"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Martes, Enero 22, 2013

"Bukas Naman, Gabi Na"



Hindi pa uso noon ang mga sunod-sunod na telenobela sa TV. Kung meron man eh iba't-ibang istasyon oh kaya naman ay may mga pagitan na oras ang bawat isa. Di tulad ngayon bukod sa variety shows at balita eh wala ka ng mapapanood kundi telenovela. 

Sa lugar kung saan kami madalas magbakasyon ay laging bida ang pelikula. Ang mga linya nito ay madalas naming binibigkas gaya ng "Isang bala ka lang!" , "Walang personalan trabaho lang" oh kaya naman ay "Ding! ang bato!". Pangkaraniwan na sa amin ang mga eksenang barilan, takbuhan at kung minsan ay mga nakakatakot na eksena gaya ng multu-multohan. Mula umaga hanggang sa paglubog ng araw wala kaming kapaguran. 

Dito, napagyaman namin ang salitang kabataan. Ganito ang totoong aspeto ng pagiging masaya sa edad ng pagsisimula. Binigyan kami ng kalayaan sa paghahanap ng masayang buhay. At dahil sa musmos pa ang aming mga kaisipan at hindi kami nasanay sa karangyaan, ang pagiging masaya para sa amin ay ang maging buo ang pamilya. Sama-sama kaming lumaki at sama-sama kaming nagbigay kahulugan sa pagiging bata. Kaya hanggang ngayon ay magkakahawak parin kami at walang bumibitaw. Hindi man sa pisikal na pagbigkis ngunit sa isip at paniniwala na nandito pa kaming lahat para sa bawat isa kahit magkakalayo na ang mga tinatahak naming buhay.

Napaka payak ng aming mga laro noon. Bigyan mo lang kami ng malawak na kalsada eh buo na ang aming araw. Lagi ko noon pinipili ang papel na derektor kung saan kunwari ay ako ang gumagawa ng kwento at tumitingin sa kanilang mga pagganap. Nakakatawang balikan ang mga eksena na tumatak sa aming isipan. Ang pamagat na kami-kami lang ang may gawa gaya ng "Walang Lalagpas sa Hump!" ay talagang kakaiba. Naubos lang ang araw namin sa tawanan dahil sa pamagat palang ng pelikula ay talagang hihikain ka sa kakatawa. 

Miss ko na sila lahat, at kung minsan inuulit ko ang mga eksena sa aking isipan na parang derektor lang. Pinapabagal ko ang mga tawanan sa aking panonood. Ang mga ngiti na minsan ay aming pinagsalu-saluhan at ang mga pagyakap na may mga pagbigkas na "bukas naman! gabi na" ay akin paring natatandaan. Kung sakaling ibabalik ko ang kahapon, nais ko na maging derektor muli ng aming kabataan. walang linya na babaguhin at walang eksenang iibahin. Dahil ang mga pagganap ng aming buhay noon ay isang nang magandang obra ng aking henerasyon.....


Salamat... 

0 (mga) komento: