Sa lamesa kung saan hinihiwa ni mama ang keso, mga pandesal na paulit-ulit naming umagahan, sa aking murang edad noon ay maaga namin nakilala ang kapeng mainit. Habang sumisikat ang araw ay dahan dahan nito ibinabato ang kanyang liwanag na tumatagos sa aming bintana. Sa panimula sobrang tahimik ang aming diwa at dahil dito ay parang islomo ko nakikita ang mga alikabok na naglalaro sa mga ilaw ng liwanag. Tulala pa ang aking mga kapatid at halos lumilipad parin ang aking isip habang nginunguya ang aking hawak na pandesal.
Ganito lang kapayak ang umaga namin. Kumakain kami sabay sabay sa lamesa at unti-unting mabubuhay ang aming mga dugo sa kapeng mainit. Kakaunti lamang ang kape at kakaunti lamang ang asukal. Ang pandesal na may palaman na kesong halos ipinahid lang ng daliri upang kumalat ang lasa nito. Lingid sa kaalaman ni mama kinukuha namin ang keso na nakalagay sa aming mga hawak na tinapay at iniipon sa aming mga kamay. Dahil ito ang magsisilbing palaman ng aming huling pandesal sa umaga.
Mga ngiti parin ang sumasalubong sa amin tuwing umaga. Kahit wala ang masasarap na pagkain ay patuloy parin namin ibinibigay ang kasiyahan sa bawat isa. Mga bagay na tinangap na namin at isinabuhay ang mga aral na kung anong meron kami noon. Ang pagmulat sa amin ng aming mga magulang na patuloy ang pag-ikot ng mundo at kahit papaano ay makakaahon din kami sa kahirapan ng buhay. Kaya noong mga oras na iyon tuwing umagahan ay pansamantala namin hinihinto ang lahat ng aming ginagawa upang pagsaluhan ang hapagkainan. Mga umaga na hanggang ngayon ay akin parin naaalala. Mga bagay na hindi kailanman mawawala sa aking isip at hindi makakalimutan ng bawat isa sa amin
.
"Kung gaano namin napagyaman ang bawat sandali ng aming kabataan ay ganoon din namin naintindihan ang estado ng aming pamumuhay."
Malayo pa ang aking dapit hapon ngunit sa tuwing naaalala ko ang nakaraan na umagahan kasama ng aking mga magulang at kapatid ay lagi ko nalang nahuhuli ang aking sarili na nakangiti. Mga umagahan ng nakaraan kung saan magkakasama pa kaming lahat. Ang panahon na hindi ko maikakaila na ang pinakamasarap na hapagkainan ng buhay ko ay ang dating umagahan.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento