"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Sabado, Marso 3, 2012

"Bahay Ko To, Bahay Namin To"

Sa panimula ng aking kuwento gusto ko lamang sabihin  sa mga mambabasa na ang bawat kaganapan at lokasyon ay nangyari lamang sa aming lumang bahay sa iba't ibang panahon o taon.

-----------
Pangkaraniwan na sa bahay namin noon ang mga ingay sa pangalawang palapag. Ang mga yabag na animoy naglalaro at nagtatakbuhan ay halos araw-araw na naming  nakasanayang  naririnig.Kung sinuman ang may gawa ng mga ingay na ito ay hindi namin alam, dahil kahit anong tiyaga namin sa pagsilip sa itaas ng bahay ay hindi talaga namin sila makita oh maaninag man lamang.
-----------

Naka upo kami noon ng aking kapatid na babae sa lamesa habang nag kukuwentuhan  ng marinig muli namin ang ingay sa pangalawang palapag. At dahil kahoy ang itaas ng aming bahay ay madali namin mapansin ang mga yabag na animo'y nagtatakbuhan at walang sawa sa paglalaro. Walang pinipiling oras ang kanilang paglalaro at dahil tanghaling tapat noon eh medyo may katahimikan ang paligid.

Dahil narin nasanay na kami sa mga ingay sa itaas ng bahay eh tuloy parin ang aming kuwentuhan ng aking kapatid sa lamesa habang kumakain ng tinapay. Sa gitna ng aming kuwentuhan walang anu-ano'y may biglang lumagapak na mga paa sa sahig sa tapat ng hagdanan na parang may tumalon mula sa itaas. Sabay kami napatingin ng aking kapatid sa sahig kung saan nanggaling ang ingay na aming narinig at sa di inaasahang pagkakataon  wala kami nakitang nakatayo sa harap ng hagdanan at medyo natagalan pa ang aming pagtitig sa lugar kung saan namin ito inaasahang makita. Dahan dahan na lamang  kami nagkatinginan ng aking kapatid at nagtaka sa nangyari.

----------

Kakauwi ko palang noon sa trabaho mula sa isang sikat na fastfood restaurant, dahil narin sa kagustuhan ko noon  na kumita ng pera sa aking murang edad eh labag sa aking mga magulang ang aking desisyon na magtrabaho bilang service crew. Closing ang schedule ko sa trabaho at sa aking paguwi ay tulog na ang mga tao sa bahay. Pag pasok ko sa bahay derecho agad ako sa kusina upang kumuha ng maligamgam na tubig upang ibabad ang aking mga nananakit na mga paa mula sa maghapong pagkakatayo bilang service crew.

Habang nagpapahinga sa sala nanonood ako ng TV upang antukin dahil ramdam ko pa ang tensyon ng aking katawan mula sa trabaho. Sa gitna ng aking panonood walang anu-ano'y may biglang lumabas na lalaking nakaputi mula sa pader sa gawing kanan at tumawid sa aking harapan at tumagos sa pader sa kaliwa. Napatulala ako at inabot pa ako ng ilang segundo bago maunawaan na hindi tao ang nakita kong dumaan. Yun ang unang pagkakataon na nakakita ako ng mga nilalang na hindi ko maipaliwanag at hindi ko maikuwento sa iba dahil narin sa hindi ko alam kung maniniwala ba ako oh hindi sa mga ganitong pangitain.

----------

Dumaan ang ilang taon at sinubukan narin ni mama na kumuha ng kasambahay upang tulungan sya sa kanyang paglalaba. Dahil sa anim kaming magkakapatid ang mga labada noon ni mama ay gabundok tuwing tatlong araw. Galing sa malayong probinsya ang aming bagong kasambahay at may kasama itong isang anak. Noong una hindi namin alam kung paano ipapaliwanag sa kanya na bukod sa amin ay may mga ilang miyembro pa ng aming pamilya na hindi nakikita. Dahil bukod sa aming magkakapatid kasama ng aking mama eh may mga nilalang din sa loob ng bahay na ayaw naming sabihin sa kanya dahil baka maunahan ito ng kaba at takot at tuluyan ng umalis.

Dumaan lamang ang ilang buwan at tuluyan na niyang ipinahayag sa amin ang mga pagpaparamdam. Habang naglalaba daw siya sa tabi ng banyo eh bigla na lamang may tumatakbo papunta sa loob nito at isasarado ang kurtina at isisindi ang ilaw. Sa pag-aakala na may tao sa loob ay lagi daw niya ito hinihintay lumabas upang siya naman ang gagamit at madalas dahil sa kanyang pagkainip eh binubuksan nya daw ang kurtina at wala siyang naaabutan sa loob at laging nagtataka kung sino ang pumapasok ng banyo na hindi na lumalabas ngunit hindi naman nya nakikita sa loob.

Humingi naman kami ng paumanhin sa kanya sa hindi pagsasabi ng mga maaring maramdaman nya sa loob ng  bahay dahil sa maniwala man  kayo o sa hindi wala kasing nagturo talaga sa amin na totoo ang mga ganitong nilalang kaya kahit mismo kaming magkakapatid eh hindi naniniwala sa mga ganyang pangitain. Nagkataon lang na meron sa aming tahanan at nakasanayan na naming nandyan sila.

-------------

Mahilig ako noon maglaro ng Table Tennis at dahil sa laro na ito ay may mga nakilala kaming mga kaibigan na mahilig din sa ganitong sport. Dito namin nakilala ang aming bagong kaibigan na babae at dahil narin sabik sa mga bagong kapamilya eh itinuring na namin siyang parang tunay na kapatid. Sa bahay namin siya noon nagpapalipas ng oras, nagkukuwentuhan , nagtatawanan at kung minsan naman ay namamasyal kasama sya.

Ala-una ng madaling araw, tulog na lahat ang  mga tao sa  bahay. Habang nagbabasa siya sa tabi ng hagdanan eh may naaninag siyang nakatingin sa gawing kaliwa mula salamin. Sa kanyang pag-aakalang kapatid ko ang kanyang naaaninag eh tinignan niya ito sa salamin at laking gulat niya na isang batang lalaki na naka upo sa hagdan na pinagmamasdan siya. Sa gulat nilingon niya ito sa hagdan at wala siyang nakitang nakaupo at takang taka kung sino ang batang nakita nya at ng lingunin niya ulit ito sa salamin ay hindi na niya ito nakita. Sa takot kinuha niya ang kanyang binabasa at pumasok na sa kuwarto at natulog. Kinabukasan ay ikinuwento niya ito  sa amin  at sinabing hinding hindi na siya magpapalipas ng gabi sa bahay dahil narin sa takot.

--------------

Ito ang mga Kuwento na aming itinatago sa karamihan dahil alam naming may mga tawa at panghuhusga sa aming mga kalinangan sa mga ganitong klaseng istorya ng buhay. Ganun pa man ilan lamang ito sa mga pahina ng aming nakaraan na hinding hindi namin makakalimutan at kahit saan man kami maparoon ay masasabi ko parin na....

"Bahay ko to, Bahay namin to"


tuloy po kayo.......

0 (mga) komento: