"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Lunes, Disyembre 14, 2015

"Naglalamlam Kong Marikit"

Ang dahon, sa hanging maligamgam, sa mapaglumbay na mga pakpak , sa masungit na dagat. Hinahawi ng pagmamasid ang bawat damong nangungusap, habang inuukit ng bibig ang matatalim na ulap.

Sa mga pagkakataon na ibinigay sa akin ang lahat, hindi naging patas ang daan, tuyong lupa, bulok na isda. Ang pagkakataon na sana ay mapupulang bulaklak ay naging pakiusap ng isang sisiw sa parang.

Paraan ko ang pag-irog sa mumunti mong tanaw, luha ay nasasalok ng aking pakiramdam. Huwag lang sana umikot ang mga tala ng langit kung saan ko isinukli ang kansulsilyo kong awit.

Bigkasin mo lang minsan ang aking kasalanan, tubig sa aking katawan natutuyo’t tumatamlay. Mga sangang nag ngingit-ngit sa ibabaw ng mga baga, tila naghihintay na upos ng pagkalimot at pagkamalay.

Baguhin ko man lahat ang aking pakiwari dumadaang pilit ang mga huni ng hikbi. Sa mga ugat ko titigil ang lahat, ang dating luntian at maaliwalas na balat, ay may sukob ng dapit hapon sa pagmamahal ay salat.

Pilit kong iniintindi na bakit walang anino kahit may gasera, oh dahil kailangan ko narin magpahinga at pumikit. Bumababa na ang aking mga mata at pumupungay na sa naglalamlam kong marikit.

Lunes, Nobyembre 23, 2015

"Gising Ka Na Ba Mahal?"



Habang lumalalim ang gabi doon ko namamalayan,
                     ang tahimik ng lahat tanging yakap ay unan.
Dahil tahimik ang gabi naglalagi sa mga ulap,
                    sa pagpikit ng mga mata tanging ikaw ang kayakap.

Sa layo ng iyong bisig para sa aking paghagkan
                    nagpupumilit abutin, dumadalangin, tumatahan.
Paghahanap sa iyong mga ngiti ibinibigay ko sa aking dasal.
                    Sa panimula ng bawat umaga laging sambit gising ka na ba mahal?

Dahan dahan  kumakatok ang bawat nakatimplang kalungkutan
                    pagsusumamo sa may kapal na ingatan ka at patnubayan
Ang pagkasabik ko sa mga awit na tanging ikaw ang tinig
                   sa aking maghapon dama ko pa rin ang iyong pag-ibig.

Sa pagmulat ng mga mata unti-unti kong nadarama
                   ang lungkot na wala ka, nais na kita makasama
Kaya sa tuwingsisinag ang araw alam ko dininig ang aking dasal
                   gising na mahal ko, gusto na kita makasama
                   gising na mahal ko, gising ka na ba mahal?

                 

Biyernes, Hulyo 24, 2015

"Nagbubungang Alitaptap"

Mahina ako noong una mo ako nakilala, mukha lang akong malakas, mukha lang akong matatag. Malungkot ako noong una mo ako nakasama, mukha lang akong masaya, mukha ko lang ang nakatawa. Habang unti-unti ko tinatangap ang kahinaan at pagbabago ay unti-unti mo rin sa akin ipinaunawa na hawak mo ang aking mga kamay at hindi mo ako iiwanan. Ang mga hindi ko naiintindihan ay iyong inunawa at niyayakap ako sa gabi tuwing ako ay lumuluha. Sa mga panahon na kung saan isinuko ko na ang lahat ng meron ako ay pilit mo parin binubuo ang aking mga basag na pagkatao dahil naging mahina ako sa huli, naging tanga at walang silbi. Ipinakita mo sa akin kung anong meron sa mundo mo, kung paano maging masaya at kung saan tayo nagiging isa. Kung para saan ang buhay at kung para saan ang mabuhay.

Doon ko lang naramdaman sa unang pagkakataon na hindi ako nagkamali. Ang pagdating mo sa buhay ko ay hindi ko pinili, hindi ko na plano at  hindi ko inaasahan na magiging ikaw at ako. Ang natatandaan ko lang ay humihingi ako ng sagot sa itaas, Mga tanong na bakit sa akin? at bakit ako? Wala akong naiintindihan sa nangyayari hanggang sa ibinigay ka nya sa akin. Doon ko nalang naunawaan ang lahat, ang mundo na gusto nya para sa akin at ang mundo na gusto nya para sa atin.

Natatandaan ko pa ang mga unang gabi na kayakap kita, nakangiti tayo habang lumuluha, para tayong buang, para tayong timang. Kapag tinatanong naman kita kung bakit ka masaya ay bigla mo akong yayakapin at magpapasalamat. Ngunit sa loob-loob ko ay ako ang lubos na nagpapasalamat sa iyong pagmamahal. Ang saya na hindi ko makalimutan, ang pangako na hindi tayo magbabago. Pagmamahal na lagi kong natatandaan tuwing sumasapit ang gabi. Ang nag-iisang tala at naging ningning sa buhay ko ay ikaw. Ang paghawak mo sa akin ay parang liwanag ng mga nagbubungang alitaptap sa dilim. Lumiliwanag ang paligid habang kasama kita, habang nakatingin ka sa akin at habang nakatingin din ako sa iyo. Pagmamahal tulad ng isang pangako, hindi bibitiw hanggang ako ang mahal mo, mahal ko.....

Miyerkules, Mayo 20, 2015

"Lagi Kitang Namimiss"

Lagi kitang namimiss

Sa tuwing tumatawid ako ng kalsada ay lagi kong nakikita ang iyong mukha na naghihintay sa akin sa kabila.

Sa bawat pag-gising ko sa umaga ay naririnig ko parin ang iyong mga awit habang  nakayakap ka sa akin.

Sa tuwing nakikinig ka ng aking mga kwento ay nandoon ang iyong atensyon sa akin.

Sa tuwing nagbibiro ako ay hindi ka nauubusan ng ngiti na nagbibigay saya sa akin.

Ang iyong mga titig sa hapag kainan hanggang maubos ko ang mga butil ng kanin.

At sa tuwing naglalakad tayo ng sabay ay hinahabol mo ang aking mga kamay at aakbay sa akin.


Namimis ko na yun .....

Ang iyong paghinto hanggang hindi ako nakakatawid

Ang iyong mga awit kapag ako ay nagigising.

Ang iyong pakikinig sa aking mga kwento at ala-ala

Ang iyong mga biro upang ako ay matawa

Ang iyong mga tingin habang ako ay kumakain

Ang iyong mga akbay habang tayo ay naglalakad


Lagi kitang namimiss

Totoo yun...

Lagi kitang namimiss...

Martes, Pebrero 17, 2015

“Ang Teddy Bear At Ang Puno”


Sa isang lamesa ..

May isang laruan…

Nakatanaw lang siya sa bintana……

Maghapon at magdamag…

Isang teddy bear na pinaglumaan na ng panahon. Ang yugto ng kamusmusan sa kabataan ay wala na…..

Tanaw nya ang magagandang kapatagan ng mga bundok, ang lawa sa di kalayuan at ang mga luntiang damo na naglalaro sa paligid.
Sa tag-ulan tanaw nya ang mga patak  mula sa kaulapan. Kitang kita ang lamig ng panahon sa labas. Hangin na humahampas sa mga anahaw at alon ng tubig sa dalampasigan.
Sa tag-araw napagmamasdan nya ang mga ibon na naglalaro sa kalangitan. Ang mga ulap na nagbibigay hugis ng kanyang mga malilikot na isip. Mga paru-paro na naglalaro sa mga bulaklak at  ang malumanay na tubig sa ibabaw ng lawa.
Sa tag-tuyot  at mahangin na maghapon,  doon nya nakikita ang mga tao na nagsasaya sa kanilang bakasyon. May kalayuan ngunit batid nya ang kasiyahan ng mga ito kung saan ang kalayaan ng kanilang mga sarangola ay malayang naglalaro sa hangin.


Dumaan ulit ang tag-araw, nakatanaw parin sya sa bintana.

Dumaan ulit ang tag-ulan , nakatanaw parin sya sa bintana.

Dumaan ulit ang tagtuyot, nakatanaw parin sya sa bintana.

Paulit-ulit  lang ang mga gunita mula sa kanyang pagkakaupo. ..

Hanggang isang araw ay may nagtanim ng isang halaman sa harap ng bintana. At habang lumilipas ang panahon ay unti-unti nito natatakpan ang mga tanawin na madalas niyang tinitignan. Ang lawa, ang madamong kapatagan at kaulapan ay hindi na nya tanaw.

Nalungkot ang teddy bear sa nangyayari, mabigat sa dibdib nya na hindi na nya matanaw ang mga bagay na nakasanayan na nyang pagmasdan. At ang tanging puno na lamang sa harap ng bintana ang kanyang nakikita.

Lumipas ang ilang taon napansin nya ang mga sanga ng puno ay nagkakaroon ng mga kaibigan. Ang mga ibon ay tumatahan sa mga dahon at bunga nito. Tanaw nya rin ang mga damo sa paligid, lumalago sa pagkakasilong nito. Nagsilbi itong tahanan ng kanyang  bagong pagkakaintindi sa buhay. Isang tahanan kung saan ang mga bulaklak at paru-paro ay malayang nakakapaglaro. Natuwa ang Teddy bear, ang  pagaakala na harang lang ang puno na nakatakip sa kanyang tanawin ay isa palang kanlungan.

Dumating  ang tag-ulan at  tanaw nya ang matitingkad na mga luntiang dahon habang binabasa ng ulan. Ang mga ibon na nakasilong sa mga sanga nito, isang mainit na pugad sa gitna ng bagyo. Mga pagaspas ng puno sa malakas na hangin na tila nagsasabi sa kanya na” kamusta ka kaibigang teddy bear,  mag-ingat ka at may malakas na bagyo.”

Dumating ang tag-araw at tanaw nya ang malilim na silong ng puno. Kung saan malagong  namumulaklak ang mga halaman na  sa paligid ng kanyang mga ugat. Mga kabataan na datirati ay sa kalayuaan nya lang natatanaw at ngayon ay sa ilalim na ng puno na sila naglalaro. Mga Magkasintahan  na umuukit ng mga salita na“Mahal Kita, Hindi kita iiwan” sa katawang kahoy nito. At kung minsan ay isang buong mag-anak ang kanyang napagmamasdan habang masayang nagsasalo-salo sa ilalim ng puno.

Dumating ang tag-tuyot at dito nya  nakita ang mga natutuyong dahon na nalalaglag mula sa kanilang pagkakakapit sa mga sanga. Dito nya naunawaan na lahat ng kagandahan ay may hangganan. Ang mga sanga na wala ng sigla, ang mga pugad na wala ng laman  at ang mga damo at bulaklak na nawala lahat. Ngunit hindi ito dito natatapos, dahil sa pagdating ng tag-ulan ay muling magkakabuhay muli ang lahat.

Ngayon lang sya nasabik sa tag-ulan, na datirati ay tinatanaw lamang nya ito sa kalayuan. Ngayon lang sya nasabik sa tag-araw na datirati ay nikikita nya lamang ito sa kapatagan. Ang mga huni ng mga ibon , ang mga tinig ng kasiyahan, ang kagandahan ng mga bulaklak ay masmalapit na sa kanyang mga tanaw.  Doon nya naunawaan  ang kagandahan ng puno, doon nya napagpahalagahan ang kabutihan nito sa kanya. Humingi sya ng tawad sa kanyang pagkaaburido, dahil noong una ay ayaw nya itong makita oh sulyapan man lamang.
lumipas ang maghapon at dumating na ang malalim na gabi. Napansin ng  teddy bear na  nagiging matagal ang tagtuyot o marahil nasasabik lang sya sa tag-ulan kaya pakiramdam nya ay matagal ang pag-usad ng panahon. Naisipan nyang magpahinga, naisipan ni teddy bear na matulog upang bumilis ang oras. Matagal tagal na rin siyang nakatanaw sa bintana. Sabik na siyang matanaw muli ang puno sa panahon ng tag-ulan at tag-araw. Natulog siya ng mahimbing at nakatulog sya ng matagal.

Lumipas ang tag-tuyot at lumipas narin ang  tag-ulan….
Sa tagal ng kanyang pagkakahimbing ay inabutan na sya ng tag-araw. Muling naging berde muli ang mga damo, sumibol na ulit ang mga bulaklak. Ngunit sa kanyang pagdilat wala na ang puno. Hinahanap nya ang puno. Sinubukan nyang tumayo at lumapit sa bintana at baka nasapaligid lamang ito. Natatanaw na nya muli ang lawa at ang luntiang kapatagan. Ngunit wala na ang puno, ang kanyang kaibigang puno ay wala na..  mga malalagong bulaklak at damo na lamang ang natira sa kinakatayuaan nito.

Napaupo ang teddy bear, nakatulala sa bintana at naluha, mabigat ang kanyang dibdib na tila may nawawala  sa kanyang sarili. Napaupo ang teddy bear at habang unti-unti nya nauunawaan na wala na ang puno ay doon nya nararamdaman ang lungkot. Hindi nya tangap na wala na ang tanawin na kanyang ikinasasabik.  Ang mga tawanan ng kabataan, ang mga huni ng ibon at ang mga pagaspas ng dahon ay wala na. Buong maghapon sya nakatanaw sa kalayuan. Natatanaw na  nya muli ang lawa at kapatagan, ngunit bakit mabigat parin ang kanyang dibdib. Habang tumitila ang kanya luha ay  may napansin siya na isang puno sa di kalayuan. Isang puno na katulad ng kanyang kaibigang puno. Bigla syang natuwa at tumayo, pilit nyang ikinakaway ang kanyang mga kamay upang mapansin siya nito. Kaway sya ng kaway, sigaw sya ng sigaw, pagbabakasakali na marinig sya nito at bumalik muli sa harap ng bintana. Ngunit walang nangyari, napaupo nalang ang teddy bear at pinagmasdan ang puno na minsan ay kanyang ikinasabik at pinagmamasdan. Wala na siyang magawa kundi tanawin muli ang lawa at kapatagan. Tanaw nya rin ang puno sa di kalayuan at tuwing naaalala nya ang mga panahon na malapit pa ito sa kanya ay napapangiti na lamang ang teddy bear. Naging masaya siya kasama ang puno at sa huli ay nandoon parin ang mga tanong sa kanyang isip kung bakit kailangan nito lumayo sa kanya. Mabigat parin sa dibdib ng teddy bear ang nangyari. Dumaan ang ilang araw na hanggang tanaw na lamang  siya at habang tanaw nya sa kalayuan ang kaibigan, nasasambit ang mga katagang  “mis na kita mahal kong puno.”

Lumipas ang tag-araw at dumating ang tag-tuyot, ang lumang tanawin ay kanya ng natatanaw. Ang dating lawa , ang dating kapatagan ng bundok ay kanya ng napagmamasdan. Sa kabila ng pagkasabik sa kaibigan na nawalay ay pilit niyang pinapasaya ang mga araw na dumaraan na hindi na ito kasama.
Tumagal pa ang tagtuyot at habang  unti-unting nawawala ang mga dahon sa paligid , ay hindi nya parin nakakalimutan ang kanyang kaibigan. Nalalanta na ang mga bulaklak at natutuyo na muli ang mga damo. Sa gitna ng tagtuyot napansin niya ang isang kahoy sa ilalim ng mga natutuyong damo.  Sa  lugar kung saan itinanim ang kanyang kaibigan ay  isang putol na puno.


Natulala at tumulo ang kanyang mga luha…

Bumigat ang kanyang pakiramdam…

Doon nya naintindihan ang lahat…

Sa di kalayuan ay may narinig syang mga tinig na nagsasabi

“sayang ang puno pinatumba ng malakas na bagyo”

Nalungkot , yumuko at umiyak ang teddy bear….

Sa lamesa sa tabi ng bintana, habang tumutulo ang kanyang  mga luha ay.. napansin nya ang mga nakaukit malapit sa kanyang kinauupuan ..


Ang mga katagang “Mahal kita, Hindi kita iiwan”  

Martes, Pebrero 3, 2015

"Aking Nag-iisa"

Sarado pa ang lahat, habang kumukuha pa ako ng buwelo upang maintindihan nila na patuloy ko pang pinagtitibay ang natitira sa aking pagkatao. Habang binubuo ko ang mga basag na desisyon upang sumangayon sa aking bagong buhay. Hindi naman ganoon kadali at alam ko naman yun, ngunit sana ay maintindihan ako sa marupok kong dibdib kung saan ang mga uka nito ay madali pang nagngi-ngitngit.

Ganun naman talaga, hindi ko dapat isipin ang hindi ko dapat isipin at umusad sa panibagong araw, sa panibagong bukas. Madaling sabihin ngunit sobrang hirap gawin. Kapag ang emosyon na ang kumakatok sa akin halos durugin nito ang aking utak sa kakaisip at kapag binabato na sa akin ang mga tanong na 'bakit?' ay hindi ko pa alam kung bakit.

Ang totoo? Hindi na ako malungkot, hindi na ako naghihintay at hindi na ako umaasa sa dahilan ng nakaraan. Kailangan ko nalang siguro maghilom hanggang mawala ang mga hinanakit. Ang pagpapatawad na hindi ko na hinihingi sa kanila sa kabila ng lahat, sa kabila ng mga agam-agam.

Mapalad parin ako dahil may mga tao na maituturing kong mga tunay na kaibigan. Katahimikan sa aking pagpupumilit ay kanilang naiintindihan. Hanggang matagpuan ako ng isang pusong tunay na nagmamahal. Puso na nagbigay sa akin ng pagkakataon maunawaan kung paano ba talaga ang pagmamahal. Ito na ang mundo ko ngayon, ibang-iba sa nakaraan. Pamamaalam sa nakaraan ay paunti-unti ko ng naiintindihan.

Doon ko sya nakilala sa gitna ng aking pagkalito. Ang mga diktang nakaikot sa akin ay isa-isa niyang tinanggal. Tinanggap ako ng buong-buo sa kabila ng aking kahinaan at pagkukulang. Siya ang naging totoo  sa akin habang ako naman ay handa ng sumuko at mabaliw. Pinadama niya ang tunay hanggang maging mulat ako sa katotohanan ng buhay.

Ang mga titig ko sa kanya tuwing umaga ay aking kasiyahan. Mga matang hindi ko matiis, Kanyang labi na lagi ng nakangiti. Dugtong ng aming hininga ang mga yakap sa magdamag habang bumubulong ang mga pintig sa aming dibdib. Dito na ako masaya at hindi na ako mawawala. Habang kasama kita pagtitibayin ko ang mayroon sa atin hanggang ako ang iyong sinta.

Mahal kita aking nag-iisa.......

Lunes, Enero 26, 2015

"Ito Na Ang Huli"

Naghihilom palang ang lahat sa akin ngunit sa iba mag-uumpisa palang ako mawala. Natatandaan ko pa ang mga yugtong naging kuntento na ako sa aking mundong ginagalawan. Ang mga pangungusap ay malumanay na naibibigkas. Doon ko sinimulan mangarap, doon ko pinagpatuloy isipin ang aking mararating para bukas. At gaya nga ng takip silim ng magdamag nagiging makabuluhan lang ang maghapon kapag naiintindihan mo kung para saan ang mga pahinang ginuggol mo sa buong araw.

taon at halos kalahati ng aking buhay ang inilaan ko sa mga tao na walang ibinigay sa akin kundi mga pangaral na hindi rin naman nila gusto. Nagpapakaalipin ako sa mga sigaw at alingawngaw ng kanilang mga dikta. Nagiging mahina ako habang Natututunan ko kung paano ba ang mag-isa.

kalayaan, ang akala nila ay hindi ko alam ang ibig sabihin ng kalayaan. habang ginagawa nila akong mang-mang ay unti-unti ko sila napapaniwala na hindi ko hawak ang susi palabas ng katangahan.

papalayo ngunti hindi ko pa lubusan naiiwanan ang mga sitwasyon. Gustohin ko man tumakbo ay hindi ko magawa, nandito parin ako sa lugar kung saan ako umalis. Hindi lang ako lumilingon pabalik habang unti-unti ko binibitawan ang aking pagkasabik.

paglalakbay, hanggang saan ako makakarating sa aking paglalakbay. May bago ng nakalapat sa aking mga kamay. Mahigpit ang pagkakakapit gaya ng mataimtim na panalangin. Huwag na sana ako magkamali, dahil dito na ako mahihimlay at ito na ang aking huli

Huwebes, Enero 22, 2015

" Sa Mundo Ng Iba"

Pakiusap sa aking mga kahinaan, sa aking mga pagkakamali, pakiramdam na unti-unti nanaman ako nawawala. Ito siguro ang dahilan kung bakit hindi parin ako nakalalayo. Sumisikip ang dibdib habang nakakayanan akong tiisin, Ang pag-aakalang natutunan ko na ang lahat ay hindi pa pala. Ngunit bakit pakiramdam ko ay dito na ako nanggaling.

Kakaiba, hindi ko gusto ang araw na ito. Nababawasan ang iniipong ngiti at bumibigat ang mga pakiwari. Sa ganitong pagkakataon ko naiintindihan na wala akong silbi, parang ganun, parang ganito. Bakit ba kahit anong angulo ko ipakita sa iba ay hinding-hindi parin talaga nila ako maintindihan. Baka nga sumpa oh baka nga malas lang talaga ako sa mundo ng iba.

Miyerkules, Enero 21, 2015

"Pangalan Nalang Ang Meron Ako"

Dito ako nanggaling, at sa mga  naunang paglalakbay ko noon dito ako nagsimula mangarap. Naging payak ang lahat at naging totoo sa aking sarili. Kahit gaano kahirap at kahit gaano kataas ay sinubukan kong tahakin ang daan. Isang paglalakbay na di ko inaasahan na magiging selda ng aking kasalukuyan. Bumabagal na ang lahat, dumidilim na rin ang paligid.

 May mga pagsubok narin ang dumaan ngunit kakaiba ang isang ito. Kusang dumadating at nagbibigay lumbay sa bawat araw na dumaraan. Hindi na ako masaya, hindi ko narin naiintindihan. Sinubukan ko humakbang sa ibang pamamaraan ngunit ganun parin ang ihip ng hangin kung saan man ito nagmula.

 May mga ala-ala na bumabalik, kung saan ipinipinta nito sa harap ko kung paano ako nagsimula. Ibinabalik ang mga imahe ng aking kabataan kung paano ba ako naging masaya. Doon sa noon nalang ang lahat, doon ko nalang lahat nakikita na ako ay masaya. Sumisikip na ang daan at nasasakal na ang aking pagkatao. Ang sumbat na di ko na kayang dalhin dahil ito ang pinamumukha sa akin kung bakit hindi parin ako nagtatagumpay.

 Ngayon ko naunawaan na nagiging mahalaga lang pala ako  dahil may mga bagay akong nagagawa na kailangan ng iba. Pag-aakala na ako ang liwanag sa bawat araw na dumaraan ngunit hindi pala. Pag-aakala na ako ay minamahal  ngunit pagkaawa pala.

 Naging mahina ako hanggang sa huli. Naging bulaang manglalakbay sa akala ko'y daan ngunit selda pala. Ubos na ang aking pagkakakilanlan sa aking sarili. Pangalan nalang ang meron ako at pangarap parin lahat ng ginugusto ko.