

Ganito lang kapayak ang umaga namin. Kumakain kami sabay sabay sa lamesa at unti-unting mabubuhay ang aming mga dugo sa kapeng mainit. Kakaunti lamang ang kape at kakaunti lamang ang asukal. Ang pandesal na may palaman na kesong halos ipinahid lang ng daliri upang kumalat ang lasa nito. Lingid sa kaalaman ni mama kinukuha namin ang keso na nakalagay sa aming mga hawak na tinapay at iniipon sa aming mga kamay. Dahil ito ang magsisilbing palaman ng aming  huling pandesal sa umaga.

Mga ngiti parin ang sumasalubong sa amin tuwing umaga. Kahit  wala ang masasarap na pagkain ay patuloy parin namin ibinibigay ang kasiyahan sa bawat isa. Mga bagay na tinangap na namin at isinabuhay ang mga aral na kung anong meron kami noon. Ang pagmulat sa amin ng aming mga magulang na patuloy ang pag-ikot ng mundo at  kahit papaano ay makakaahon din kami sa kahirapan ng buhay. Kaya noong mga oras na iyon tuwing umagahan ay pansamantala namin hinihinto ang lahat ng aming ginagawa upang pagsaluhan ang hapagkainan. Mga umaga na hanggang ngayon ay akin parin naaalala. Mga bagay na hindi kailanman mawawala sa aking isip at hindi makakalimutan ng bawat isa sa amin
.

"Kung gaano namin napagyaman ang bawat sandali ng aming kabataan ay ganoon din namin naintindihan ang estado ng aming pamumuhay."

 Malayo pa ang aking dapit hapon ngunit sa tuwing naaalala ko ang nakaraan na umagahan kasama ng aking mga magulang at  kapatid ay lagi ko nalang nahuhuli ang aking sarili na nakangiti. Mga umagahan ng nakaraan kung saan magkakasama pa kaming lahat. Ang panahon na hindi ko maikakaila na ang pinakamasarap na hapagkainan ng buhay ko ay ang dating umagahan.

Huwebes, Hunyo 19, 2014

"Dahil Minsan Ay Naging Isa Tayong Lahat"

Pagkakataon, mga panahon na minsan pa natin pinasaya. Mga problema na ibinahagi sa isa't-isa. Mga pagsang-ayon sa bawat desisyon ay  maluwag natin tinanggap. Hindi humihinto ang ulan at malamig parin ang hangin ngunit ang init ng bawat pagtangap sa atin ay gaya din ng ating mga galak sa bawat kaibigan na dumarating. Doon tayo masaya, sa mga simpleng bagay at mga simpleng kasayahan. Konting ngiti at malalakas na tawanan. Mga panahon na minsan pa natin pinangarap na sana ay wala ng katapusan. Mga samahan na kinabilangan, mga kaibigan na nakilala, mga panahon na kasama sila at mga kuwento na naging aral sa bawat isa.

Liham, tulad ng pangungulila habang nakangiti dahil sa pagbalik ng mga ala-ala na masasaya. Pagmamahal tulad ng isang magulang, kapatid at sarili. Mga naging parte ng ating pagkatao at kasiyahan. Ang hindi malilimutang sandali kung saan minsan lang tayo maging baliw sa mundong mapanghusga. Maging masaya at maging kuntento ang tanging pangungusap ng bawat ngiti habang nakatingin sa ating mga mata.

Sa paglipas ng panahon maaalala mo sila, hindi maaaring hindi. Hindi mo man matandaan lahat ngunit mapapangiti ka habang nakaupo at nakatanaw sa kawalan. Sila yung ayaw mong mawala ngunit gaya nga ng isang libro mauubos at mauubos din ang bawat pahina at mabubuo ang isang kuwento ng pagkakaibigan.

Tuloy ang kuwento ng buhay at pangarap ng bawat isa. Mga pabaon na ngiti ng nakaraan ay patuloy natin dala-dala sa ating mga puso. Mga pighati at agam-agam ay naging aral na sa atin. Ang pagpapatawad ay hindi natin isinasantabi. Ganoon parin ang kahapon at wala na tayo mababago sa nakaraan. Hindi natin nakakalimutan ang mga araw na minsan din sila nag-alala sa atin. Ang kabutihan na ang tanging gusto lang ay mapasaya ang bawat isa. Ang pakiwari na sana ay maintindihan at maging tapat na kaibigan.

"Walang samahan sa mundo na hindi nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan"

Ang mga yugto kung saan naging masungit ang panahon at naging maalon ang dagat. Mga bagyo  sa ilalim ng hindi pagkakaintindihan ay ating dinaanan. Habang naghihintay ng sikat ng araw ay doon natin mauunawaan na dito tayo nagiging matibay at matatag. Sa mga unos at pagpapatawad. Pag-uunawa at paglago ng ating mga personalidad.

"nakatutuwang isipin kahit ilang beses pa natin itulak
pababa ang lupa, bilog parin ang mundo"

Maisip lang sila ay masaya na dahil  minsan ay naging isa tayong lahat.

Kaibigan...




Biyernes, Mayo 30, 2014

"Sana Bukas Bago Muli Ang Bawat Umaga"

Inubos nito lahat, ang lahat ng mga naipon kong katatagan. Itinapon ako sa isang sitwasyon na ni minsan ay hindi ko inasahang magiging bangungot ng aking pagkatao. hindi ako natatakot sa mga nangyari, hindi ako nadapa o nawalan ng pag-asa. Ngunit ang lalim ng sugat at hapdi ng naidulot nito sa akin ay parang isang sumpa na paulit-ulit na sa akin ay idinidikta.

nagalit ako sa kanila at ang pagpapatawad ay malayo pa sa akin upang gawing salita. Kung paano ko tinangap ang bawat pasakit ay ganoon ko rin itinapon ang mga duro na may halong kapanatagan. Mga gabi na di na ako nagigising dahil hindi narin ako pumipikit. Ang pinakamalakas na sigaw ay dito ko ibinigay. Oras na paulit-ulit na humihinto tuwing naaalala ang mga gunita. Luha na hindi na kayang magtago sa aking mga mata. Ang pagiging mahinahon ay ang nagpapabigat ng aking mga dinadala. Panghihinayang at pagsisisi ang sa akin ay sumisiksik sa aking pangungulila.

Hindi parin ako tapos sa pag-iisip. Hindi ko rin alam kung hanggang kailan maisasantabi ang agam-agam na pahirap sa aking mga araw na pinapasan. Ang mga dalangin na sana bukas tahimik na ang lahat at sana bukas bago muli ang bawat umaga.

Martes, Marso 25, 2014

"Libre Lang Ang Maging Bata"

Tuwing matatapos ang tag-ulan noong panahon ng aming kabataan una naming pinupuntahan ang malawak na damuhan malapit sa aming tahanan. At gaya ng ibang bata dito din sila una pumupunta. Ito ang tahanan ng aming mga kamusmusan at paraiso kung saan ang bawat tawa at halakhakan ay siyang nagdidilig ng bawat sulok ng lugar na ito. Ito ang lugar kung saan ang mga sarangola ay malayang nakalilipad. Walang hadlang na mga kawad ng  kuryente o mga antena ng kabahayan. Ang bawat pag lipad at bawat pag-ihip ng hangin ay aming damang-dama. May mga larong patintero , tagu-taguan at mataya-taya. Mga larong naipasa narin sa amin ng mga naunang kabataan.

Inaabot kami noon ng merienda sa paglalaro at kung minsan ay sinusundo kami ng aming mga magulang na may hawak na pamatpat dahil sa inis. Hindi naman masama ang maglaro ngunit sabi nga nila lahat ng sobra ay hindi mabuti.

Palanyag ang tawag namin sa lugar na iyon. Hindi ito kalayuan ngunit may kahirapan puntahan para sa aming mga bata. Isang lagusan na nasa kasulok-sulukan ng sementeryo patungo sa malawak na damuhan. Bihira kami abutin ng gabi sa paglalaro marahil narin siguro ay alam namin ang aming dadaanan pagsumapit na ang dilim. Ang liko likong daanan ng sementeryo at mga naglalakihang nitso na kung minsan ay kailangan pa namin akyatin ang iba nito upang masmaging madali sa amin ang pagtalon-talon sa ibabaw kesa magliko liko sa baba na parang labyrinth.

Madami rin ang nakilala namin dito at ang iba sa kanila ay sa gilid ng mga pader nakatira. Mga bata na katulad namin ngunit ang kanilang mga tahanan ay malayo sa itsura ng aming mga bahay. Mga barong-barong at mga lumang yero, isang tahanan na ni minsan ay hindi nila inakilang tirahan nila.Walang mayaman at walang mahirap sa mundong tinatayuan namin. Sa mundo ng kabataan ang estado ng
buhay ay hindi kinakailangan upang malaman kung sino ang magaling sa mga larong luksong baka at langit-lupa.

Sa mga lumipas na panahon ang lugar kung saan punong-puno ng ala-ala at mayaman sa karanasan ay paulit-ulit sa akin ay bumabalik. Mga pakiwari na sana ay buhay parin ang lahat na iyon. Ang malawak na lupa, ang madamong paligid , Hangin na sariwa at mga maiingay na ibon na sumasabay sa aming mga tawa at galak. Mga kaibigan na naging parte ng aming kamusmusan at mga laro na aming pinagsalu-saluhan.

"Libre lang ang maging bata, ngunit pag lumipas na ang kamusmusan kasunod nito ay malaking responsabilidad "


Biyernes, Pebrero 28, 2014

"Eskinita"

Ang aga-aga patuloy parin ang ulan. Paulit-ulit ko tinitignan ang aking mga gamit sa bag at sa bulsa. Baka kasi maiwanan ko nanaman ang aking School ID.  Baha nanaman sa kanto at ang trapik ay sobrang haba nanaman. Makikipag gitgitan sa LRT at bus, at kung minsan ay makakalimutan pa ni manong driver ang sukli mo sa jeep. Susubukan mong bumuwelo at isisigaw ang " Manong! ang sukli ko!"

Yan ang mga eksenang bumubungad sa akin noong nag-aaral pa ako. Hindi naman ito halos nagbago mula nung highschool hanggang sa pagtungtong ko sa kolehiyo. Ang pag-aaral namin noon ay sabay sabay namin tinahak. Mga pagsalok sa bawat karunungan  na sa amin ay ibinigay at nagbunga.

Ako kasama ng aking mga kapatid ay lumaki sa lugar na ito. Eskinita na puno ng ala-ala at aral sa buhay. Dito kami umuuwi pagkagaling sa eskwela. Iba't iba karanasan sa labas ng bahay. Tungo sa mga lugar at kaibigan ng bawat isa. May naging aktibo sa simbahan, may naging basketball player sa plaza, may naging dancer sa telebisyon, may naging tapat na kaibigan sa isang samahan at may naging pinuno ng isang organisasyon. Ngunit kahit gaano man ka ikli ng aming maghapon at magdamag dito parin ang aming inuuwian. Ang eskinita na kung saan ay naging kanlungan ng aming kaisipan at pangarap.

Ibinibigay namin noon ang mga bagay na kung ano ang alam naming tama  at kung saan ang yaman ng pakikipagkaibigan at pakikisalamuha sa ibang tao ay patuloy namin inaangat dahil ito lang ang meron kami noon. Maging tapat na kaibigan, maging kaibigan na masasandalan at kaibigan na nakikinig ng patas.

Nabuo lahat dito, mula sa pinaka madali hanggang sa pinaka mahirap na pagsubok ay aming sinabayan. Hindi kami sumuko at walang naiwanan. Dito namin natutunan  at  naunawaan na kailangan magsumikap at kailangan namin magtapos sa pag-aaral.

Lumipas ang madaming taon kung saan ang litrato ng eskinita sa isip ko ay hindi na katulad ng dati. Hindi na ito ganito ngayon. Wala na ang tanke ng tubig at wala na ang mga halaman. Wala narin ang  mga bintana at pinto ng bahay. Wala na ang mga dingding na pakiramdam namin noon ay naging sandalan ng aming mga agam-agam. Ang bubong na nagsilbing pagsilong ng aming mga buhay at karansan sa mahabang panahon ay wala narin. Natabunan na ang lumang sahig na minsan pang nakiramdam sa aming mga yabag. Naging malamig na ang paligid dahil hindi na ito ang dating eskinita. Ngunit ang init ng ala-ala ng lugar na ito ay kailanman ay hindi mababago sa aming pagkatao at ala-ala.

" Saan ka man pumunta , kahit sa kaduluduluhan pa,  hindi mo malilimutan ang lugar kung saan ka una natuto maglakad at nagsimula."

Miyerkules, Enero 8, 2014

"Silid"

Sa silid na ito ay paulit-ulit lamang ang umaga namin noon. Gigising kami sa loob ng kulambo at mapapansin ang mga lamok na kasama naming nakakulong sa loob ng aming tulugan. Ang simoy ng electricfan ay nagsisilbing pangungusap sa umaga. Amoy ng mga abo ng katol sa sulok ng bahay ay nagpaparamdam na.

Nakapikit pa ang aking mga kapatid at dilat na ang aking diwa. Pinagmamasdan ang sinag ng araw na dahan-dahan tumatagos sa aming bintana at kapag tinatamaan na ng init ang aking mga balat ay  itatayo ko na ang aking sarili upang tangalin ang kulambo. Mga pako sa sulok-sulok ng bahay ay isa isang pupuntahan at tatangalin ang pagkakagapos ng mga tali dito.

Maririnig ang boses ni mama "Kain na! gising na kayo dyan!". Isa-isang babangon ang aking mga kapatid. May magtutupi ng kumot at banig at magtatapon ng ihi mula sa arinola. Ganito nagsisimula ang aming umaga. Ang bawat panibagong araw noon ay lagi namin pinapasalamatan. Marahil siguro ay ito nalang ang aming kasiyahan sa araw-araw, ang gumising na walang iniisip na malaking problema.

Pagkatapos ng agahan ay derecho na ako sa itaas ng bahay. Pupunasan ng floorwax at bubunotin ang mga kahoy na sahig. Pinapakintab habang kumakanta ng aking paboritong awitin. Ang iba ko namang mga kapatid ay may mga sarili ding gawain gaya ng paghuhugas ng plato at paglilinis sa ibaba ng bahay.

Sa silid namin noon ay laging buo ang mga pangarap. Sa bawat ngiti at sa  bawat oras na dumaraan ay ni minsan ay hindi kami napanghinaan ng loob sa lahat ng pagsubok sa buhay. Sabay-sabay namin noon niyayakap ang maghapon at magdamag. Malinaw lagi ang sinag ng araw at puno lagi ng pag-asa ang bawat isa mula sa panibagong bukas hanggang sa pagtulog sa gabi.

Dito kami umiiyak kapag nasasaktan at dito rin kami tumatawa kapag natutuwa. Mga haligi na paulit-ulit naming kinakausap sa tuwing nalulungkot o nalulumbay sa mga taong malayo sa aming piling. Ang silid na kung saan naging sandalan ng aming mga tanong at pag-iisip. Kung saan ang paghihintay ng aming panahon sa magandang bukas ay unti-unti nitong pinapamukha sa amin.

" Hindi namin noon hiniling ang maging marangya, Sapat na sa amin ang kumpleto at masayang pamilya"