"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"
Biyernes, Disyembre 3, 2010
"Masarap Maging Bata Tuwing Pasko"
Amoy ng sariwang umaga, yan ang sasalubong sa akin noon sa labas ng bahay. May pagkakaiba ang lugar namin noon kumpara sa ngayon. Ang dating mahamog at malamig na umaga ay naging usok at nakakasulasok na amoy ng basura sa ngayon. Sabay-sabay kami dadalhin ni mama sa isang kainan malapit sa bahay ng aking Auntie, ito ay nasa gilid lamang ng kalsada. Malinis at mura pa ang mga paninda gaya ng champurado, lugaw, pancit, at sopas, yan ang mga pagpipilian sa menu at sa loob ng ilang taon ay hindi man lang ito nagbago . May mahabang upuan ito sa harapan at karamihan sa mga kumakain dito ay mga bata, nagsisilbing lugar ito upang iwanan ng mga magulang ang kanilang mga anak habang sila naman ay nasa malapit na tindahan upang makipagkuwentuhan...
Madalas ko noon inoorder ang Champorado, lagi ko ito pinapadagdagan ng gatas kaya kung minsan sa sobrang dami na ng gatas hindi ko na ito makain dahil nagmumukha na itong sopas hanggang sa maging matabang. Hindi ganoon kadali ang umubos ng pagkain na higit pa sa kayang ilaman ng sikmura ko at dahil nga mga bata pa kami noon ang isang order ay katumbas ng dalawang platong kanin. Madalas hindi ko nauubos ang aking pagkain at pinapa take-out nalang ni mama.
Murang bilihin, murang damit, murang pagkain, murang laruan at mura ng mura ang kapitbahay namin dahil umagang-umaga eh wala silang pera. Pangkaraniwan na ang nag-aaway na kapitbahay tuwing umaga kung baga sa hobby ito ang wiling-wili nilang gawain.
Lagi ko noon nakikita ang basang kalsada dahil sa mga labandera sa umaga, yan kasi ang libangan ng mga nanay pagkatapos ng kwentuhan sa gilid ng kalsada. Amoy sabon sa paligid , hindi pa uso ang downy noon at sampaguita scent na bareta kaya amoy baretang pabrika ang mga damit at hanggang ngayon ay kumakapit pa sa ala-ala ko kung paano ko nilalanghap ang amoy ng bagong labang damit noong 1985.
Mapapansin mo sa umaga ang mga bangaw na naka pirme sa ere, animoy nag eexercise habang nanonood sa mga tao sa ibaba. Palatandaan ito na ang isang lugar ay malaprobinsya pa dahil nakakatagal pa ang mga bangaw sa hangin at wala pang usok na nakakasulasok sa tao at hayop.
Madami pang puno noon sa aming bakuran gaya ng manga, niyog, horsetail tree, gumamela, atis at bayabas na may sampayan ng damit. Tandang-tanda ko pa na ang mga bangaw, langaw at lamok na naka sabit sa alambre ng sampayan namin , kukuha si lolo ng walis tingting at saka ihahampas sa dereksyon ng mga nakatambay na langaw. Makikita mo ang mga langam sa lupa na tuwang-tuwa na animo'y fiesta sa kanilang nayon dahil madaming lechon ang nagsilaglag mula sa langit.
Parang kailan lang ang lahat, buhay na buhay parin ang ala-ala ng lumang panahon, ramdam ko pa ang lambot ng lupa sa likod ng aming bakuran, natatanaw ko pa sa aking pagkakapikit ang balon sa tabi ng aming bahay, naaamoy ko pa ang sampaguita na nagmumula sa siyudad ng silangan kung saan ako nagmula. Ganyan kami noon kung saan ang laruang baril ay yari pa sa kahoy at ang libangan ay jolens at teks, madalas kaming may laruan noon galing kay lolo mga simpleng regalo na masmahalaga pa sa mga bagay na nabibili sa labas gaya ng yoyo.
Ngayong magpapasko kung saan madadagdagan nanaman ang magagandang ala-ala kung saan pilit inuusad ang lumang kahapon at ilalagay sa kahon ng kalimot. Matsaga kong inilalapat sa aking mumunting panulat upang kahit mawala man ako sa mundo ay masasabi ko na hindi naging malungkot ang kabataan ko kundi naging makabuluhan dahil sa mga taong bumubuo nito. Hindi na tayo bumabata ngunit sa bawat araw na dumadaan alam natin na ang pakiramdam na maging isang bata kung saan ang pangarap ay kasiyahan at ang kahalagahan ay pagpapahalaga.
Masarap maging bata tuwing pasko, kaya nga ayaw natin ito ipagdamot sa mga taong mahal natin. Gagawin ang lahat dahil masaya tayo kapag masaya din sila. Sa ganitong araw ng taon ko lang nararamdaman ang kasiyahan ng buhay hindi dahil sa regalo kundi alam ko na nandyan sila at naaalala parin pala nila ako. Sa ganitong araw ng taon ko rin gusto magbigay ng regalo hindi dahil sa gusto ko madagdagan ang mga luho nila kundi mapadama ko na nandito parin ako para sa kanila at nagbibigay ng tunay na pagmamahal at pagpapahalaga......
Maligayang Pasko Sa Ating Lahat!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento