"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Lunes, Nobyembre 21, 2011

"Hindi Lahat Ng Bayani Ay Nakauniporme"

Malakas parin ang ulan..
Madaling araw na formation sa kampo…




Dati-rati sa aking kabataan  ang ulan sa madaling araw ay isa sa mga iniiwasan kong patak ng ulan para mabasa, bukod sa malamig  ay pilit kong wag tamaan ng ambon dahil ang bawat patak ay lamig na tumatagos hanggang buto.Ngunit sa mga panahon na ang pagkakaiba  ng lamig ng kagalakan at lamig ng pagluluksa ay madaling nahihiwalay, ang oras na sana ay masarap na paghimbing at sa iba naman ay mapayapang lamig sa pagkaka upo kasama ang kape, dito sa mundo ng sundalo ang lahat ng oras ay mahalagang mahalaga pagdating ng malalakas na ulan at pagbaha. Dahil ang ulan na ito ay kakaiba wala kaming sinayang na sandal. Ang utos ng pinakamataas na tao sa bansa ang aming sinusunod, kailangan lumaban, kailangan maging malakas para sa kapakanan ng nakararami.


Halos kumpleto na ang tropa sa kampo , makikita mo sa mga mukha ang buong determinasyon na tumulong. Walang inaantok dahil sa laban ng buhay namin ay madami ang umaasa para sa buhay nila. Ilaw palang ng gusali at poste ang aming liwanag na unti-unting kinakain ng malakas na ulan habang kami ay kinakausap ng aming tagapangasiwa. Mapupuna mo sa aming mga galaw ang tikas ng paghahanda, walang natatakot at walang bahid ng pagsuko. Madilim parin sa paligid , ang ulan ay lalong lumalakas, mga patak na hindi mo iisipin na sa ibang dako pala ng mga lungsod ay may mga buhay nang nalalagas dahil sa malalakas na agos ng baha.


Dumating na ang Army Truck at iba pang mga sasakyan, handa na ang tropa sa susuunging laban. Tibay ng loob, tikas at determinasyon para sa  ilalaang buhay upang sa kaligtasan ng nakararaming Pilipino. Yan ang aming baon at sandata ang iba sa amin ay wala pang  tulog at hindi pa kumakain.


Kung saan ang pagliligtas ng buhay ay ang aming prayoridad masaya kami dahil nakita namin ang totoong pag-uugali ng mga pilipino sa panahon ng pagsubok sa bansa. Dito mo makikita ang pagtutulungan ng bawat isa at dito mo lang mauunuwaan na


“Hindi lahat ng bayani ay naka uniporme at hindi lahat ng tulong ay nanggagaling sa pera.”


 “Mayaman tayo sa gawa at pagtitiwala kaya siguro kahit hindi natin kilala ay ating tinutulungan at kahit hindi pa natin nakikita ay may tiwala tayo na maililigtas tayo ng mga bayani na ang gusto lang ay makatulong sa kapwa.”

0 (mga) komento: