Walang pasok...
Sembreak ....
Nakahiligan ko noon ang pagtugtog ng gitara kung saan ang bawat tipa ng buhay ay aking nilapat sa papel ng musika. Madalas ko noon inaawit ang aking mga paboritong kanta at ang iba rito'y hindi ko kayang tugtugin dahil hindi naman ako ganun kagaling na musikero. Ang mga oras ko noong bakasyon ay nauubos sa kakaupo sa aking kwarto habang may hawak-hawak na gitara. Ang mga oras na dumadaan ay tila bumabagal sa mundong akala ko'y akin.
Kukuha ng maliit na papel , titipahin ng kaunti ang gitara at maririnig ang bulong ng awit sa aking kaisipan at aking isususlat habang nilalapatan ng musika. May mga kanta na sa akin nagmula at ang iba dito ay hanggang ngayon ay kinakanta ko pa. Mga awitin na ako mismo ang may gawa , mga awiting ako mismo ang lumikha. Nakakalungkot isipin na hindi ko manlang naibahagi sa iba ang aking mga gawang kanta, marahil hindi ko lang siguro hilig talaga ang pag-awit at pabulong lahat ang aking mga likha.
Umaga palang hawak ko na ang aking gitara habang nakaupo katabi ng pandesal at kapeng mainit na gawa ni mama. Tulala akong nakatitig sa labas ng bintana at titig na titig sa kawalan habang naglalakbay ang aking kaisipan sa mundo ng paghahanap sa awitin at musika. Ilang oras din ako tumatagal sa ganitong istilo, yung tipong naghihintay sa bulong ng awit. Pinagsasama-sama ang ideya , pakiramdam, himig ng hangin at kung minsan huni ng mga ibon sa mga bubongan. Inaabot din ako ng ilang lingo bago makabuo ng isang kanta ang mga awiting "Di Ka Mag-iisa", "Magpapaalam Din Ako" at "Captain Of My Mind" ay isa lamang sa mga likhang awitin na sa akin ay nagmula.
May nabasa akong artikulo sa isang magazine na ikinumpara nya ang paglikha ng kanta sa pagdama sa ihip ng hangin dahil kapag ito daw ay nagparamdam sa kanyang pag-ihip at hindi mo binigyan halaga ito raw ay magtatampo at hinding-hindi na raw ito kailanman babalik. Gaya daw ito ng isang tono at liriko na isang beses lang dadampi sa iyong isipan at kailangan mo itong damhin at ilapat hanggang sa maging kanta dahil pagpinabayaan mo ito, kailanman hinding-hindi na ito maaalala pang muli.
Naalala ko pa kahit saan ako mapaupo noon ay may hawak-hawak akong papel at lapis upang pagnaabutan ako ng pagkabugnot ay pinipili ko na lamang ang manahimik sa isang tabi at gumawa ng tono at kanta. Hindi ako ganoon kahusay tumugtog ng mga instrumento pero kahit papaano ay natutunan ko din naman ang tamang pag-awit o pagkanta.
Paborito ko ang panahon ng tag-ulan kapag gumagawa ako ng awit dahil para sa akin noon ang mga patak ng ulan ay simbolo ng malayang desisyon. Desisyon na sa ayaw at sa gusto mo ay darating at darating ito sa lupa kapag inihagis na ng ulap mula sa kalangitan. Sumasabay ako sa malamig na hangin, mga patak na paulit-ulit mong naririnig ngunit hindi ka parin nagsasawang pakingan. Ang bawat tunog ay parang mga palatandaan ng oras na bumabalik sa iyong kahapong kabataan. Tampisaw ng mga bata sa labas na minsan ay naisip mong naging ganoon ka rin sa kanila. Ang ngiti na walang iniisip na problema, ang tawa na walang katapusang kaligayahan dahil sa tag-ulan.
Minsan lang ako umawit sa harap ng mga tao noong aking kabataan, madalas ay gitara ko lang ang aking kausap sa magdamag lalo na kapag sumasapit na ang sembreak o bakasyon. Sa pamamagitan ko kasama ng aking gitara ay nakakagawa ako ng mga kanta na hindi kinopya sa iba. Nakakalungkot lang isipin na sa akin sila nagmula, ang mga tunog na kailanman ay hindi ko manlang naipakanta sa iba. Mga awitin na hindi manlang natawag na misika at kasalanan ko na hindi ko manlang naibahagi ang obra.
"Minsan lang ako umawit o kumanta ngunit para sa akin ang totoong awit ng buhay ay tayo mismo ang gumagawa at ito ang dapat nating pagpahalagahan at maging aral sa iba"
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento