"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Biyernes, Oktubre 22, 2010

"Ngayon Ko Lang Napansin Na Pito Pala Kami"

Madaling araw....... 4:00am

Magigising ako sa boses na mahina 

"Tard  gising na 4 o'clock na"



      Habang nakatagilid sa kama ididilat ang mga mata, tanaw ko ang aking mga kapatid na tulog na tulog parin. Kailangan ko ng bumangon ROTC kasi ngayon baka gumapang nanaman ako papasok ng gate ng eskwelahan gaya nung nakaraang sabado. Sa aking pag bangon una kong hahanapin ang tuwalya naming mga lalaki, dederecho sa banyo para magising sa malamig ng tubig. Hindi ako nagpapainit ng tubig kapag sabado lalo lang ako inaantok. Pagkatapos maligo magbibihis muna ako bago mag-agahan, Kape, Pandesal at sopas na binibili sa labas ( hindi nagluluto si mama tuwing umaga ). Pagkatapos kumain dederecho naman ako sa kusina kukuha ng toothbush na kung kani-kanino upang magsipilyo at pagkatapos nito ay pupunta naman ako sa maikling seremonyas sa salamin gel, suklay , mag-ahit ng bigote at balbas, at magpabango. Kapag kumpleto na lahat, handa na ako umalis papunta sa aking destinasyon ang ROTC. Habang palabas na ako ng pinto at tanaw ko na ang konting liwanag sa labas ng bahay, may narinig akong iyak ng kuting sa gilid ng bahay. Napatingin ako sandali at parang ngayon ko lang nakita ang mumunting kuting na iyon. Dahil sa pagmamadali  hindi ko na gaano pinag-aksayahan ng panahon ang pusa na nakatambay sa labas ng pinto namin bagkus dumerecho nalang ako sa Eskwelahan.

    Makaraan ang ilang oras ay nakarating narin ako sa aking destinasyon at pagkatapos ng mga  aktibidades at ilang ulit na ehersisyo natapos din ang paghihirap ko sa kamay ng mga estudyanteng opisyal ng ROTC. Maghapon sa eskwela at pagod na pagod, sa wakas pauwi na ako ng bahay at medyo makulimlim at uulan pa ata. Mabilis ko inayus ang aking mga gamit upang makauwi  at mapanood ang inaabangang palabas sa telebisyon  ang ghost fighter at  ang aking mga kapatid na babae naman  ay rayearth at Sailormoon ( sa totoo lang pinanood ko din yan ) yan ang aming libangan sa hapon kapag sabado ng tanghali. Ang aming mga illusyon na bayani  at ang aming idolo na karakter sa pambatang telenobela. 

     Ang anggi ay naging ambon at ang ambon ay naging ulan at ang ulan ay naging sakit sa ulo, sus kung alam ko lang na uulan nagdala sana ako ng payong. Habang lumalakas ang ulan at nakasilong ako sa waiting shed napansin ko na basang basa pala ang backpack ko , hinigop na ata lahat ng tubig sa alulod ng  waiting shed, asar! . Basa ang loob ng sapatos , basa ang damit, ang gel naging lotion na ng katawan ko , ang backpack naging triple ang bigat dahil basa at ang pantalon ay dumidikit na sa balat ko. Ilan lang yan sa mga nakakairitang karanasan kapag naabutan ka ng ulan ng wala sa oras lalo na kapag hindi ka handa.
Sabi ko nga kapag ganoong mga pagkakataon na naabutan ka ng ulan at na stranded ka sa gitna ng kalsada "Pagkahaba haba man ng prosisyon sa bahay parin namin ang tuloy" .

     Malapit na ako sa bahay umuulan parin , naglalakad ako sa ulan at wala na akong paki alam kung mabasa man ako, gustohin  ko man sumilong lalo lang ako mababasa sa mga alulod na puro tae ng pusa at tilamsik ng tubig mula sa mga tricycle na ewan. Papasok na ako ng gate ng maaninag ko ang kuting na basang basa at tahimik, akala ko nga patay na ngunit ng marinig ang tunog ng gate ay bigla itong nagising at tumingin sa akin na animoy nagmamakawa na bigyan ko nalang sya ng pagkain kahit huwag na sya pasilungin. Dinaanan ko lang ang  kuting at derecho ako sa loob ng bahay.

"Ma!!! anong ulam?"
"nandyan sa loob sa lamesa"
"wow! galunggong at mungo!" (sakto sa tag-ulan)


     Nagbihis na ako at naligo at pagkatapos ay kumain na ng tanghalian. Habang kumakain sumagi sa isip ko ang kuting sa labas ng pinto, ititira ko nalang itong ulo ng isda at konting kanin na may sabaw ng mungo. Gusto ko sana alagaan kaso ayaw kasi ni mama ng pusa dahil hinihika ang kapatid kong babae at  ganoon din ako kapag may pusa sa bahay dahil sa balahibo nito. Malakas parin ang ulan nung inaabot ko ang kanin na may ulam sa mumunting kuting sa labas ng aming bahay na nasa tabi ng pinto. Pinagmamasdan ko ang kawawang kuting, saulado ko naman ang mga pusa sa loob ng gate namin at madali ko matandaan kung dayo oh lumang pusa ang mga nakatambay sa labas ng bahay, ngunit ang isang ito parang di ko ata matandaan na may buntis na pusa sa mga panahon na iyon na pwedeng maging nanay nya at kung meron man dapat may kakulay manlang sya pero wala kahit isa. Kulay orange at puti , habang pinagmamasdan may naisip akong ideya, isang ideya na pwedeng ikagalit ni mama, ang pag aalaga ng pusa ngunit dahil nga nabilib ako sa kuting na ito na imbes na pumasok sa loob ng bahay at sumilong eh naghintay nalang ng pagkain sa labas at animoy alam ang kahulugan ng respeto. Nagdesisyon ako kapag nandito pa ito bukas aalagaan namin sya!

" Tard!"
"Ma? (nagulat kay mama) "
"paki patay nga yung washing machine"
"opo ma" (nakahinga ng maluwag )

     Kinabukasan , lingo, umagang umaga maganda ang sikat ng araw, nag-iinat pa ako at hindi pa naghihilamos. Naalala ko ang pusa, pumunta ako sa pinto at tinignan ang gilid kung saan sya nakapuwesto. 

"Wala na sya, mukhang naghanap na ng ibang pinto"
"meow"
"huh?"

     Paglingon ko nasa kabilang gilid lang pala sya ng pinto at dahil sa liit hindi ko agad napansin . Kinuha ko sya at inilagay ko sa ilalim ng lamesa namin sa loob ng sala. doon ko narin siya pinakain at dun ko narin sya nilagyan ng tulugan na karton ng sapatos na may tela. Mula noon naging parte na sya ng aming pamilya. Nakakagulat din kung minsan sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ang aking mga kapatid ay nagsilbi ko ring mga kakampi sa pag-aalaga ng mumunting kuting na ito, kapag wala ako sila ang nagpapakain at kalaro. Mga dalawang araw din ang lumipas ng mapagpasyahan namin  bigyan siya  ng pangalan. Ako, kasama nang aking mga kapatid ibinigay namin ang pangalan sa kanya na " Mingming ".

      Isang buwan ang lumipas ng mapansin na ni mama na may kasama kaming pusa sa bahay at nakakagulat din dahil sa isang magulang na ayaw mag-alaga ng pusa ay nagparaya ito para sa aming simpleng  kaligayahan sa isang munting anghel na dumating sa aming pamilya. Lahat kami ay naging masigla, masaya at nagkaroon ng bagong kulay ang buong araw na dumadaan. Dahil sa makulit na pusa na takbo ng takbo kung saan saan sa loob ng bahay nawawala ang aming mga pagod sa maghapon at ang mga maliliit na daga ay hindi na makaporma sa mga sulok ng bahay, isa din ito sa dahilan kaya siguro tinanggap narin ni mama si mingming sa aming pamilya. Pusa na nang gigising sa umaga, ine-exercise ang mga kuko sa unan na aming tinutulugan at nagtatatalon  sa aming mga nakahigang katawan habang natutulog at kinakagat ng bahagya ang aming mga daliri sa paa. Nakakatuwa ang umaga, ang kulit kulit na animoy bunso ng pamilya na lahat ng bagay ay ginagawang laro. kukunin namin ang atensyon ni mingming sa pamamagitan ng papel at itatapat sa katawan ng isa naming kapatid na babae, habang si mingming naman ay akmang susugod at kakagatin ang papel, tawa kami ng tawa kapag nagsisigawan na ang lahat dahil sa kakulitan ni mingming.


     Ang mga panahon na kasama namin si mingming ay isa sa mga hindi namin makakalimutan dahil narin siguro sa tagal ng panahon na naging parte sya ng aming pamilya. Dumadating ang mga araw noon na nararamdaman na namin na unti-unti na syang umaalis ng bahay at paminsan minsan nalang namin sya nakikita na nakahiga sa upuan ng sala. Kung minsan panga mawawala sya ng dalawang lingo at ipagtatanong tanong namin sa looban kung may nagagawing pusang kakulay ni mingming. Mga ilang araw din namin natangap na may sariling buhay na ang aming mumunting kuting na  pagkalaunan ay naging isang ganap nang malaki at lalaking pusa. Matapos ang tatlong taon naging siga sa mga bubungan ng mga kabahayan si mingming. 

      Malalaki narin kami noon nung panahaon na nawala sa amin si mingming, natatandaan ko pa nga na maka ilang ulit din kaming  nagsubok  mag alaga ng bagong pusa at isa nga dito si hamham ngunit dumaan lang ang ilang araw eh nawala rin ito agad. May mga araw din noon na sumisilip pa kami sa bintana ng aming bubungan at nagbabakasakali na mapadaan si mingming o kaya masulyapan man lamang ang pusa na naging parte ng bawat isa sa amin. May panahon para sa pag aaral, may panahon para sa gawaing bahay ngunit kapag ang panahon ng kulitan ay ramdam namin na may kulang sa aming katahimikan. 

     Kakaiba talaga ang aming kabataan, minsan sa aming mga araw noon ay nangulila kami sa isang kapamilya na nagbigay sa amin ng saya, mga masisiglang sandali at lambing na hindi maibibigay ng sino mang kaibigan. 

Gaya ng mga tao ang mga hayop ay may mga ala-ala din,  napapaisip din ako paminsan minsan na kung kamusta na ba si mingming ngayon? natatandaan pa kaya nya ang kinalakihan na pamilya? Napapadalaw pa kaya siya sa aming lumang bahay na wala nang tao sa ngayon. Anim kaming magkakapatid tatlong babae at tatlong lalaki at sa pagdaan ng mga araw  may mga ala-ala sa amin na naiwan na hanggang ngayon ay may dala-dalang pagkasabik sa kahapon na sana kasama parin namin siya, si mingming. Sa aming mga puso bilang kapamilya nya ay ngayon ko lang napansin na pito pala kami, dahil ang turing namin sa kanya noon ay bilang isang kapatid at isang tapat na kaibigan.



" Miss u Mingming "



0 (mga) komento: