Maalikabok ang kalsada, aaminin ko sa ganitong lugar ako natutong mag-isa kung saan inilayo ako sa aking tunay na kapamilya. Dito ko naranasan kumain sa hapag kainan ng walang kasama, dito ko rin napagmasdan ang buong maghapon habang nakaupo lang sa hagdanan ng bahay at dito ko rin minahal ang ulan habang mag-isang naliligo at niyayakap ang mga patak na animo'y ako lang ang tao sa mundo.
Sa lugar kung saan nakilala ko ang totoong kalungkutan. Dito ay palagi ko naitatanong kung bakit nila ako tinuruan maging mag-isa? Ang mga lungkot ay ginawa akong alila sa loob ng ilang taon. Halos maawa ako sa aking sarili dahil ang buhay na alam kong malaya ay naging panakip sa isang tahanan na walang pagpapahalaga sa nararamdaman ng iba.
Uso dito ang galit-galitan at uso rin dito ang simba-simbahan. Wala akong hiniling noon sa Diyos kundi pasayahin niya lahat ng tao sa lugar kung saan ako ikinulong. Kung saan ang pagiging tao ay hindi tulad sa nakagawian ko.
"May mga taong naiinis sa akin, dahil sa tuwing sumasagot ako sa kanilang mga tanong ay palaging totoo."
Hindi ko maintindihan kung bakit bawal ang matulog kung pwede naman humiga nalang muna ako dahil pagod na pagod sa mga utos ng mga hari at reyna. Wala akong kasalanan sa kaharian ng kinikilala nilang Diyos , bakit kailangan ako ang parusahan sa mga bagay na hindi nila lubos naiintindihan, ang pang-uunawa.
Nangyari na ang lahat, wala ng mababago sa nakaraan. Hindi ako marunong magtanim ng sama ng loob dahil para sa akin sasama lang ang loob ko kung pati sila ay iintindihin ko pa.Tama na yung ganito, iba na ang mundo na tinatahak ko kasama ng aking mga totoong kapatid at kapamilya. Matagal na nilang tinangal ang parte ko sa buhay nila kaya wala na ako dapat ibigay na parte ko na para sa kanila. Nagpapasalamat parin ako dahil tinuruan din nila ako kung paano maging matatag at binigyan ng pagkakataon na mahagkan ang aking totoong pamilya.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento