"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Huwebes, Hunyo 7, 2012

"Magmahal Muli"


"Kung saan naging kapareho ng katabi ko ang suot-suot kong t-shirt. Sa sobrang badtrip eh bumaba ako sa lugar na hindi ko naman dapat babaan."

 Isa lamang ito sa aking karanasan  sa pagiging buhay estudyante. Hindi ako mahilig pumorma noong panahon ng aking kabataan. At dahil nga sa sobrang kasimplehan ko eh pati relo ay hindi ko narin nakasanayang suotin. Madalas ako tumingin sa mga relo ng ibang tao at madalas din ako sumilip sa mga tindahan, botika, at kung minsan ay sa bintana ng ibang bahay. Highschool ko na naramdaman na importante pala ang orasan. Doon ko narin kasi naunawaan na ang taong may relo ay laging handa.




May mga pagkakataon noon na nagigising ako sa madaling araw at gumagawa ng project. Deadline ang pinaka busy kong araw. Ang pagsisimula ng umaga ay kapeng malamig at pandesal na hindi manlang nahawakan. Magsisimula sa umaga at matatapos kinabukasan din ng umaga. Wala ako gaanong barkada noong highschool, mahilig lamang ako magbasa ng comics, mag drawing ng super heroes at makinig ng fm radio sa loob ng aking silid. Sa mundo ko noon mahilig ako mag-isa sa aking kuwarto. Masmasaya ako kapag walang kausap dahil mas madali sa akin na maintindihan ang mga binabasa, pinapakingan at pinapanood na mga paboritong palabas sa TV.

Sa pagdaan ng mga taon unti-unti ko naramdaman ang pagnipis ng mga pahina ng oras. Naka ilang ulit ko narin sinubukan na tuklasin ang paghahanap ng kabuluhan sa aking pagsulpot sa mundong ibabaw. Kung gaano ako kahalaga sa iba ay aking naramdaman ngunit kung gaano ako kahalaga sa mundo ay akin pang inaalam. Kaya siguro naisip ko ang magsundalo dahil noon palang ay  hinahanap ko na ang totoong kahulugan ng buhay.



Pag gumigising ako sa umaga ang una kong ginagawa ay pumunta sa labas ng bahay. Lalanghap ng sariwang hangin at kung minsan ay maghihintay ng pusa na maglalambing sa aking mga binti. Mga ilang minuto din bago ko maramdaman na gusto ko pala ng kape at kung minsan nagkakape ako sa labas ng aming pinto kasama ng mga malalambing na kuting at ng kanilang ina. Madali lang naman sa akin ang paghahanap ng kasiyahan. Mas simpleng bagay at mas simpleng lugar ay masmadali akong natutuwa.


"Kung saan ang lahat ay nagiging patas sa aking paningin dahil para sa akin ang mapagmataas lang ang hindi nakakakita sa lupa."

Unang pagmamahal.....

Dito ko unang  natutunan magpulot ng mga basag na pagkatao. Unang pagkabigo at Unang paghahanap ng sarili. Ginulo nito ang mapayapang alon ng aking diwa at kaisipan. Naramdaman ang totoong paggamit ng salitang "Bakit?" at naunawaan na,

"Kahit gaano ka pala kamahal ng taong mahal mo importante parin pala na may pinanghahawakan ka na mahalagang parte ng pagkatao mo."

"Hindi ako naging manhid gaya ng sinasabi ng iba.... Hindi ko lang talaga sila nakikita habang pinupulot ang mga parte ng aking sarili na binasag nila."

Sa ngayon Buo na muli ako. Iniingatan na hindi na muling mababasag ng kung sinong tao sa mundo. Matagal na panahon narin ang lumipas mula noong unang pagbagsak ko. Hindi naman ako nagbago sa pakikitungo sa iba ngunit mula nung natutunan ko ang magpatawad kasabay nito ay natutunan ko narin ang magmahal muli.

0 (mga) komento: