Hinarang ako ng mga pagkakataon at ang lubid nito ay akin parin tangantangan. May mga bagay na kailangan kong intindihin dahil ito ang masmakakabuti sa iilan kahit salungat sa karamihan. Dito ako masaya at dito ko napagtibay na hindi ako naiiba sa lahat.
Sila ang mga dahilan ng akin bawat pagdilat. Hindi man nila batid ang aking pagpapahalaga at pilit parin nila hinahanap ang aking kahalagahan sa kanila. Patuloy parin ako sa pagbibigay ng halaga kahit wala silang makita kundi ang lahat ng aking pagkakamali at hindi ang kabutihang akala ko'y tama.
Hindi ko sinasadyang mapansin ang pagusad ng aking sarili. Tinandaan lahat ng pakiwari at pangungusap. Binuo lahat ng mga kaganapan at hinanakit. Hanggang sa huli ako parin ang may kasalanan sa mata ng kanilang mapanghusgang pakiusap.
Wala akong ibang pinangarap noon kundi ang maging masaya lang. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pulutin ko isa-isa ang mga piraso ng kahapon. Hindi ko na ito mabubuo pa tulad ng dati. Hindi ko ito ibinabalik upang maging buo muli ako, ngunit bakit parang kusang inaabot ng aking mga kamay ang mga basag na oras at pagkakataon.
Ang mga bagay na paulit-ulit na ibinabato sa akin ay ang mga bagay na unti-unting bumabasag din sa aking kalakasan. Hindi ako malakas gaya ng iniisip ng iba , may mga tao lang talaga na nasa tabi ko na kaya kong sandalan at nagbibigay tindig sa aking pagkakatayo.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento