"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Miyerkules, Disyembre 21, 2011

"Hanggang Kailan Ba Ang Pasko?"

Handa na ang Christmas tree para sa pasko, ang mga ilaw at parol ay naka sabit na rin sa labas ng mga bahay. Mahahabang listahan ng mga lulutuin para sa noche buena at nakabalot na rin ang mga regalo upang sa darating na kapaskuhan ay magiging masaya ang lahat sa pagbibigayan.

      "Malalim na ang gabi,
                        at sa isang saglit lang,
                                  inagaw ng kalikasan ang lahat"

Sa panahon ng mga sakuna alam nating mga pilipino ang  tugon sa mga nasalanta ng bagyo, ngunit bakit sa puntong ito mistulang katahimikan at lungkot ang bumalot sa ating mga pilipino habang pinapanood ang mga kaganapan sa mga nasalanta ng bagyo. Ang mga katagang "Magpapasko Pa Naman" ay dumudurog sa ating mga puso kung saan ang bawat hinagpis nila'y ating kinakahabag. Nakakalungkot isipin kung bakit kung kailan pa malapit na ang pasko ay doon pa nangyari ang ganitong trahedya sa kanilang buhay.

Pagbibigay ng tulong ang ating iniabot kasama ang mga dasal na sana'y gabayan sila ng Diyos upang malagpasan nila ang unos na tumapos sa mga buhay ng mga kababayan nating pilipino.Tulong pinansyal, tubig, pagkain, damit , gamot at kung anu-ano pang magagamit nila sa pang araw-araw ay pilit nating iniaabot sa kanila kung saan hindi na natin alintana na parating narin ang pasko. Ang diwa ng pasko ay unti-unting lumalawak sa kahulugan ng pagbibigayan at pagmamahalan, naipamamahagi natin sa kanilang mga puso ang totoong kahulugan ng pagiging pilipino.

Sa ating mga tahanan habang inaabangan ang mga balita sa kanilang kalagayan ay hindi natin inaasahan na ang pasko ay nagsisimula na pala sa panahon kung saan ginising tayo lahat ng pagmamalasakit, pagbibigayan at katatagan ng loob sa dumating na trahedya.

Nasubukan ko na minsan ngumiti ng walang kasama, tumawa ng walang kausap at lumuha ng hindi nasasaktan ngunit sa pagkakataong ito ngayon ko lang napagtanto na malawak pala ang nararating ng pasko. Abot sa puso ng bawat pilipino , abot sa mga dayuhang nakikiramay sa trahedya, abot sa mga kaisipan ng mga batang musmos at higit sa lahat abot sa lahat ng relihiyong maka Diyos.Hindi ko na tatanungin kung hanggang saan umaabot ang pasko dahil kahit ilang milyang panukat ang gamitin ko alam kong hinding hindi ko ito masusukat. Ang tanging tanong ko na lamang ngayon ay

"hanggang kailan?
     hanggang kailan ba tatagal ang ganito?
         haggang kailan ba?
                 hanggang kailan ba ang pasko?"

Matatag na Pasko sa ating lahat....

0 (mga) komento: