Maulap at medyo bahagya ang hangin sa paligid....
Tanaw ko ang mga puno sa may kalayuan habang isa-isang pinipitas ng katandaan ang mga dahong tuyo dahil sa ilang araw na pagbibigay ng luntiang ganda nito mula sa kanyang pagkakakapit. Maririnig mo ang mga mumunting tinig ng mga ibong naglalaro sa mga bubungan at mga sanga na naging tahanan ng kanilang kabataan. Ang paligid ay tila bumabalik sa lumang kahapon kung saan ang kulay ng mga bato at dingding ay nagkukulay dilaw na parang lumang larawan dahil sa sinag ng dapit hapon at tahimik na kapaligiran na animo'y parang kahapon lamang ang lahat.
Habang papauwi naaninag ko ang isang lumang bahay, walang gamit, walang tao at wala naring buhay. Pilit kong inuunawa ang mga pakiramdam na bakit parang nandito na ako dati at pilit pumapasok sa aking mga gunita na ako'y tumira din sa ganitong klaseng tahanan. Ang pagbibigay ng saya sa bawat araw ay madali para sa amin noon makuha dahil ang mga bagay na nagbibigay sa amin ng ngiti ay ang mga bagay din na aming pangkaraniwang ginagawa. Konting tawanan, konting kuwentuhan at kung minsan ay magkakatinginan lang sa mata at walang hintong halakhakan. Ganito ang mga ala-alang pumapasok sa akin na parang kanina lang at animo'y parang kahapon lamang ang lahat..
Patuloy sa aking paglalakad nakita ko ang isang lalaking nakaupo sa wheelchair at dun ay napatingin din sya sa aking mga mata, napaisip ako at nakita ang mga dapit hapon ng mga taong mahal ko sa buhay, ang mga panahon na sila ay akin pang nakakasama at nakikipagusap katabi sa upaan sa labas ng aming tahanan. Ang kanilang mga ala-ala at ang kanilang mga tawa ay aking ikinasasabik sa ngayon at halos mamuo ang tubig sa akin mga mata ng hindi ko napapansin dahil sa pagkasabik sa minamahal. Hindi ko parin ramdam ang kanilang pagpanaw na tila nandyan lang sila sa hindi kalayuang bakasyunan na tahanan. Kakaiba ang pakiramdam na parang buhay pa silang lahat at paniniwalang kaya ko pa silang kausapin at makipagkuwentuhan ano mang araw ko gustuhin. Masaya at kung minsan naman ay malungkot lalo na kapag naiisip mo na imposible na ang lahat ng gusto mong makasama ulit silang lahat dahil para sayo ang lahat ng ito ay parang kanina lang at animo'y parang kahapon lamang ang lahat.
Sa kalsadang binabaybay ko na halos madilim na ang kalangitan at nagsisimula ng sumindi ang mga ilaw ay isa-isa ng kumikinang ang mga parol at kumukuti-kutitap narin ang mga palamuti sa bawat tahanan. Habang patuloy sa aking paglalakbay pauwi napahinto ako sa isang tindahan at bumili ng maiinom. Mula sa aking pagkakatayo ay natatanaw ko ang isang bintana sa di kalayuan. Na aninag ko ang isang nanay na naghahanda ng kanilang hapunan, dala-dala ang isang bandihadong kanin mula sa kusina habang ang kanyang mga anak naman ay bitbit ang mga plato at kutsara. Sa unang tingin ay naunawaan ko kaagad na kung bakit wala ang kanilang padre de pamilya at doon ko napagtanto na ang pamilyang sa harap ko ay kahalintulad din sa pamilyang kinalakihan ko. Si mama lang ang nagluluto sa amin noon, tanda ko pa ang ginisang mungo at piritong galunggong sa hapagkainan. Ang mga tawanan at harutan naming magkakapatid na kung minsan ay nadadala hanggang sa lamesa. Biruan at tawanan , tawa lang kami ng tawa at habang maluha-luha sa katatawanang narinig pilit ko noon tinatandaan ang kanilang mga mukha upang sa paglipas man ng mahabang panahon ay maibabalik ko parin sa aking mga gunita ang oras na minsan sa buhay namin noon ay magkakasama kaming lahat at nagtatawanan na parang kanina lang at animo'y parang kahapon lamang ang lahat.
Naglalakad lang ako pauwi at ramdam ko ang pagdilim ng paligid, ang hangin na malamig ay nagsisimula ng umihip sa aking mga binti at balikat at ilang minuto pa ay nakarating narin ako sa aking mumunting tahanan.
Ang mga kuwento ng buhay na maaaring tulad din ng sa iyo, kuwento na masarap sariwain at kung minsan naman ay may kalungkutan ngunit ang mga aral at halaga ng bawat linya at karakter ay ating niyayakap at pinagpahalagahan na pilit din natin binabalik-balikan na parang kanina lang at animo'y parang kahapon lamang ang lahat.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento