Hamog....
Ilang beses ko noon pinangarap na mahawakan ang hamog..
Ang pakiramdam na sana ay mahawakan ko ang mga lupa ng ulap habang namamasyal sila sa kapatagan.
Bibihira ako noon makapaglaro sa mundo na kung tawagin nila ay playground. Ang mga unang umaga ng aking kabataan ay madalas na paglalakabay sa mga probinsya tuwing bakasyon. ang paghahanap ng mga kalaro ay hindi ko gaano pinuproblema dahil sa dami ng aking mga pinsan.
Sa daan na ako inabutan ng sikat ng araw kung saan ang mga sinag nito ay nagsisilbing ilaw ng isang umaga na puno ng pag-asa. Lagi ako noon nakatayo sa gawing likod ng pickup truck upang pagmasdan ang mga tanawin sa aming paglalakbay. Tanaw ko parin ang mga hamog na gumuguhit sa mga puno at palayan. Lingid sa aking kaalaman na ang mga hamog na aking naaaninag sa kalayuan ay nalalanghap ko na pala. Malamig sa balat at masarap sa pakiramdam.
Sa aming pagdating sa lugar na kung saan ang paligid ay makikitaan mo ng mga makalumang bahay. Ang mga dingding ng kanilang pagkakabuo ay pinta ng mga kahapong nagdaan. Papasok kami sa isang eskenita at sa gawing dulo nito ay isang bangka na nagaabang sa aming pagdating.
Hindi ko matandaan kung bakit parang paulit-ulit lamang ang pagpinta sa akin ng kahapon tuwing naaalala ko ang pagsakay ng bangka. Ang simoy ng tubig sa ilog ay nalalasap ko parin hanggang ngayon. Ang bawat galaw ng tubig ay umaalon parin sa aking isipan kahit ngayon. Dadalhin kami sa kabilang dako ng pampang kung saan naghihintay ang mga kamag-anak na nasasabik sa aming pagdating. Tanaw ko na ang mga alagang aso na animoy nasasabik din sa aming pagbabalik. Naaaninag ko na ang usok ng mga sunog na kahoy sa pagluluto. Natatanaw ko na rin ang mga bata na dati naming mga kalaro noong nakaraang bakasyon.
Sa pagdaong ng bangka ramdam ko na parang kahapon lamang ang aking pagparito. Ang lugar kung saan madalas kami nagbabakasyon. Sariwa ang hangin ng aming probinsya at madaming puno ang namumunga dito. Ibang-iba ito sa mga probinsya na napuntahan ko na kung ikukumpara ko sa ngayon. Malayo sa dagat ang aming barangay ngunit ang buhangin dito ay pino at puti . Isang lugar na aakalain mong tabing dagat ngunit tabing ilog pala. Kung paano ito nangyari ay hindi ko alam ngunit para sa akin ito ay isang paraiso ng mga mumunting anghel na naghahanda sa kanilang paglaki.
Wala kami pinagkaiba sa ibang bata noon. Marahil ang kulay namin ay masmaputi kumpara sa aming mga kalaro ngunit kailan man ay hindi namin sila itinuring na iba. Maliit lamang ang aming bakasyunan noong kabataan ngunit siksik sa magagandang ala-ala. Ang mga lupa na nagsilbing daanan namin sa araw-araw at nagbigay kahulugan na hindi namin kailangan ng malawak na dagat upang magkaroon ng mga pinong buhangin sa aming paglalaro. Kung saan ang buhangin ng dagat sa tubig ng ilog ay sapat na upang maging kumpleto ang aming buhay sa mundo ng pagkabata.
Dito mag-uumpisa ang aking bakasyon, ang bawat paglalaro namin noon
sa bukid kasama ng mga kalabaw at mga tuyong dahon ng palay ay akin pang
inaalala at ikinagagalak sa ala-ala. Gunita ng kahapon hanggang sa
paglubog ng araw, ang mga kulay na kupas ng mga sinag nito ay hanggang
ngayon ay nangungusap na
"kailanman ay hinding-hindi
kayang bitawan ng isang bata ang kahapon mula ng siya ay natutong
mag-isip ng magagandang bagay sa mundo."
"Kailanman ay hindi mo matatangal ang pagkasabik sa mga taong bumubuo ng isang magandang ala-ala."
"At kailanman ay walang makakapantay sa iyong nakaraang kabataan."
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento