"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Linggo, Setyembre 5, 2010

"Sabado"

Tom Sawyer  ang cartoon namin sa umaga, habang abala ang lahat sa paglilinis ng bahay. Maririnig mo ang mga telebisyon sa labas na iisa lamang ang pinapanood dahil siguro madami talaga ang bata sa lugar namin. Halos lahat ng tahanan ay may batang nanonood ng TV. Hindi kami subdivision na may malalawak na kalsada at may guard house sa labas, isa kaming komunidad na payak lamang ang mga buhay. Masaya na sa Kape at pandesal, busog na sa noodles at tinapay at sanay na sa piritong isda sa gabi.  dikit-dikit ang mga tahanan at hindi lahat may kuntador ng kuryente ..

Noong kabataan ko mabibilang mo ang mga bata sa kalsada at saulado pa ng mga matatanda kung sinong anak ni ganito at kung sinong pamangkin ni ganyan. Dahil narin siguro sa lumalaking populasyon masasabi ko ang lugar na kinagisnan ko ay isang magandang halimbawa ng salitang " pabrika ng bata". Mag-uumpisa ang kuwento sa palakasan ng Radyo sa umaga, habang nagwawalis ang aking kapatid na babae at nakatutok  sa paboriting istasyon. Panahon ng Spice Girls at Mandy Moore, yan ang pambato nyang musika sa kalabang kapitbahay na ang mga tugtugin ay album ni  Yoyoy Villame. Sa lakas ng sounds namin sinong mag-aakala sa bahay na puro kabataan na walang kahilig hilig sa sound system eh may dalawang malahiganteng Sound Speaker! Bago kasi umalis si papa noon patungong Saudi, nahiligan niya ang Application ng surround sound. Kung iisipin ko parang matanda pa ata sa bunso kong kapatid ang mga speaker na yun at parang hindi ako sanay tignan ang sala na wala yun, dahil mula ata grade 1 hangang 4th yr college ako ay nababanga-banga na ng katawan ko ang mga speaker na ito.

Bandang 10am,  mapapansin mo na si mama naglalaba habang nagluluto, yan ang mama ko! masipag! Mapapansin mo rin ang kapatid kong bunso naglilinis ng kwarto sa taas, yan ang kapatid kong bunso! maaasahan!, mapapansin mo din ang kapatid kong lalaking bunso nag aayus ng sasakyan nya sa bahay ni lola at puno ng grassa ang kamay, pupunta ng bahay para lang mang-asar ng mga kapatid na babae, yan ang kapatid ko! maabilidad at makulit! Kung titingin ka naman sa sala makikita mo ako nanonood ng TV ,(sabi ko naman tawagin lang ako kung may bubuhatin ), at sa kuwarto makikita mo ang kapatid ko na babaeng  panganay na naka higa at kapatid kong babae na pangalawa sa panganay na nagkukulay ng kuko sa paa at nagpapahid ng kung ano anong astringent sa mukha.Wala ang aming panganay ng mga panahon na iyon dahil nagtrabaho sya sa abroad.

Yan kami noon, panahon kung saan ang mga gawain na nakasanayan namin ay naging sistema na ng aming buong katawan. Hindi kami napapagod, hindi kami nagsasawa, nasanay na kami kung baga. Masasabi ko na mahusay na magulang ang aking ama at ina. Pinalaki nila kami na maayos, walang nalululon sa masamang bisyo, walang nalulong sa alak, walang nagloko sa pag -aaral at naging mabuting ihemplo sila sa lahat ng bagay.

Ang panahon na iyon ay laman parin hanggang ngayon sa aking mga ala-ala, kahit hindi na kami magkakasama at nasa ibang bansa na silang lahat kasama nila mama at papa. Minsan pa nga ay napapanaginipan ko ang mga araw na nakaupo ako sa aming sala at nanonood ng TV at biglang magigisng nalang ako sa aking kuwarto na yakap ang aking mga unan. Mapapangiti dahil ang nakaraan na kasama ko sila ay isa sa pinakamagandang  panaginip sa buhay ko ngayon.



0 (mga) komento: