"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Martes, Oktubre 25, 2011

"Hanggang Sa Muli"

Napatingin ako sa labas ng pinto , habang nagtatrabaho sa aking pagkakaupo napansin kong makulimlim ang sikat ng araw sa labas ngunit ang liwanag ay sumisilip paminsan minsan at binabato ang init sa mga tao na abala sa kanya kanyang trabaho. 


Sa Paaralan, pumapasok na ang mga estudyante sa panghapon at papauwi naman ang mga pang-umagang klase. Umihip ng bahagyan ang hangin  sa aking mukha, medyo malamig at gising na gising ang kahulugan ng buhay . Tumayo ako at nagtungo sa kusina at napansin ko ang tumutulong tubig sa gripo, sinubukan kong buksan at pakiramdaman ang lamig ng tubig na nanggagaling dito

Ala-una na ng tanghali, maya maya ay lulubog na ang araw , napaisip ako sa kabuluhan ng buhay. kahit ang immortal na sikat ng araw at bukal ng tubig ay may hangganan din pala. Sa bawat oras ng buhay at bawat minuto ng ating pakikisalamuha sa mga taong minamahal natin, hindi natin napapansin kung minsan dapit-hapon na pala. Kaya nga minsan gusto natin ibalik ang oras kung saan masisigla pa ang lahat, buong-buo pa ang mga galak at simple pa ang araw na dinadala. 

May mga taong kahit gaano na natin katagal kasama ay hindi parin natin nakukuhang pasalamatan ng buo, nagagawa naman natin bigkasin ang " Salamat" o kaya ay " Ingat ka" ngunit iba parin ang pasasalamat na may yakap ng isang kapatid o pagmamahal sa magulang. Mga panahon na inu-ulit natin ang noon, masaya tayo dahil pinili natin ang mundo kung saan may nakalaang  magandang bukas,  buo ang pangarap at walang  halong pag-aalinlangan dahil higit pa sa buhay natin ang kaya natin ilaan para sa minamahal.


Ang taong naging matatag sa tabi nyo, ang taong minsan pang nagpalakas ng loob nyo, ang mga ngiti na nagbibigay pag-asa, ang lakas na hindi mo makikita kanino man kundi sa kanya. 


Maraming salamat sayo .... hindi ka mawawala sa aming mga puso, habang buhay na inspirasyon sa lahat, alam naming hindi pa tapos ang  iyong mga pangarap sa amin at sa  bawat unos at taglagas alam naming hindi mo kami iiwanan. Salamat sa kwento ng buhay, Salamat sa sayong walang sawang pag-iintindi at ngayon sa iyong pagpapahinga hayaan mong kami naman ang magpatuloy ng kuwentong minsan mo pang nilapatan ng pagpapahalaga. 


Para sayo ito .......


     Hanggang sa muli...


                       Salamat....

Sabado, Oktubre 22, 2011

"Sardinas!"

Huwebes ng hapon........

Abala ako sa aking pangpersonal na gawain. Naglilinis ng computer parts, nag e-edit ng video at kung anu-ano pang pagkakaabalahan gamit ang aking computer. Hindi mawala sa isip ko ang gagawing aktibedades bukas. Bagong laba ang aking uniporme  at todong kintab ang aking combat boots. Naisalansan ko narin ang mga dadalhin ko at mga extrang gamot at pang First Aid.

Pagdating ng mga bandang 6o'clock ng hapon derecho na kami sa headquarters upang doon magpalipas ng gabi dahil maaga pa kami aalis bukas. Pag dating sa kampo , pag-akyat sa pangalawang palapag madilim pa ang hallway at maririnig mo ang ingay ng mga kasamahan sa kuwarto kung saan kami matutulog. Pag pasok ko sa silid nakapwesto na  ang karamihan sa kanya-kanyang  kama. Una ko hinanap ang aking mga sanggang dikit na mga ka batch. Nagsimula na ako mag bihis ng aking uniporme upang hindi na ako maabala  bukas. Sa loob ng kuwarto mangilan-ngilan lamang ang gising upang maghintay sa aming pag-alis para bukas. Pumwesto kami sa labas ng balcony ng kuwarto at naglatag ng karton at ginamit na unan ang aming mga bag. Kasama ang aking mga kaibigan tabi-tabi kaming nakahiga at nakatingin sa itaas at na aaninag ang mga bituin na animo'y nagsasabi....

" tulog ng mahimbing munting kawal."

 Habang nakatitig sa himpapawid sa madilim na kalawakan mga ilang ulit din dumaan ang mga  bulalakaw. Mga simpleng pagkakataon sa buhay ng sundalo na nagpapangiti sa lalim ng gabi. Buo parin ang aking pasya  na ituloy ang aking desisyon para bukas na sasama ako at hindi na ako maaring umatras dahil nandito na ako sa huling pagsubok at ilang araw nalang ang bibilangin ay matatapos na kami sa aming training.

Unti-unti na ako inaagaw ng antok, malakas parin ang ihip ng hangin at ramdam ko ang lamig ng panahon. Para akong pinaghehele ng kalikasan upang bukas ay buo ang loob ko sa matinding pagsubok. Sa huling oras ng pagsisiyasat ng aming instructor pinahubad nya sa amin ang aming mga combat boots bago tuluyang makatulog.

3am....
 Nagising ako sa mga ingay ng makina ng military truck.  Heto na ang aming sundo at habang abala ang bawat isa at nagkakatinginan nalang sa mata at hindi na makapagsalita dahil sa iniisip na mangyayari. Mga tanong sa aming isipan

" Ano nga ba meron dun?"
              " Saan kaya kami Pupunta?".

Nagsimula na kaming mag-ayos , nagsimula na ang aming hinihintay na kung tawagin nila ay "Final Traning Exercise"  ang tanging alam namin ay bundok at dagat ang aming pupuntahan.

Tunog ng mga Combat boots sa hallway , mga matitikas na trainee at handa na sa susuunging gera. Isang pagkakataon na kung titignan mo ay nakakapagbigay kasiyahan at medyo nakakalungkot din dahil ang mga taong ito na minsan pang nagbigay kabuluhan sa pag-aaral ng pagiging sundalo ay nasa huli na ng kanilang pagsusulit. Bagkus ang pagsubok ay magsisimula palang sa araw na iyon ngunit ang pagiging lowest mammal ay unti -unti nang mawawala sa kanilang uniporme at magiging isang halimbawa na ng katapangan at dedikasyon.

Sa labas 3:30am naka formation pa kaming lahat, sumigaw ang aming master

" BAKIT WALA KAYONG DALANG LUBID!!!!?"

(tahimik ang lahat....)

" ALL OF YOU!!! ON YOUR BACK!!!!"...
       " Lintik na buhay to oh!!! bakit wala nagdala ng lubid? anong gusto nyong gawin natin dun?..."

(Pinarusahan kami).

Pagkatapos ng matinding paggulong dahil sa"kasalanan ng isa ay kasalanan ng lahat" ay isa-isa na kami binigyan ng riffle.

4:00am Pinaakyat na kami ng military Truck, lumapit si Colonel at nagtanong ng pasigaw

" AYUS BA KAYO DYAN!!!?

(may sumagot din ng pasigaw )

" PARANG SARDINAS!!"

Napalingon si Colonel at nagkasalubong ang dalawang kilay sa narinig.

Isang pagkakataon na animo'y kidlat  na tumama sa isang tao na katabi mo pa. Natahimik ang lahat at himinto ang hangin sa pag-ihip. Ang alab ng bituin sa langit ay biglang lumamig na parang  gustong bumagsak sa lupa at magtanong ng " bakit ka pa kasi sumabat!!?"

Nagpantig ang tenga!, umuusok ang  ilong!, isang itsurang ayaw mong makita ulit.

(nagtanong si Colonel ng pasigaw)

"ANO YUN? "

Tahimik ang lahat......
Rinig na rinig ang mga kuliglig sa kabilang kanto......
Ramdam ang tibok ng puso ng bawat isa na nasa loob ng truck...........

" SINO NAGSABI NUN!?  WALANG MAGSASALITA?"

"BABA LAHAT!!!!!"

"Ako po sir! Pasensya na po!"

"Bumaba ka dyan! Maiwan ka dito!"

Tahimik parin ang lahat, Sumakay na si colonel sa kanyang sasakyan at umandar na ang aming truck patungo sa aming destinasyon

Sa aming biyahe habang nakatayo sa likod ng truck, hindi parin mawala sa aming isipan ang naiwan naming kasamahan. Malungkot kami para sa kanya dahil last minute nalang nabawasan pa kami ng isa. Ngunit pagkatapos ng aming graduation napagalaman namin na  nakatapos din sya ng training ngunit sa ibang batch nga lang sya naka sabay.

Sa araw ng aming pagtatapos , saka lang namin naunawaan ang kahalagahan ng mga yugtong nagpahirap sa amin sa loob ng kampo noong nag te-training palang kami. Ang sagot sa tanong na
" Bakit kasi ganito?" ay " Kaya pala!" at "ang pananaw na mapanghusga ay pagmamahal pala".

" Gusto lang nila kami matuto, gusto lang nila kaming maging malakas, maging buo sa bawat desisyon at Mapagmahal sa Bayan".

~Salute!

Sabado, Oktubre 15, 2011

"Minsan Lang Ako Umawit"

Walang pasok...
   
                Sembreak ....

Nakahiligan ko noon ang pagtugtog ng gitara kung saan ang bawat tipa ng buhay ay aking nilapat sa papel ng musika. Madalas ko noon inaawit ang aking mga paboritong kanta at ang iba rito'y hindi ko kayang tugtugin dahil hindi naman ako ganun kagaling na musikero. Ang mga oras ko noong bakasyon ay nauubos sa kakaupo sa aking kwarto habang may hawak-hawak na gitara. Ang mga oras na dumadaan ay tila bumabagal sa mundong akala ko'y akin.

Kukuha ng maliit na papel , titipahin ng kaunti ang gitara at maririnig ang bulong ng awit sa aking kaisipan at aking isususlat habang nilalapatan ng musika. May mga kanta na sa akin  nagmula at ang iba dito ay hanggang ngayon ay kinakanta ko pa. Mga awitin na  ako mismo ang may gawa , mga awiting ako mismo ang lumikha. Nakakalungkot isipin na hindi ko manlang naibahagi sa iba ang aking mga gawang kanta, marahil hindi ko lang siguro hilig talaga ang pag-awit at pabulong lahat ang aking mga likha.

Umaga palang hawak ko na ang aking gitara habang nakaupo katabi ng pandesal at kapeng mainit na gawa ni mama. Tulala akong nakatitig sa  labas ng bintana at titig na titig sa kawalan habang naglalakbay ang aking kaisipan sa mundo ng paghahanap sa awitin at musika. Ilang oras din ako tumatagal sa ganitong istilo, yung tipong naghihintay sa bulong ng awit. Pinagsasama-sama ang ideya , pakiramdam, himig ng hangin at kung minsan huni ng mga ibon sa mga bubongan. Inaabot din ako ng ilang lingo bago makabuo ng isang kanta ang mga awiting "Di Ka Mag-iisa", "Magpapaalam Din Ako" at "Captain Of My Mind" ay isa lamang sa mga likhang awitin na  sa akin ay nagmula.

May nabasa akong artikulo sa isang magazine na ikinumpara nya ang paglikha ng kanta sa pagdama sa ihip ng hangin dahil kapag ito daw ay nagparamdam  sa kanyang pag-ihip at hindi mo binigyan halaga ito raw  ay  magtatampo at hinding-hindi na raw ito kailanman babalik. Gaya daw ito ng isang tono at liriko na isang beses lang dadampi sa iyong isipan at kailangan mo itong damhin at ilapat hanggang sa maging kanta dahil pagpinabayaan mo ito, kailanman hinding-hindi  na ito maaalala pang muli.

Naalala ko pa kahit saan ako mapaupo noon ay may hawak-hawak akong papel at lapis upang pagnaabutan ako ng pagkabugnot ay pinipili ko na lamang ang manahimik sa isang tabi at gumawa ng tono at kanta. Hindi ako ganoon kahusay tumugtog ng mga instrumento pero kahit papaano ay natutunan ko  din naman ang tamang pag-awit o pagkanta.

Paborito ko ang panahon ng tag-ulan kapag gumagawa ako ng awit dahil para sa akin noon ang mga patak ng ulan ay simbolo ng malayang desisyon. Desisyon na sa ayaw at sa gusto mo ay darating at darating ito sa lupa kapag inihagis na ng ulap mula sa kalangitan. Sumasabay ako sa malamig na hangin, mga patak na paulit-ulit mong naririnig ngunit hindi ka parin nagsasawang pakingan. Ang bawat tunog ay parang mga palatandaan ng oras na bumabalik sa iyong kahapong kabataan. Tampisaw ng mga bata sa labas  na minsan ay naisip mong naging ganoon ka rin sa kanila. Ang ngiti na walang iniisip na problema, ang tawa na walang katapusang kaligayahan dahil sa tag-ulan.

Minsan lang ako umawit sa harap ng mga tao noong aking kabataan, madalas ay gitara ko lang ang aking kausap sa magdamag lalo na kapag sumasapit na ang sembreak o bakasyon. Sa pamamagitan ko kasama ng aking gitara ay nakakagawa ako ng mga kanta na hindi kinopya sa iba. Nakakalungkot lang isipin  na sa akin sila nagmula, ang mga tunog na kailanman ay hindi ko manlang naipakanta sa iba. Mga awitin na hindi manlang natawag na misika at kasalanan ko na hindi ko manlang naibahagi ang obra.

"Minsan lang ako umawit o kumanta ngunit para sa akin ang totoong awit ng buhay ay tayo mismo ang gumagawa at ito ang dapat nating pagpahalagahan at maging aral sa iba"

Linggo, Oktubre 9, 2011

"Punit Na Ala-ala"

Pagabi na...

Isa-isa ng pinapapasok ang mga bata na naglalaro sa kalsada, oras na para maligo at mag-ayus ng mga damit pantulog at mag-aral. Isa ito sa mga naiwang ala-ala sa aking kabataan, ang pagkakaunawa sa oras ng paglalaro at pag-aaral.

Tulad din ng mga nagdaang kabataan ang aking mga magulang ay dumaan din dito, ang panahon ng kasiyahan at kabarkada. Maliliit palang kami noon ay may mga gabi na maaga kaming pinapaakyat sa itaas ng bahay at pinapatulog ni ermat dahil sa may darating silang mga bisita. Maririnig mo ang malalakas na tawanan at kuwentuhan, ganyan sila lagi sa ibaba ng bahay at kung minsan ay napapasilip kaming magkakapatid kung anong meron kung bakit  lagi sila masaya tuwing nagkakausap-usap.

Alak at Sigarilyo , sa mus-mos kong kaisipan hindi ko pa alam ang pangalan ng mga bagay na ito kung saan ang mga usok at alcohol ay akin nang naaaninag noong panahon ng aking pagkabata. Bihira ko makitang may mga ganitong bagay sa loob ng aming bahay dahil narin siguro na hindi talaga mahilig uminom ng alak ang aking erpat. Wala akong maalalang humithit sya ng sigarilyo ngunit  ang usok at aroma ng alak ay akin pang natatandaan sa paligid ng aking ala-ala.

Gaya din ng ibang pamilya dumaan din sa madilim na yugto ng kwento ang aming masayang pamilya. Hanggang ngayon ay natatandaan ko pa ang mga sigaw ng mga pagtatalo, mga sigaw na halos mauwi sa pag-hihiwalayan at mga sumbat na

"NI MINSAN! AY HINDI MO AKO MINAHAL!"

Animo'y madamdaming yugto sa isang teleserye. Ang mga iyakan at hagulgol ng aking mga kapatid na hanggang ngayon ay malinaw ko paring natatandaan at naririnig sa aking isipan.

May mga panahon din na wala kaming kuryente, kandila at gasera lamang ang aming ilaw sa buong magdamag. Hanggang sa pagtulog katabi ang aking erpat madalas niyang ginagamit ang liwanag ng mga kandila at gasera sa pagpapatawa sa amin sa pamamagitan ng pagbuo ng mga nakakatuwang hugis ng anino gamit ang kanyang kamay. Sa mga oras na yun tawa lang kami ng tawang magkakapatid habang nakahiga ang buong parte ng pamilya. Matatapos ang kulitan sa antok ng bawat isa habang si ermat naman ay abala sa pag paypay sa aming lahat.

Ang mga bagay na hindi ko gaano naiintindihan noon ay aking tinatandaan upang sa aking paglaki ay akin pang mababalikan ang mga ala-ala at  kahit abutin man ng matagal na panahon ay akin paring mabibigyan ng mga kasagutan at hindi magiging multo ng kahapong kabataan. Ang kanilang pagpagbabago ay aming naramdaman dahil naging kami ang kanilang dahilan sa pagiging tunay na mga magulang.

Mga unos na dumaan sa aming pamilya, mga pagsubok na naging tulay upang maging matatag. Hanggang ngayon ay dala-dala parin namin ang tibay ng pundasyon ng bawat isa.

"Kung anong meron kami noon ay hawak parin namin hanggang ngayon,
    ang sugat na pinagaling ng pagsubok at panahon,
      ang determinasyong mabuhay sa alam naming tama,
        ang pagbuo sa mga pangarap at pagtagpi sa aming mga punit na ala-ala."

Sabado, Oktubre 8, 2011

"Sana"

Matagal ko nang alam na walang pinilipiling oras ang pag-inom ng alak, mga namumulang mukha ng mga tatay sa umaga , ihaw-ihaw at malakas na musika, yan ang gigising sayo sa umaga

"linggo-lamang-ang-pahingang-bertday-party".

 Sa araw-araw halos lahat ng umaga ko noon ay maririnig mo ang kantang "hapi~haaapi~hapiii~berrrrttday~ sayo ang inuman~ sayo ang pulutan ~sana malasing mo kami!"
Kung tutuusin parang ginagawa ko na itong alarm clock  kung saan ang bawat liriko ng kanta ay halos naka dikit na sa aking dila dahil sa bukod sa paulit-ulit mo itong naririnig sa labas ng bahay eh halos araw-araw mo din silang maririnig na sinasabayan ito.

Hindi mahilig uminom ang aking erpat  ang tanging  alam ko lang ay may kaibigan siyang pulis na madalas nambubulahaw sa labas ng aming bahay at sumisigaw ng

" PARE! TANGHALI NA! GISING NA DYAN! PUT%!@**#!!!! ".

Mahilig magbubuting-ting si erpat ng 2-way radio noon, at kahit hindi ko pa alam ang kahulugan ng salitang ito ang tawag ko dito noon ay ICOM. Madalas namin  nakikita ang malaking aparato ni erpat na madaming antena at may mga nagsasalita na parang telepono. Minsan kapag wala siya sa bahay sinusubukan naming galawin ang kanyang mga gamit lalo na ang ICOM. Kasama ko ang bunsong lalaki at bunsong babae kinakalikot namin ang radyo na walang paalam at nakikipag usap sa mga tao na nagsasalita dito. Habang nangungulit gamit ang boses ng bunsong kapatid na babae ay may lalaking boses na nagsaway sa amin

"wag nyong paglaruan ang radyo ng tatay nyo"

Natahimik kaming lahat, nagulat kami dahil parang kami ata ang kinakausap ng boses. Wala naman talaga kaming kinakausap ang tanging pinapagawa lang namin sa bunso naming babae eh pinapakanta namin sya at pinapatanong ang mga pangalan ng tao sa radyo. Habang tahimik dahil sa narinig na boses may isang boses ng babae na nagsalita

"Hayaan mo sila, nag-aaral sila gumamit ng radyo"

Hindi ko alam kung magkakakilala sila pero sa naririnig namin tila pinagtatangol kami ng mga tao sa loob ng radyo, hanggang  sa narinig namin ang boses ng isa pang lalaki

"Hayaan mo sila mga bata lang yan~~

habang naririnig ang mga boses na kami na ang pinag-uusap napagdesisyonan na  namin na patayin na ang radyo at baka malaman pa ni erpat at sa sinturon ang abot namin.

May pagawaan ng radyo noon si erpat malapit sa aming paaralan. Madalas kami doon namamalagi ng aking mga kapatid, lagi kami nakaupo sa labas ng pinto at kumakaway sa mga pasahero ng jeep. Napapangiti ang ilan at ang iba naman ay nakasimangot na animo'y pinagsukluban ng tadhana.

Isang hilerang shop, Pagawaan ng Radyo, Pagawaan ng Uniporme at Pagwaan ng mga upuan.
Nagkaroon kami ng isang kaibigang lalaki, anak ng may ari sa kabilang shop. Hindi ko na matandaan ang kanyang pangalan dahil narin sa katagalan at grade 2 palang ako noon. Malapit lamang ang kanilang tahanan sa kanilang shop, madalas namin syang nakikitang naglalaro mag-isa, walang kapatid ngunit sagana sa laruan at magagandang damit at sapatos. Hindi ko nakita sa kanya ang pagyayabang na kung anong meron sya, kung tutuusin eh mas sabik pa nga siyang makita kami kesa maglaro kasama ng mga laruan nya. Makikita mo sa mukha nya ang kagalakan na nagpapahiwatig na masaya sya kapag nandyan kami sa tabi nya.

Habang naglalaro tinuturuan namin syang maging masaya sa mga simpleng laruan gaya ng espadang pat-pat at maskarang papel na gawa sa dyaryo.Ang kanyang mga tawa ay aming ikinagagalak at pakiramdam namin ay nagkaroon kami ng isa pang kapatid.  Masaya kaming lahat , mga halakhakan, biruan at mga kwentuhan tungkol sa mga  lugar na aming narating. Hindi tulad nya wala kaming magagandang laruan at damit ngunit sa mundo ng pagkabata ang kayamanan ay nagsisimula muna sa kaibigan bago ang laruan. Matatapos ang aming pag-lalaro sa simpleng pagpapaalam, tatawagin na kami ni erpat at papapasukin narin sya ng kanyang yaya sa kanilang bahay at tatanawin kami habang makikita mo sa kanyang mga mata ang pagbabalik ng lungkot na sya nanaman ulit at ang kanyang mga laruan.

Randam ko ang kanyang lungkot dahil isang beses sa buhay ko noon nangulila din ako sa aking mga kapatid. Ngunit ang kanya ay pangmatagalang pagkabugnot sa tahanan na walang kalaro, kaibigan at kabataan.

Dumaan ang isang taon nagpasya si erpat na mag-ibang bansa. Kasama sa kanyang pag-alis ang pag-iwan din  namin sa aming kaibigan. Ilang araw din kami nanabik sa kanya, gaya ng isang kapatid na hindi buo ang maghapon kapag hindi namin sya nakakalaro.

Lumipas ang ilang linggo, ilang buwan at binilang na ang mga taon at hanggang ngayon ay hindi ko makalimutan ang kanyang mukha na nakatanaw sa aming paglisan, ang kanyang lungkot at pagkasabik sa kaibigan ay hindi mawala sa isipan ko habang nakatingin sa kanyang mga mata. Ang kanyang pag-aninag habang kami ay papalayo hanggang agawin na ng malayong pagtanaw sa kalayuan.

Hindi na namin sya nakita pang muli, hindi ko narin alam ang totoo nyang pangalan, noong highschool ako sinubukan ko rin balikan ang kanyang tahanan ngunit hindi ko na matandaan ang saktong itsura ng mukha nya  kaya hindi ko na rin alam kung paano ko sya hahanapin at sabihin ang mga salitang

" Kaibigan kamusta kana?"

Dama ko parin hanggang ngayon ang agam-agam na sana ay sinabi namin sa kanya noon na hindi na niya kami makikita pang muli. Sana sinabi namin sa kanya noon na "hindi na tayo makakapaglaro ulit". . Sana ay hindi nalang namin siya pinaghintay pa at sinabi ko nalang sa kanya ang salitang alam kong ayaw niyang marinig mula sa amin na kanyang mga kaibigan.....

Sana sinabi ko....

       Sana sinabi namin....

             Sana sinabi nalang namin ........ang Paalam.....