"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Linggo, Pebrero 19, 2012

"Panahon Lamang Ang Lumilipas"

Nakaupo ako noon sa isang malaking bangka na naka taob sa pampang ng ilog. Habang pinagmamasdan ang mga water lily na dahan dahang inaanod ng matiwasay na alon.  Rinig ko rin ang mga dasal ng simbahan sa hindi kalayuan. Alas-tres ng tanghali , hindi nanaman ako nakatulog. Hindi ko talaga gusto ang matulog pagdumarating na ang ala-una ng tanghali kaya lagi ako tumatakas sa aking lola at tita at nagtatago sa gilid ng ilog habang inaaliw ang sarili sa mga gunita ng nakaraan. Madalas ko noon ginagawa ang humiga sa mga tuyong dahon ng kawayan. Nakatingin sa himpapawid habang pinagmamasdan ang mga sanga na sumasayaw kasama ang mga ibon kung saan ang mga dahon nito ay unti-unting nalalaglag sa aking tabi.

May mga puno sa aming probinsya noon na kung tawagin namin ay mansanitas at kamatsile na nasa gilid ng ilog. Noon sa lugar kung saan ang bakasyon ay binabalot ng katahimikan at madalas ko nakikita ang mga batang tulad ko na naliligo sa ilog tuwing tanghali. Ang paglipas ng aking oras ay nagiging masaya kapag sumasama na ako sa kanila.

Dito ako natuto kumain ng paksiw na may sari-saring huling isda mula sa ilog. Sariwang sariwa mula sa lambat na maghapong huli . Telebisyon ang libangan ng mga matatanda sa bahay at madalas ay basketbol ang laman ng kanilang pinapanood. Kaming mga bata naman ay madalas magkwentuhan ng mga masasayang pangyayari na nagawa namin sa buong maghapong pamamasyal at paliligo sa ilog.


May mga bagong subdivision na itinayo sa di kalayuang mga bayan. May mga bagong proyekto na tulay  at kalsada ang aming mga punong bayan. May mga naisarang  maliliit na irrigasyon at gumawa ng mga bagong kapalit nito. Kung saan ang mapa ng mga patubig ay  naiba sa pagdaan ng mga panahon. Kung paano nagkaroon ng buhay ang isang ilog ay doon din ito nagkaroon ng kahinaan sa kanyang pag-alon. Ang mga daanan ng kanyang mumunting pagkabuo ay unti-unti narin nawawalan ng pag-agos. Kinain ng lupa ang kanyang paghinga na minsan pa niyang diniligan ng biyaya upang tayo ay makinabang. Nakakalungkot isipin na kung kailan naging malusog ang kanyang nasasakupan ay naging sakim ang mga ito hanggang siya'y tangalan ng pagpapahalaga.

Dumaan ang ilang bakasyon at ang ilog na nagsilbi naming kalaro, ang ilog na nagsilbi naming sumbungan kapag nasasaktan at ang  ilog kung saan minsan pa namin ibinulong ang aming mga pangarap ay unti-unti ng humupa sa pag-alon. Hanggang ang buong buhay nito ay lumubog kasama ng kanyang ganda at yaman sa ala-ala.

Sa ngayon lagi ko naaalala ang nakaraan kapag nararamdaman ko ang katahimikan. Bakit kaya hindi ko makalimutan ang mga sandali na lagi kong ginagawa sa tuwing namamasyal sa tabing ilog noon? Ang ala-ala sa ilog kung saan ibinigay sa akin ang kahulugan na laging masaya ang bukas ay hinding-hindi ko makakalimutan.

"Ang sarap mag bigay halaga sa mga lugar na doon tayo una natutong mangarap. Dahil alam natin na panahon lamang ang lumilipas ngunit ang totoong kahalagahan ng nakaraan ay hinding hindi mawawala sa bawat isa sa atin."

Biyernes, Pebrero 10, 2012

"Tama Na Yung Ganito"

Maalikabok ang kalsada, aaminin ko sa ganitong lugar ako natutong mag-isa kung saan inilayo ako sa aking tunay na kapamilya. Dito ko naranasan kumain  sa hapag kainan ng walang kasama, dito ko rin napagmasdan ang buong maghapon habang nakaupo lang sa hagdanan ng bahay at dito ko rin minahal ang ulan habang mag-isang naliligo at niyayakap ang mga patak na animo'y ako lang ang tao sa mundo.

Sa lugar kung saan nakilala ko ang totoong kalungkutan. Dito ay palagi ko naitatanong kung bakit nila ako tinuruan maging mag-isa? Ang mga lungkot ay ginawa akong alila sa loob ng ilang taon. Halos maawa ako sa aking sarili dahil ang buhay na alam kong malaya ay naging panakip sa isang tahanan na walang pagpapahalaga sa nararamdaman ng iba.

Uso dito ang galit-galitan at uso rin dito ang simba-simbahan. Wala akong hiniling noon sa Diyos kundi pasayahin  niya lahat ng tao sa lugar kung saan ako ikinulong. Kung saan ang pagiging tao ay hindi tulad sa  nakagawian ko.

"May mga taong naiinis sa akin,  dahil sa tuwing sumasagot ako sa kanilang mga tanong ay palaging totoo."

Hindi ko maintindihan kung bakit bawal ang matulog kung pwede naman humiga nalang muna ako dahil pagod na pagod  sa mga utos ng mga hari at reyna. Wala akong kasalanan sa kaharian ng kinikilala nilang Diyos , bakit kailangan ako ang parusahan sa mga bagay na hindi nila lubos naiintindihan, ang pang-uunawa.

Nangyari na ang lahat, wala ng mababago sa nakaraan. Hindi ako marunong magtanim ng sama ng loob dahil para sa akin sasama lang ang loob ko kung pati sila ay iintindihin ko pa.Tama na yung ganito, iba na ang mundo na tinatahak ko kasama ng aking mga totoong kapatid at kapamilya. Matagal na nilang tinangal ang parte ko sa buhay nila kaya wala na ako dapat ibigay na parte ko na para sa kanila. Nagpapasalamat parin ako dahil tinuruan din nila ako kung paano maging matatag at binigyan ng pagkakataon na mahagkan ang aking totoong pamilya.