"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Linggo, Nobyembre 4, 2012

"Kung Saan Naging Buo Muli Ako"


"Gabi ng walang hanggang pagsusumamo, ang araw ay sisikat sa hindi mo matanaw na liwanag "

Ang mga gabi na sinisisi ko ang panahon sa pagdaramot nito sa akin ng masayang bukas ay sadyang nakakapanghina ng pagkatao. Ang mga oras na nasayang sa aking paglayo sa mga minamahal ay ang tanging dahilan upang ako ay sisihin sa lahat at dapat magpasan ng mga kasalanan.

Kapag naaalala ko ang mga taong naging parte ng aking kahapon, kung saan ang mga kasiyahan at kalungkutan ay naging laman ng aking ala-ala sa loob ng ilang oras na pagdarasal. Pilit kong nilalagyan ng harang ang salamin ng buhay kung saan ang totoo ay hindi ko muna gustong paniwalaan.

-Kaibigan. . . .

"Sa karamihan mabibilang ko ang mga iilan sa kanilang pagsasalita at sa kanilang pagtatanong."

Kapiraso ng isang mundo ng bawat isa sa atin ang mga itinuturing din nating mga kapatid. Kung saan ang pagbibigay kahulugan sa isang payak na samahan ay hindi nakikita sa kung kailan nagsimula at kung gaano na ba ito katagal. Noong mga araw na nawawala ako sa aking paglalakbay at bahiran ng kaulapan ang aking mga daraanan may mga tao sa buhay ko na hindi ko inaasahang darating at iaabot ang kanilang mga kamay upang ako ay alalayan. Yung mga bagay na hinahanap ko sa isang tao, kung saan ang paghahanap ng katahimikan at kapayapaan sa isang akbay lang ay dahilan upang ang pagpapasalamat ay akin paring ibinibigay sa iilang mapagmahal.

Ang mga dahilan upang maging malakas ka, mga kadahilanan upang mabigkas mo ang mga pasasalamat sa mabubuting tao na tulad nila at ang ibig sabihin sayo ng buhay ay kanilang binigyan ng bagong kahulugan at halaga. Wala akong hiniling na maging mabuti sila sa akin ngunit sa kadahilanang naging mabuti din ako sa kanila ay ganun din ang ipinadama nila sa mundo kong minsan pang binigyan ng lungkot ng mga pagsubok at agam-agam sa mga di inaasahang kaganapan sa aking buhay.

Pagbibigay, hindi ko noon alam ang totoong ibig sabihin ng salitang pagbibigay. Ngayon ko nalang napagtanto na ang bukas palad ay nagiging totoo lang kapag nangagaling sa puso at paniniwala na makakabangon ka ulit kasama sila. Silang mga naniniwala sa iyong kapasidad, silang umaasa sa iyong mga ngiti at kasiyahan at silang mga naging totoo sa tabi mo hanggang sa iyong pagkakalugmok at mawalan ng pag-asa.

Sila ang naging dahilaan kung saan naging buo muli ako sa pag-iisip, paniniwala at sa pagkatao........


Salamat .....

0 (mga) komento: