"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Lunes, Setyembre 10, 2012

"Kailanman"

Hamog....

Ilang beses ko noon pinangarap na mahawakan ang hamog..

Ang pakiramdam na sana ay mahawakan ko ang mga lupa ng ulap habang namamasyal sila sa kapatagan.

Bibihira ako noon makapaglaro sa mundo na kung tawagin nila ay playground. Ang mga unang umaga ng aking kabataan ay madalas na paglalakabay sa mga probinsya tuwing bakasyon. ang paghahanap ng mga kalaro ay hindi ko gaano pinuproblema dahil sa dami ng aking mga pinsan.

Sa daan na ako inabutan ng sikat ng araw kung saan ang mga sinag nito ay nagsisilbing ilaw ng isang umaga na puno ng pag-asa. Lagi ako noon nakatayo sa gawing likod ng pickup truck upang pagmasdan ang mga tanawin sa aming paglalakbay. Tanaw ko parin ang mga hamog na gumuguhit sa mga puno at palayan. Lingid sa aking kaalaman na ang mga hamog na aking naaaninag sa kalayuan ay nalalanghap ko na pala. Malamig sa balat at masarap sa pakiramdam.

Sa aming pagdating sa lugar na kung saan ang paligid ay makikitaan mo ng mga makalumang bahay. Ang mga dingding ng kanilang pagkakabuo ay pinta ng mga kahapong nagdaan. Papasok kami sa isang eskenita at sa gawing dulo nito ay isang bangka na nagaabang sa aming pagdating.

Hindi ko matandaan kung bakit parang paulit-ulit lamang ang pagpinta sa akin ng kahapon tuwing naaalala ko ang pagsakay ng bangka. Ang simoy ng tubig sa ilog ay nalalasap ko parin hanggang ngayon. Ang bawat galaw ng tubig ay umaalon parin sa aking isipan kahit ngayon. Dadalhin kami sa kabilang dako ng pampang kung saan naghihintay ang mga kamag-anak na nasasabik sa aming pagdating. Tanaw ko na ang mga alagang aso na animoy nasasabik din sa aming pagbabalik. Naaaninag ko na ang usok ng mga sunog na kahoy sa pagluluto. Natatanaw ko na rin ang mga bata na dati naming mga kalaro noong nakaraang bakasyon.

Sa pagdaong ng bangka ramdam ko na parang kahapon lamang ang aking pagparito. Ang lugar kung saan madalas kami nagbabakasyon. Sariwa ang hangin  ng aming probinsya at madaming puno ang namumunga dito. Ibang-iba ito sa mga probinsya na napuntahan ko na kung ikukumpara ko sa ngayon. Malayo sa dagat ang aming barangay ngunit ang buhangin dito ay pino at puti . Isang lugar na aakalain mong tabing dagat ngunit tabing ilog pala. Kung paano ito nangyari ay hindi ko alam ngunit para sa akin ito ay isang paraiso ng mga mumunting anghel na naghahanda sa kanilang paglaki.

Wala kami pinagkaiba sa ibang bata noon. Marahil ang kulay namin ay masmaputi kumpara sa aming mga kalaro ngunit kailan man ay hindi namin sila itinuring na iba. Maliit lamang ang aming bakasyunan noong kabataan ngunit siksik sa magagandang ala-ala. Ang mga lupa na nagsilbing daanan namin sa araw-araw at nagbigay kahulugan na hindi namin kailangan ng malawak na dagat upang magkaroon ng mga pinong buhangin sa aming paglalaro. Kung saan ang buhangin ng dagat sa tubig ng ilog ay sapat na upang maging kumpleto ang aming buhay sa mundo ng pagkabata.

Dito mag-uumpisa ang aking bakasyon, ang bawat paglalaro namin noon sa bukid kasama ng mga kalabaw at mga tuyong dahon ng palay ay akin pang inaalala at ikinagagalak sa ala-ala. Gunita ng kahapon hanggang sa paglubog ng araw, ang mga kulay na kupas ng mga sinag nito ay hanggang ngayon ay nangungusap na

"kailanman ay hinding-hindi kayang bitawan ng isang bata ang kahapon mula ng siya ay natutong mag-isip ng magagandang bagay sa mundo."

"Kailanman ay hindi mo matatangal ang  pagkasabik sa mga taong bumubuo ng isang magandang ala-ala."

"At kailanman ay walang makakapantay sa iyong nakaraang kabataan."



Huwebes, Setyembre 6, 2012

"Sumungkit Din Ako Ng Mga Bituin"

Sumungkit din ako ng mga bituin at isinulat dito ang aking pangalan.


Nagkaroon ako noon ng mga kaibigan, mga kaibigan na hindi mo makikitaan ng pagkadismaya sa buhay. Kahit na ang mga estado ng kanilang pamumuhay ay malayo sa kanilang pag-uugali at pananamit. Masayahin, malinis, magalang at may mga pangarap sa pamilya.

Sa kanila ko una natutunan ang salitang barkada. Simula sa pinaka simpleng kuwentuhan hanggang sa pinaka mahabang usapan na halos abutin na kami ng takip silim ay hindi parin nakakasawa. Tawa lang kami noon ng tawa. Ang tuwa sa aming mga mata ay halos hindi na matangal ng oras sa maghapon. Naaalala ko pa nga noon na ang hirap bitawan ng salitang "Uwi na ako"  kung saan ang maikling oras na iiwanan namin ang isa't isa ay ang hirap bitawan.

May mga panahon din kami noon na natatahimik at naguusap ng seryoso. Natatandaan ko pa ang mga usapan na walang kasagutan sa mga tanong namin noon . Habang nakahiga kami sa ibabaw ng isang sirang sasakyan at nakatingin sa kalawakan sa gitna ng gabi ay nag-iiba ang mga pangungusap sa bawat isa. Doon namin itinatanong ang mga bagay na hindi namin maintindihan at ang mga desisyon na hinihingan namin ng mga opinyon ng bawat isa.

Panahon lamang ang aming sandalan sa bawat isa na kung paano kami magiging matatag sa mga araw na dumaraan. Walang bibitiw ika nga, walang mawawala sa sirkulasyon at walang magbabago.

-Habang nakaupo sa lilim ng puno sa lalim ng gabi ay nagwika ang isa sa amin.

"Brod tumingin kayo sa kalawakan...
               Kita nyo ba ang mga bituin?
                        Mamili kayo ng isa at ipangalan nyo sa inyo at sabihin ninyo sa akin....."

"Para kahit magkakalayo na tayo at malungkot ang isa sa atin,
      Titingin lang tayo sa mga bituin  at maaalala nyo ang mga masasayang panahon ng ating samahan."


 Ang kaibigan na unang nagpaalam sa amin , isang pagpanaw na hindi inaasahan ng lahat. Mga masasamang tao ang dahilan ng kanyang mabilis na paglisan sa mundo. Kahit naibigay na ng batas ang katarungan ay  hinding hindi kailanman mauubsan nito ang sakit na gumuhit sa aming mga puso.
 
Hindi naging madamot sa amin ang oras dahil binigyan kami nito ng mga ala-ala na masasaya. At gaya nga ng sinabi ko na panahon lamang ang aming sandalan sa bawat isa, kaya nang naging madamot na sa amin ang oras ay isa-isa ng nawala ang mga taong bumubuo ng aming samahan. Hindi ko na alam kung ano na ang meron sa kanilang mga buhay. Ang kanilang mga pangarap ay hindi ko narin nasundan. Ang sa akin ay tuloy parin sa pagbuo at ang ilan sa kanila ay nangangamusta parin na kamusta na ba ang buhay tramo? oh kamusta na ba ako?

Sumungkit din ako ng mga bituin  kung saan isinulat ko dito ang aking pangalan at tuwing lumalalim na ang gabi ay pilit akong tinatanaw  ng aking  kahapon kapag naaaninag ko sila sa kalawakan. Isang samahan na hindi mawawala , isang kahapon na ni minsan ay  hindi kumupas sa aking ala-ala.