"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Linggo, Nobyembre 27, 2011

"Kung Maibibigay Ko Lang Sana Ang Pasko"

Madaling araw....

     Malamig na sa labas..

                Pasko nanaman.....

Katatapos lang ng aming masayang noche buena, sinubukan kong lumabas ng aming bahay at nagbakasakali na may mga kalarong makikita at mababati ng maligayang pasko. Paglabas ko ng aming maliit na gate nilingon ko ang mga kalsada at gaya ng dati wala akong nakita kakaiba bukod sa isang bagay. Mayroon lang akong napansin na kakaiba sa gabing iyon, isang mag-anak sa loob ng isang karton ng basura na nababalutan ng plastik  at sa loob nito  ay may liwanag ng isang gasera. Hindi ko pa noon naiintindihan ang estado ng pasko para sa mga taong tulad nila basta ang alam ko ang lahat ng tao sa mundo ay masaya tuwing pasko....


Habang palalim ng palalim ang gabi at palamig ng palamig ang paligid, inaagaw na ng katahimikan ang paskong matagal na hinintay ng lahat. Tinawag na ako ng aking kapatid upang pumasok ng bahay at kailangan ng matulog. Sa aking murang edad noon maaga ko naramdaman ang mga bagay na hindi nararamdaman ng mga pangkaraniwang bata. Wala akong salapi o anumang bagay na mahalaga na maaari kong maibahagi sa ibang pamilya kundi ang pagkakaunawa ko nalang na may mga tao palang ganito tuwing pasko. Ang mga panahon na kahit gaano karami ang saya at galak ng bawat isa ay may mga bagay parin na hindi kayang pagtakpan ng kasiyahan at tuwa.


Lumaki ako sa lugar kung saan ang mga tao ay nagdiriwang ng mga okasyon na kasama ang kanilang mga mahal sa buhay at aaminin ko kung minsan dumaan din sa akin ang mga agam-agam na bakit wala si daddy tuwing pasko at kung nalulungkot ako dahil wala siya lalo na siguro ang sitwasyon nya noon dahil wala kaming lahat sa tabi nya sa araw ng pasko. Buti nalang laging nariyan si mama upang ipaliwanag sa amin ang mga bagay na hindi pa namin maunawaan noon na kung bakit kailangan umalis ni daddy para sa amin, kung bakit kailangan maging masaya at kung bakit kailangan maging matatag ni daddy para sa pamilya.


Sa paglipas ng mga pasko sa aking buhay mula noong gabing iyon kung saan nakita ko ang kabilang mukha ng pasko kung saan ang awit at himig ay mas malalim pa ang kahulugan sa pagkakaunawa ko na kung maibibigay ko lang sana ang pasko sa mga tulad nila at sa mga mahal ko sa buhay na nasa malalayong dako ng mundo upang kahit papaano ay maparamdam ko din sa kanila ang paskong meron ako.

Kung saan ang kayaman at kasiyahan tuwing pasko ay naiiba ang kahulugan at ang kahirapan at kalungkutan naman ay hindi nawawala sa mukha  ng mga taong malayo sa kanilang mga minamahal. Ang iba ay salat sa buhay at umaasa na sana'y hindi lang sa pangarap ang pasko.

"Sa bawat ilaw na makikislap sa daan , sa bawat tunog ng mga pamaskong awitin at sa bawat kasiyahan na nais kong ipadama sa iba ay pilit ko paring hinahanap ang pakiramdam na hanggang kailan ba dadalhin ang mga tanong na kung maibibigay ko nga ba ang pasko?"




Maligayang Pasko Sa Ating Lahat......

Lunes, Nobyembre 21, 2011

"Hindi Lahat Ng Bayani Ay Nakauniporme"

Malakas parin ang ulan..
Madaling araw na formation sa kampo…




Dati-rati sa aking kabataan  ang ulan sa madaling araw ay isa sa mga iniiwasan kong patak ng ulan para mabasa, bukod sa malamig  ay pilit kong wag tamaan ng ambon dahil ang bawat patak ay lamig na tumatagos hanggang buto.Ngunit sa mga panahon na ang pagkakaiba  ng lamig ng kagalakan at lamig ng pagluluksa ay madaling nahihiwalay, ang oras na sana ay masarap na paghimbing at sa iba naman ay mapayapang lamig sa pagkaka upo kasama ang kape, dito sa mundo ng sundalo ang lahat ng oras ay mahalagang mahalaga pagdating ng malalakas na ulan at pagbaha. Dahil ang ulan na ito ay kakaiba wala kaming sinayang na sandal. Ang utos ng pinakamataas na tao sa bansa ang aming sinusunod, kailangan lumaban, kailangan maging malakas para sa kapakanan ng nakararami.


Halos kumpleto na ang tropa sa kampo , makikita mo sa mga mukha ang buong determinasyon na tumulong. Walang inaantok dahil sa laban ng buhay namin ay madami ang umaasa para sa buhay nila. Ilaw palang ng gusali at poste ang aming liwanag na unti-unting kinakain ng malakas na ulan habang kami ay kinakausap ng aming tagapangasiwa. Mapupuna mo sa aming mga galaw ang tikas ng paghahanda, walang natatakot at walang bahid ng pagsuko. Madilim parin sa paligid , ang ulan ay lalong lumalakas, mga patak na hindi mo iisipin na sa ibang dako pala ng mga lungsod ay may mga buhay nang nalalagas dahil sa malalakas na agos ng baha.


Dumating na ang Army Truck at iba pang mga sasakyan, handa na ang tropa sa susuunging laban. Tibay ng loob, tikas at determinasyon para sa  ilalaang buhay upang sa kaligtasan ng nakararaming Pilipino. Yan ang aming baon at sandata ang iba sa amin ay wala pang  tulog at hindi pa kumakain.


Kung saan ang pagliligtas ng buhay ay ang aming prayoridad masaya kami dahil nakita namin ang totoong pag-uugali ng mga pilipino sa panahon ng pagsubok sa bansa. Dito mo makikita ang pagtutulungan ng bawat isa at dito mo lang mauunuwaan na


“Hindi lahat ng bayani ay naka uniporme at hindi lahat ng tulong ay nanggagaling sa pera.”


 “Mayaman tayo sa gawa at pagtitiwala kaya siguro kahit hindi natin kilala ay ating tinutulungan at kahit hindi pa natin nakikita ay may tiwala tayo na maililigtas tayo ng mga bayani na ang gusto lang ay makatulong sa kapwa.”

Linggo, Nobyembre 20, 2011

"Pare Malungkot Ako"


Kuya Chai: 
pare balita?

Kumpare:  
pare malungkot ako........................ sobra

Kuya Chai:
bakit pare anong problema?

Kumpare:
misis ko nag-ibang bansa na upang mag trabaho

Kuya Chai:
ganun ba? ... hmmm malungkot nga yan
 kung minsan talaga hindi natin maiiwasan ang mga ganyang pagkakataon

Kumpare: 
gusto ko umiyak pare

Kuya Chai: 
gaya nga ng nasabi ko sa article ko,


"Hindi ako naniniwala sa simpleng pangarap dahil alam ko lahat tayo ay nangarap ng 
masmaganda  para   sa    mga mahal natin sa buhay, nangarap tayo hindi para maglakad papunta 
sa gusto natin kundi para lumipad at makita ang magandang maibibigay ng bukas hindi lang para sa
isa kundi para sa lahat na umaasa sa ating pagbabalik."

Kumpare:
tama na pls maga na ang mga mata ko.

Kuya Chai:
 natural lang yan.. ang maging malungkot
kung minsan kailangan talaga natin maging matibay
hindi para sa ating kapakanan
kundi para sa mga umaasa sa ating tibay ng loob
kailangan tayo ang malakas dahil may mga taong humuhugot din ng lakas sa atin
isipin mo nalang saan sila huhugot ng lakas kung tayo mismong inaasahan nila upang maging 
malakas ay nahihirapan


"natural ang umiyak pero natural din naman ang maging malakas para maging malakas din ang mga 
taong nagiging malakas dahil sayo"


 ... gaya ng mga anak mo at gaya din ng asawa mo
            

Kuya Chai:
magsisimula ang lungkot sa bawat haligi ng bahay na nakikita mong nandun sya , mga ala-ala na   
hindi naman natin sinasadya khit ayaw natin isipin upang hindi na tayo malungkot
ngunit di ba masmaganda kung magiging buhay ulit ang bawat araw at maging masaya dahil alam 
natin sa kanyang pag-alis ay panimula ng magandang buhay  para sa inyong mag-anak... sabi nga ng  
iilan sa atin 


" mahirap maging mahirap ngunit para sa akin "mahirap ang maging mahirap na walang
pangarap"

Kuya Chai:
ipadama mo sa bawat isa ang totoong hangarin ng kanyang pag palaot,
tibay ng loob at panalangin na sana ay nasa mabuti siyang kalagayan,
dasal ng pasasalamat parin sa panginoon ang ating kailangan dahil lahat ng bagay ay may dahilan at
lahat ng dahilan ay may magandang bagay na pupuntahan basta ang Panginoon ang ating Sandigan


Kumpare:
Salamat pare tatandaan ko lahat yan....

Kuya Chai:
Salamat din sa pakikinig  sa payong kaibigan .... God Bless...

Biyernes, Nobyembre 11, 2011

"Naglalakad Lang Ako Pauwi"

Maulap at medyo bahagya ang hangin sa paligid....


Tanaw ko ang mga puno sa may kalayuan habang isa-isang pinipitas ng katandaan ang mga dahong tuyo dahil sa ilang araw na pagbibigay ng luntiang ganda nito mula sa kanyang pagkakakapit. Maririnig mo ang mga mumunting tinig ng mga ibong naglalaro sa mga bubungan at mga sanga na naging tahanan ng kanilang kabataan.  Ang paligid ay tila bumabalik sa lumang kahapon kung saan ang kulay ng mga bato at dingding ay nagkukulay dilaw na parang lumang larawan dahil sa sinag ng dapit hapon at tahimik na kapaligiran na animo'y parang kahapon lamang ang lahat.


Habang papauwi naaninag ko ang isang lumang bahay, walang gamit, walang tao at wala naring buhay. Pilit kong inuunawa ang mga pakiramdam na bakit parang nandito na ako dati at pilit pumapasok sa aking mga gunita na ako'y tumira din sa ganitong klaseng tahanan. Ang pagbibigay ng saya sa bawat araw ay madali para sa amin noon makuha dahil ang mga bagay na nagbibigay sa amin ng ngiti ay ang mga bagay din na aming pangkaraniwang ginagawa. Konting tawanan, konting kuwentuhan at kung minsan ay magkakatinginan lang sa mata at walang hintong halakhakan. Ganito ang mga ala-alang pumapasok sa akin na parang kanina lang at animo'y parang kahapon lamang ang lahat..


Patuloy sa aking paglalakad nakita ko ang isang lalaking nakaupo sa wheelchair at dun ay napatingin din sya sa aking mga mata, napaisip ako at nakita ang mga dapit hapon ng mga taong mahal ko sa buhay, ang mga panahon na sila ay akin pang nakakasama at nakikipagusap katabi sa upaan sa labas ng aming tahanan. Ang kanilang mga ala-ala at ang kanilang mga tawa ay aking ikinasasabik sa ngayon at halos mamuo ang tubig sa akin mga mata ng hindi ko napapansin dahil sa pagkasabik sa minamahal. Hindi ko parin ramdam ang kanilang pagpanaw na tila nandyan lang sila sa hindi kalayuang bakasyunan na tahanan. Kakaiba ang pakiramdam na parang buhay pa silang lahat at paniniwalang kaya ko pa silang kausapin at makipagkuwentuhan ano mang araw ko gustuhin. Masaya at kung minsan naman ay malungkot lalo na kapag naiisip mo na imposible na ang lahat ng gusto mong makasama ulit silang lahat dahil para sayo ang lahat ng ito ay parang kanina lang at animo'y parang kahapon lamang ang lahat.

Sa kalsadang binabaybay ko  na halos madilim na ang kalangitan at nagsisimula ng sumindi ang mga ilaw ay isa-isa ng kumikinang ang mga parol at kumukuti-kutitap narin ang mga palamuti sa bawat tahanan. Habang patuloy sa aking paglalakbay pauwi napahinto ako sa isang tindahan at bumili ng maiinom. Mula sa aking pagkakatayo ay natatanaw ko ang isang bintana sa di kalayuan. Na aninag ko ang isang nanay na naghahanda ng kanilang hapunan, dala-dala ang isang bandihadong kanin mula sa kusina  habang ang kanyang mga anak naman ay bitbit ang mga plato at kutsara. Sa unang tingin ay naunawaan  ko kaagad na kung bakit wala ang kanilang padre de pamilya at doon ko napagtanto na ang pamilyang sa harap ko ay kahalintulad din sa pamilyang kinalakihan ko. Si mama lang ang nagluluto sa amin noon, tanda ko pa ang ginisang mungo at piritong galunggong sa hapagkainan. Ang mga tawanan at harutan naming magkakapatid na kung minsan ay nadadala hanggang sa lamesa. Biruan at tawanan , tawa lang kami ng tawa at habang maluha-luha sa katatawanang narinig pilit ko noon tinatandaan ang kanilang mga mukha upang sa paglipas man ng mahabang panahon ay maibabalik ko parin sa aking mga gunita ang oras na minsan sa buhay namin noon  ay magkakasama kaming lahat at nagtatawanan na parang kanina lang at animo'y parang kahapon lamang ang lahat.

Naglalakad lang ako pauwi at ramdam ko ang pagdilim ng paligid, ang hangin na malamig ay nagsisimula ng umihip sa aking mga binti at balikat at ilang minuto pa ay nakarating narin ako sa aking mumunting tahanan.
Ang mga kuwento ng buhay na maaaring tulad din ng sa iyo, kuwento na masarap sariwain at kung minsan naman ay may kalungkutan  ngunit ang mga aral at halaga ng bawat linya at karakter ay ating niyayakap at  pinagpahalagahan na pilit din natin binabalik-balikan na parang kanina lang at animo'y parang kahapon lamang ang lahat.

Linggo, Nobyembre 6, 2011

"Ang Pagiging Ikaw At Ako"



Yung mga araw sa paaralan na halos hindi na natin kilala ang bukas, ang mga panahon na ang pagkakakilanlan sa isa't isa'y  tunay na kapatid at kaibigan. Ang mga yapak at yabag na unang narinig sa unang pagkakataon sa loob ng mga haliging pinapangarap na maging isa sa kanila, mga adviser o guro na nagtiis at nangaral sa bawat isa. Walang oras na hindi tayo masaya at walang oras na hindi tayo kinabahan dahil ang bawat minuto ay dama sa balat at pakiramdam. Naaalala mo pa ba ang mga maiingay na kuwentuhan at halos gusto mong tumayo at pagbawalan sila? Ang mga tawanan na di mapigilan dahil sa mga kaibigang malalakas ang loob o mga kasamahan na nataranta sa mga utos at hagubilin? Masaya ang panahon na iyon, kung saan  tayo ay ibinalik sa isang kuwadrong puno ng desiplina at karunungan.

“Dito hindi lamang pera ang maaaring tawaging salapi at hindi lang ginto ang maganda at mahalaga, "Kaibigan" ganyan ang pader ng aming samahan, tiwala ay higit pa sa lahat ng yaman sa mundo.”

Ang mga oras natin noon ay walang hanggang kayamanan na yaman, personal at espiritual , edukasyon at lakas ng loob ang dala-dala sa mga panahon na nag-aalay tayo ng pagpapahalaga. May mga sari-sariling kakayahan , may mga kanya-kanyang kahinaan at kahusayan, naging buo tayo sa paraan ng ating sariling samahan, naging ako ang ako at ganun din ikaw. Nakita natin ang limitasyon ng bawat isa, ang baho ng bawat ugali at kulit na tinatago.

Walang Araw sa buhay natin na hindi natin hiniling na " sana ay ganoon ulit ngayon kahit isang araw lang" .Ang bawat paglipas ng panahon at pag laglag ng dahon sa puno na minsan pa nating sinilungan at pinagpahingahan ay tulad din ng pag-papaalam sa isat-isa ng ating mga matatalik na kaibigan at kakilala. Mga bagong mukha , mga bagong pagkakakilanlan ay dumadating, gusto natin ipakita sa kanila ang kahalagahan nang ating samahan at kahusayan ng ating paraan upang maging-isa at maging matibay.

kung minsan daan ka naman kung nababasa mo ito, ibalik natin yung panahon na tayo lang ang nakakaintindi ng ating mundong ginagalawan, ang pagiging estudyante, magaaral at kasamahan,  ang pagiging ikaw at ako, kapatid ko at kaibigang totoo.....