Hindi namin alam noon ang pagbibilang ng araw, ang pagdaan ng mga lunes, martes at hanggang lingo ay hindi namin alintana. Malalaman lang namin pag sabado na kapag binibihisan na kami ni mama at si papa naman ay naghahanda na ng kanyang sasakyan dahil maya maya ay ipapasyal na niya kami sa aming pasyalang CCP. Anim kaming magkakapatid ang aming mumunting sasakyan ay isa lamang owner type jeep at dahil mga bata palang kami noon at hindi halos nagkakalayo ang mga edad namin sakto lamang ang aming pagkakasalansan sa loob ng sasakyan.
Sa aming paglaki hindi madali ang malayo sa padre de pamilya, halos buong kabataan namin noon ay paminsan minsan lamang namin nakakasama si papa. Ang kanyang mga pag-uwi isang beses sa isang taon mula sa saudi ay aming ikinagagalak. Isang tahanang pinuno ng pangarap kaya siguro ang bawat isa sa amin ay nangarap ng totoo at hindi nawalan ng pag-asa na balang araw ay makakaahon din kami sa hirap. May mga oras na naiisip ko noon na gaano ba ka hirap ang buhay? sa isip ng isang batang tulad ko na imbes na problemahin ang mga larong pambata eh nag-iisip na kung paano ko nga ba aayusin ang buhay pag laki ko.
Malimit ako umaakyat noon sa aming bubungan. Tanaw kasi dito ang malalayong lugar gaya ng bukid , mga kalsada at mga gusaling malalaki sa di kalayuan. Dito ako nangangarap ng gising at pagnapapagod na kakaisip sa mga pangarap eh hihiga at nakatingin nalang sa mga ulap. Lagi ko sinasabi sa mga kapatid ko noon na sa paglaki ko bibili ako ng maraming chocolate at hihiga sa kama na kung tawagin nila ay water bed at magpapatayo ako ng swimming pool na kasing laki ng bahay at bibili ako na madaming madaming! laruan. Alas-singko ng hapon madalas ako umaakyat sa bubong ng aming bahay at kung minsan nagsasama ako ng isang kapatid. Lagi rin namin hinihintay noon ang mga eroplanong bumababa mula sa himpapawid, sabay kaming tatayo at maghahawak kamay habang pinapakiramdaman ang mga ingay sa mga nanginginig na mga yero. Pikit matang nakangiti at sa loob lamang ng ilang minuto ay mawawala na ang aming probelmang pambata na aming dala-dala dahil pakiramdam namin noon ay tinatangay ito ng eroplano. Sa aming pag baba mula sa bubong kanya-kanyang ligo na dahil sa nangingitim na mga paa, siko at tuhod. Mga simpleng oras sa itaas ng bubong namin ay kahulugan ng isang buong maghapon na handa na muli kami para bukas.
May mga oras akong natatahimik sa isang gilid ng bahay, nakatitig sa sahig at naglalaro ang isipan sa mga ala-ala ng nakaraan. Maswerte ako dahil naging buo ang kwento ng aking kabataan, walang pagkukulang at walang labis-labis. Kaya siguro sa mga araw na dumaraan napapansin ko na hindi ko na maiwasang masabik sa nakaraan. Ikinukulong ang sarili sa panahon na kahit kailan ay hindi na kayang balikan. Hindi ako naniniwala sa simpleng pangarap dahil alam ko lahat tayo ay nangarap ng masmaganda para sa mga minamahal natin sa buhay. Nangarap tayo hindi para maglakad papunta sa gusto natin kundi para lumipad at makita ang magandang maibibigay ng bukas hindi lang para sa isa kundi para sa lahat na umaasa sa ating pagbabalik.
Kung paano kami nabuo sa salitang kapatid, kung paano namin natutunan ang salitang ate at kuya ang mommy at daddy ay ganoon din namin naunawaan ang ibig sabihin ng Pamilya.
"Hindi lahat ng buong pamilya ay masaya at hindi lahat ng kulang ay hindi buong pamilya."
Nabuo kami sa pagmamahal at pag-uunawa at hindi nagkulang ang aming mga magulang kaya siguro hanggang ngayon ay ipinagmamalaki ko na parte ako ng isang pamilyang punong-puno ng aral at pagmamahalan.
1 (mga) komento:
Well written. Simply heartfelt.
BIYAHENGPINOY.COM
Mag-post ng isang Komento