Hinahangaan ko sila.....
Ang mundo na meron sila dati ay minsan ko pang pinangarap na maging tulad din ng sa kanila. Kung hindi lang siguro ako abala sa aking mga personal na gawain ay marahil lagi ko sila kasama at bumubuo ng mga araw na masasaya. Oras lang ang pagitan ng aming mga buhay. Ang panahon na mismo ang nagbigay sa akin ng dahilan upang mapalayo ako sa kanila.
Ang kanilang pag-usbong at ang relasyon na meron sila ay akin paring nasusubaybayan kahit papaano sa pangangamusta. Mga ilang taon narin ang lumipas mula noong una ko sila nakilala. Hindi ko man sila kamag-anak ngunit may mga bagay sa pagkatao ko na sila mismo ang gumawa. Pinakita nila sa akin ang pagiging matatag, kung ano ang pagmamahal at kung saan pupunta kung gusto mong matupad ang isang pangarap.
"Hinayaan ako ng panahon upang mag-isip ng tama kaya nung nalaman ko na hindi lang pala ako nag-iisa kinuha ko ang oras upang makasama ko sila."
Ngunit gaya nga ng isang puno, tanging dahon lamang ang nalalaglag na hindi mo maririnig na bumabagsak. Tulad sa paglipas ng panahon may mga desisyon na hindi mo inaasahan na unti-unti mo na pala nagagawa kahit hindi mo alam. Alam ko minahal naman nila ang isa't-isa, ngunit sa huli sila parin ang magsasabi kung hanggang saan nalang sila.
Naramdaman ko agad ang balita na wala na sila. Kaya nga nung kinamusta ko ang isa at nag pahiwatig na rin ang isa pa. Ramdam ko ang lungkot at napayuko nalang ako at nanghinayang. Sinubukan ko rin hilain ang kanilang mga pisi, bilang kaibigan naglaan ako ng aking panahon sa pagtatanong din kung bakit. Wala akong nakuhang sagot, hindi ko nalaman ang dahilan at kahit paalam ay wala.
Kung minsan ang hirap din pala magtanong ng "Kamusta ka na?" dahil alam ko, na alam nila, na alam ko rin ang sagot sa tanong ko. Para sa akin, nasabi ko na ang pwede kong sabihin sa kanila. Hinangaan ko ang relasyon na meron sila noon. At sa ngayon kahit na may mga espasyo na naghihiwalay sa bawat isa ay may laan parin akong oras upang mag hintay muli sa kanila. Alam ko na may mga darating pang bukas na makakasama ko muli ang mga taong masayahin at mapagmahal. Hindi man tulad ng dati ngunit kahit saglit lang ay maalala lang natin na minsan ay naging totoo tayong magkakaibigan.
Salamat...
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento