Mga lumang larawan, kung saan ang pagkuha sa mga piraso ng kahapon ay sadyang nakakapagbigay ng mga buntong hininga. Ang kwento ng bawat ngiti sa nakaraan ay hindi matutumbasan ng anumang kayamanan. Habang pinagmamasdan ko ang mga litrato sa aking mga kamay ay unti-unti ko nauunawaan na kung gaano ako ka swerte sa mga biyaya ng kahapon sa akin. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ako dinadala ng aking pakiramdam sa mga panahon at oras na hindi ko na kayang balikan pa. Yung mga bagay na hindi na kayang ulitin pa at yung mga pagkakataon na matagal ng lumipas ngunit ang mga karunungan nito ay akin parin daladala.
"Kung saan inukit sa aking pagkatao ang mga karanasan na hindi ko na mababago at ang tanging magagawa ko nalang ay mabuhay kasama ang mga ito."
Habang hawak ang mga litrato ng nakaraan unti-unting bumabalik sa akin ang mga kaganapan na hindi na kayang ibigay ng bukas. Ang mga masasayang sandali na kasama ko pa ang mga taong gumawa ng mga ngiti sa mga mumunting papel na hawak ko ngayon, ang mga tawanan, ang mga halakhakan at ang mga kulitan na kailanman ay hindi na mababago ng ala-ala.
Wala na ako sa nakaraan at dahil nga sa mga oras na dumaraan habang pinagmamasdan ko ang ala-ala ng kahapon pilit ko pinagtitibay ang mga paniniwalang hindi ko na kailangan pang balikan ang mga tapos na bagkus aralin nalang ang mga natutunan at magpatuloy sa mga pangarap na inaasam ko noon nung kasama ko pa sila. Habang unti-unting kumukupas ang mga kulay ng papel ay unti-unti ko rin nauunawaan kung gaano na kalayo ang mga pagitan ng bawat isa.
Kung minsan hindi ko na talaga alam kapag naiisip ko na paano nga ba magpapatuloy sa isang mundong may takip na pangungulila sa minamahal. Kung minsan din ay iniisip ko bakit wala na sila sa panahon na sabay-sabay naming hinintay, kung saan ang dapat na masayang magkakasama ay may bahid ng agam-agam at pagkasabik sa kanila. Kung bakit kasi ngayon lang darating ang araw na ito, ang araw kung saan ang pagdiriwang ay pang buong pamilya. Nakaupo na lamang ako sa tabi ng bintana habang naghuhukay ng mga gunita na maaari ko pang balikan sa nakaraan gamit ang aking mga kupas na larawan. Binabalikan sa pamamagitan ng pag-iisip habang nakapikit at pakiramdaman ang bawat sandali noong yakap-yakap ko pa sila.
Habang tulala pa sa aking pananaginip ng gising ay may mga tanong na sumasagi sa aking isipan. Kung kailan buo na muli sana ang aking mga pangarap kasama sila ay ngayon pa sila nawala. Halos makailang oras na pagiisip at daanan na ng hangin ang aking mga balat at lamigin sa gitna ng kalungkutan. Ang bigat ng mga buntong hininga ay masikip parin sa dibdib hanggang ngayon habang tinatanong ang.....
"Bakit kasi ngayon pa, kung kailan wala na sila ..
.
.
Bakit kasi ngayon lang, bakit ngayon lang ang pasko?"
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento