"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Martes, Pebrero 3, 2015

"Aking Nag-iisa"

Sarado pa ang lahat, habang kumukuha pa ako ng buwelo upang maintindihan nila na patuloy ko pang pinagtitibay ang natitira sa aking pagkatao. Habang binubuo ko ang mga basag na desisyon upang sumangayon sa aking bagong buhay. Hindi naman ganoon kadali at alam ko naman yun, ngunit sana ay maintindihan ako sa marupok kong dibdib kung saan ang mga uka nito ay madali pang nagngi-ngitngit.

Ganun naman talaga, hindi ko dapat isipin ang hindi ko dapat isipin at umusad sa panibagong araw, sa panibagong bukas. Madaling sabihin ngunit sobrang hirap gawin. Kapag ang emosyon na ang kumakatok sa akin halos durugin nito ang aking utak sa kakaisip at kapag binabato na sa akin ang mga tanong na 'bakit?' ay hindi ko pa alam kung bakit.

Ang totoo? Hindi na ako malungkot, hindi na ako naghihintay at hindi na ako umaasa sa dahilan ng nakaraan. Kailangan ko nalang siguro maghilom hanggang mawala ang mga hinanakit. Ang pagpapatawad na hindi ko na hinihingi sa kanila sa kabila ng lahat, sa kabila ng mga agam-agam.

Mapalad parin ako dahil may mga tao na maituturing kong mga tunay na kaibigan. Katahimikan sa aking pagpupumilit ay kanilang naiintindihan. Hanggang matagpuan ako ng isang pusong tunay na nagmamahal. Puso na nagbigay sa akin ng pagkakataon maunawaan kung paano ba talaga ang pagmamahal. Ito na ang mundo ko ngayon, ibang-iba sa nakaraan. Pamamaalam sa nakaraan ay paunti-unti ko ng naiintindihan.

Doon ko sya nakilala sa gitna ng aking pagkalito. Ang mga diktang nakaikot sa akin ay isa-isa niyang tinanggal. Tinanggap ako ng buong-buo sa kabila ng aking kahinaan at pagkukulang. Siya ang naging totoo  sa akin habang ako naman ay handa ng sumuko at mabaliw. Pinadama niya ang tunay hanggang maging mulat ako sa katotohanan ng buhay.

Ang mga titig ko sa kanya tuwing umaga ay aking kasiyahan. Mga matang hindi ko matiis, Kanyang labi na lagi ng nakangiti. Dugtong ng aming hininga ang mga yakap sa magdamag habang bumubulong ang mga pintig sa aming dibdib. Dito na ako masaya at hindi na ako mawawala. Habang kasama kita pagtitibayin ko ang mayroon sa atin hanggang ako ang iyong sinta.

Mahal kita aking nag-iisa.......

0 (mga) komento: