Wala pa ang ulan.....
Madaling-araw na halos pumikit ang aking mga mata sa lugar kung saan payak at tahimik na probinsya. Ang mga tandang at ibon sa bukid ay gumagawa na ng kanilang mga huni at kanta. Kung saan ang pagod ng aking katawan ay masmatimbang pa sa pagod ng aking kaisipan, kaya ang bawat segundo ng pagtibok ng aking puso ay unti-unting hinihila sa pagkakapikit at pagpapahinga.
Lamig na ang gumising sa akin sa umaga. Dilat na ang mga mata habang nakatitig sa kisame ng bahay. Mga ilang minuto din ako nakikinig ng mga tinig ng mga naglalarong sanga ng mga puno dahil sa malakas na hangin. Ang dagat sa likod ng bahay ay umaalon ng bahagya ngunit ang tunog ng mga bangka ay umiingay sa mga galaw ng mga mangingisda at ng mga namamalakaya sa dalampasigan.
Bumangon ako ng may pagkasabik sa labas ng bahay. Dali-dali ko inayos ang aking sarili at nagtungo sa mga dating kakilala at kaibigan. Tuwing ganitong pagkakataon ko lang sila nakikita, panahon ng bakasyon sa lugar ng mga taga probinsya. Puno ng ngiti at kagalakan ang kanilang mga araw. Ang mga payak na bagay ay kanilang pinagpapahalagahan. Hindi dahil yun lang ang meron sila kundi yun kasi ang mahalaga para sa kanila.
Isang malaking salo-salo ang dinayo namin sa lugar na iyon. Isang pagsasama-sama na matagal ng na plano at naihayag sa lahat. Reunion ng mga dating magkaka-klase at ka-eskwela. Isang pagkakataon na gusto ko rin matanaw, kung paano ba ang kagalakan ng bawat isa sa mga taong naging kapatid nila noong unang panahon noong magkakasama pa sila sa iisang bubong kung tawagin nila ay paaralan.
Pansamantala ako naghanap ng magagawa habang wala pa ang salo-salo na dadaluhan ko. Sa katanghaliang tapat, pinili ko munang magpahinga sa kubo na nasa gilid ng ilog. Dito matatanaw mo ang mga kulungan ng iba't-ibang isda na ginagamit ng mga lokal doon. bibihira ang ganitong mga araw kaya minabuti ko na samantalahin ang pagkakataon na makapag ihaw ng mga sariwang isda na galing mismo sa ilog. Hindi naman ako binigo ng mga taga roon , binigyan nila ako ng apat na malalaking isda na kung tawagin nila ay lison-lison.
Ang ilog at dagat ay nagkakasalubong sa lugar ito. Kaya naman ang mga isda dito ay sari-sari. May mga nakukuha sa dagat at may mga nakukuha sa ilog ngunit kahit saang pamamaraan pa nila ito mahuli o makuha ang ganitong yaman ang meron sa lugar na iyon at kanilang pinagkukunan ng hanap buhay.
Natapos ang aking araw na busog na busog sa mga inihaw na isda. Malapit na magsimula ang salu-salo ng mga dating magkakamag-aral at ka-eskwela. Hawak ko ang aking camera at handa na sa kanilang mga sasalubong na ngiti sa bawat isa. Gusto ko makita ang kanilang mga reaksyon. Kung paano nila hinintay ang pagkakataong ganito na isang selebrasyon ng kanilang pagkakakilanlan sa bawat isa bilang magkakapatid.
Doon ako nakakita ng isang pamilya na hindi kumukupas ang ganda. Hinubog ng panahon ang bawat isa at binigyan ng bawat isa ang iilan na nangangailangan ng pag-asa.
Nakakabilib din ang ganitong okasyon lalo na kung ganitong mga tao ang makikilala mo. Sino ba naman ang di makakalimot sa mga tawanan, halakhakan, tuksuhan at halos ibalik nila lahat ng kahapon sa kanilang kabataan. Paulit-ulit ngunit masaya, nakakatawang biruan ngunit nakakamis na rin pala. Ganyan sila nung na obserbahan ko ang bawat usapan nila. Hindi mo man marinig ang mga salitang "Na miss ko kayo" oh "na mis kita bro" eh kitang kita naman sa mga mata at galaw nila.
Pagsasaya ang una kong naisip nung narinig ko na may magaganap na ganito sa lugar nila, ngunit hindi pala. Hindi ito normal na kasiyahan na inaasahan ko, isa itong kamustahan at pagbibigay pag-asa sa iba. Bukod sa pagkain, inumin, mga regalo at mga ngiti ay nagbigay din sila ng mga mumunting pangako sa bawat isa na may magagawa sila sa mga kapatid na nangangailangan ng tulong. Hindi man ito labis-labis ngunit sapat na upang makahakbang ng isang baitang kung tawagin natin ay pangarap.
"Kapag nangarap ka mag-isa hindi yun matatawag na pangarap, ngunit pagnangarap ka kasama ang mga taong mahalaga sayo doon mo masasabi na totoo ang isang pangarap."
Wala pa ang ulan ngunit handa na sila, sa ganyang aspeto ng buhay ko sila hinahangaan
Salamat......Salute!
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento