"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Biyernes, Enero 25, 2013

"Naiwang Kayamanan"


Training Days....           

   Sa loob ng halos isang taon, sumagi din naman sa isipan ko ang kawalan ng pag-asa na makatapos sa training. Tao lang din naman ako napanghihinaan din ng loob. Ngunit sa mga araw na nagdaraan, sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, ako ay lumalakas at napupuno ng determinasyong makatapos. Madami din ang nawala sa amin sa training sa bandang kalagitnaan ng taon. May mga hindi nakayanan at ang iba naman ay lumipat na ng ibang training grounds. Mahirap ang training namin, mahirap ngunit masaya.

     Pag nasa kampo ako nakakalimutan ko lahat ng aking problema dahil siguro gusto ko ang ginagawa ko . Sa training ko nakita ang ibat-ibang mukha ng pagiging sundalo, may mga gusto ng umuwi dahil walang pagkain ang kanyang aso, meron namang gusto lang matulog dahil pagod na pagod na sya sa kakadilat ng mata nya at may iba namang gusto ng makatapos sa training upang matapos na ang paghihirap namin. Kahit ano pa man ang dahilan nila, ang hindi nawawala sa amin ay ang pagiging masayahin at dedikasyon sa piniling larangan, ang pagsusundalo..

     Masasabi ko lahat ay may potensyal na maging isang pinuno na tapat sa tungkulin. Hinubog kami ng isang Instructor na nagmula sa Marines na ni minsan ay hindi kami binigyan ng kalinangan sa pagmamalabis sa tungkuklin. Tapat nyang ibinigay ang kanyang karunungan sa amin, walang pag aalinlangan at walang labis-labis. Lagi niyang sinasabi sa amin 

" Pag nakatapos na kayo, Be humble". 

"Hindi mo pwedeng gawing dahilan ang paggawa ng mabuti upang makagawa ka ng mali"

Kung tutuusin halos lahat kami ay sa kanya humuhugot ng lakas. Siya ang nagbigay ng totoong diwa ng training. Ang maging malakas sa espiritwal, pag iisip at pangangatawan. 

"Ang lohika ng pakikisalamuha ay hindi lamang sa pagbati at paraan ng pagsasalita kundi sa pagsasabi ng tapat at katotohanan."

Sa sobrang hirap ng training namin noon nabanggit  ko ang mga katagang "Suko na ako ngunit kaya ko pa". 

"Dahil sa malaya ko ibinigay ang aking sarili upang maglingkod sa bayan, ang tanging kasiyahan ko lang ay mapagsilbihan ko sila ng buong katapatan"

At sa paglipas ng panahon may mga bagay na hindi ko inaasahan. Mga bagay na dapat kong ayusin at paghandaan. Ibinaba ko ang aking uniporme at nagpahinga  sa pagsisilbi sa bayan. Hindi naman ako umalis bagkus nagiimpok ako ng bagong kalakasan. Nang sa gayon ay muli akong magbabalik at muling yayakapin ang naiwang kayamanan... ang ating inang bayan...

Salute!

Martes, Enero 22, 2013

"Bukas Naman, Gabi Na"



Hindi pa uso noon ang mga sunod-sunod na telenobela sa TV. Kung meron man eh iba't-ibang istasyon oh kaya naman ay may mga pagitan na oras ang bawat isa. Di tulad ngayon bukod sa variety shows at balita eh wala ka ng mapapanood kundi telenovela. 

Sa lugar kung saan kami madalas magbakasyon ay laging bida ang pelikula. Ang mga linya nito ay madalas naming binibigkas gaya ng "Isang bala ka lang!" , "Walang personalan trabaho lang" oh kaya naman ay "Ding! ang bato!". Pangkaraniwan na sa amin ang mga eksenang barilan, takbuhan at kung minsan ay mga nakakatakot na eksena gaya ng multu-multohan. Mula umaga hanggang sa paglubog ng araw wala kaming kapaguran. 

Dito, napagyaman namin ang salitang kabataan. Ganito ang totoong aspeto ng pagiging masaya sa edad ng pagsisimula. Binigyan kami ng kalayaan sa paghahanap ng masayang buhay. At dahil sa musmos pa ang aming mga kaisipan at hindi kami nasanay sa karangyaan, ang pagiging masaya para sa amin ay ang maging buo ang pamilya. Sama-sama kaming lumaki at sama-sama kaming nagbigay kahulugan sa pagiging bata. Kaya hanggang ngayon ay magkakahawak parin kami at walang bumibitaw. Hindi man sa pisikal na pagbigkis ngunit sa isip at paniniwala na nandito pa kaming lahat para sa bawat isa kahit magkakalayo na ang mga tinatahak naming buhay.

Napaka payak ng aming mga laro noon. Bigyan mo lang kami ng malawak na kalsada eh buo na ang aming araw. Lagi ko noon pinipili ang papel na derektor kung saan kunwari ay ako ang gumagawa ng kwento at tumitingin sa kanilang mga pagganap. Nakakatawang balikan ang mga eksena na tumatak sa aming isipan. Ang pamagat na kami-kami lang ang may gawa gaya ng "Walang Lalagpas sa Hump!" ay talagang kakaiba. Naubos lang ang araw namin sa tawanan dahil sa pamagat palang ng pelikula ay talagang hihikain ka sa kakatawa. 

Miss ko na sila lahat, at kung minsan inuulit ko ang mga eksena sa aking isipan na parang derektor lang. Pinapabagal ko ang mga tawanan sa aking panonood. Ang mga ngiti na minsan ay aming pinagsalu-saluhan at ang mga pagyakap na may mga pagbigkas na "bukas naman! gabi na" ay akin paring natatandaan. Kung sakaling ibabalik ko ang kahapon, nais ko na maging derektor muli ng aming kabataan. walang linya na babaguhin at walang eksenang iibahin. Dahil ang mga pagganap ng aming buhay noon ay isang nang magandang obra ng aking henerasyon.....


Salamat... 

Lunes, Enero 21, 2013

"Kamusta Ka Na?"

Hinahangaan ko sila.....

Ang mundo na meron sila dati ay minsan ko pang pinangarap na maging tulad din ng sa kanila. Kung hindi lang siguro ako abala sa aking mga personal na gawain ay marahil lagi ko sila kasama at bumubuo ng mga araw na masasaya. Oras lang ang pagitan ng aming mga buhay. Ang panahon na mismo ang nagbigay sa akin  ng  dahilan upang mapalayo ako sa kanila.

Ang kanilang pag-usbong at ang relasyon na meron sila ay akin paring nasusubaybayan kahit papaano sa pangangamusta. Mga ilang taon narin ang lumipas mula noong una ko sila nakilala. Hindi ko man sila kamag-anak ngunit may mga bagay sa pagkatao ko na sila mismo ang gumawa. Pinakita nila sa akin ang pagiging matatag, kung ano ang pagmamahal at kung saan pupunta kung gusto mong matupad ang isang pangarap.

"Hinayaan ako ng panahon upang mag-isip ng tama  kaya nung nalaman ko na hindi lang pala ako nag-iisa kinuha ko ang oras upang makasama ko sila."

Ngunit gaya nga ng isang puno, tanging dahon lamang ang nalalaglag na hindi mo maririnig  na bumabagsak. Tulad sa paglipas ng panahon may mga desisyon na hindi mo inaasahan na unti-unti mo na pala nagagawa kahit hindi mo alam. Alam ko minahal naman nila ang isa't-isa, ngunit sa huli sila parin ang magsasabi kung hanggang saan nalang sila.

Naramdaman ko agad ang balita na wala na sila. Kaya nga nung kinamusta ko ang isa at nag pahiwatig na rin ang isa pa. Ramdam ko ang lungkot at napayuko nalang ako at nanghinayang. Sinubukan ko rin hilain ang kanilang mga pisi, bilang kaibigan naglaan ako ng aking panahon sa pagtatanong din kung bakit. Wala akong nakuhang sagot, hindi ko nalaman ang dahilan at kahit paalam ay wala.

Kung minsan ang hirap din pala magtanong ng "Kamusta ka na?" dahil alam ko, na alam nila, na alam ko rin  ang sagot sa tanong ko. Para sa akin, nasabi ko na ang pwede kong sabihin sa kanila. Hinangaan ko ang relasyon na meron sila noon. At sa ngayon kahit na may mga espasyo na naghihiwalay sa bawat isa ay may laan parin akong oras upang mag hintay muli sa kanila. Alam ko na may mga darating pang bukas na makakasama ko muli ang mga taong masayahin at mapagmahal. Hindi man tulad ng dati ngunit kahit saglit lang ay maalala lang natin na minsan ay naging totoo tayong magkakaibigan.


Salamat...

Linggo, Enero 13, 2013

"Wala Pa Ang Ulan"

Wala pa ang ulan.....

Madaling-araw na halos pumikit ang aking mga mata sa lugar kung saan payak at tahimik na probinsya. Ang mga tandang at ibon sa bukid ay gumagawa na ng kanilang mga huni at kanta. Kung saan ang pagod ng aking katawan ay masmatimbang pa sa pagod ng aking kaisipan, kaya ang bawat segundo ng pagtibok ng aking puso ay unti-unting  hinihila sa pagkakapikit at pagpapahinga.

Lamig na ang gumising sa akin sa umaga. Dilat na ang mga mata habang nakatitig sa kisame ng bahay. Mga ilang minuto din ako nakikinig ng mga tinig ng mga naglalarong sanga ng mga puno dahil sa malakas na hangin. Ang dagat sa likod ng bahay ay umaalon ng bahagya ngunit ang tunog ng mga bangka ay umiingay sa mga galaw ng mga mangingisda at ng mga namamalakaya sa dalampasigan.

Bumangon ako ng may pagkasabik sa labas ng bahay. Dali-dali ko inayos ang aking sarili at nagtungo sa mga dating kakilala at kaibigan. Tuwing ganitong pagkakataon ko lang sila nakikita, panahon ng bakasyon sa lugar ng mga taga probinsya. Puno ng ngiti at kagalakan ang kanilang mga araw. Ang mga payak na bagay ay kanilang pinagpapahalagahan. Hindi dahil yun lang ang meron sila kundi yun kasi ang mahalaga para sa kanila.

Isang malaking salo-salo ang dinayo namin sa lugar na iyon. Isang pagsasama-sama na matagal ng na plano at naihayag sa lahat. Reunion ng mga dating magkaka-klase at ka-eskwela. Isang pagkakataon na gusto ko rin matanaw, kung paano ba ang kagalakan ng bawat isa sa mga taong naging kapatid nila noong unang panahon noong magkakasama pa sila sa iisang bubong kung tawagin nila ay paaralan.

Pansamantala ako naghanap ng magagawa habang wala pa ang salo-salo na dadaluhan ko. Sa katanghaliang tapat, pinili ko munang magpahinga sa kubo na nasa gilid ng ilog. Dito matatanaw mo ang mga kulungan ng iba't-ibang isda na ginagamit ng mga lokal doon. bibihira ang ganitong mga araw kaya minabuti ko na samantalahin ang pagkakataon na makapag ihaw ng mga sariwang isda na galing mismo sa ilog. Hindi naman ako binigo ng mga taga roon , binigyan nila ako ng apat na malalaking isda na kung tawagin nila ay lison-lison.

Ang ilog at dagat ay nagkakasalubong sa lugar ito. Kaya naman ang mga isda dito ay sari-sari. May mga nakukuha sa dagat at may mga nakukuha sa ilog ngunit kahit saang pamamaraan pa nila ito mahuli  o makuha ang ganitong yaman ang meron sa lugar na iyon at  kanilang pinagkukunan ng hanap buhay.

Natapos ang aking araw na busog na busog sa mga inihaw na isda. Malapit na magsimula ang salu-salo ng mga dating magkakamag-aral at ka-eskwela. Hawak ko ang aking camera at handa na sa kanilang mga sasalubong na ngiti sa bawat isa. Gusto ko makita ang kanilang mga reaksyon. Kung paano nila hinintay ang pagkakataong ganito na isang selebrasyon ng kanilang pagkakakilanlan sa bawat isa bilang magkakapatid.

Doon ako nakakita ng isang pamilya na hindi kumukupas ang ganda. Hinubog ng panahon ang bawat isa at binigyan ng bawat isa ang iilan na nangangailangan ng pag-asa.

Nakakabilib din ang ganitong okasyon lalo na kung ganitong mga tao ang makikilala mo. Sino ba naman ang di makakalimot sa mga tawanan, halakhakan, tuksuhan at halos ibalik nila lahat ng kahapon sa kanilang kabataan. Paulit-ulit ngunit masaya, nakakatawang biruan ngunit nakakamis na rin pala. Ganyan sila nung na obserbahan ko ang bawat usapan nila. Hindi mo man marinig ang mga salitang "Na miss ko kayo" oh "na mis kita bro" eh kitang kita naman sa mga mata at galaw nila.

Pagsasaya ang una kong naisip nung narinig ko na may magaganap na ganito sa lugar nila, ngunit hindi pala. Hindi ito normal na kasiyahan na inaasahan ko, isa itong kamustahan at pagbibigay pag-asa sa iba. Bukod sa pagkain, inumin, mga regalo at mga ngiti ay nagbigay din sila ng mga mumunting pangako sa bawat isa na may  magagawa sila sa mga kapatid na nangangailangan ng tulong. Hindi man ito labis-labis ngunit sapat na upang makahakbang ng isang baitang kung tawagin natin ay pangarap.


"Kapag nangarap ka mag-isa hindi yun matatawag na pangarap, ngunit pagnangarap ka kasama ang mga taong mahalaga sayo doon mo masasabi na totoo ang isang pangarap."

Wala pa ang ulan ngunit handa na sila, sa ganyang aspeto ng buhay ko sila hinahangaan

Salamat......Salute!