"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Martes, Setyembre 7, 2010

"Tabo, Pitsel, at Batsa"

     Sa panahon ng tag-ulan hindi naman ganoon ka delikado sa lugar namin pagdating ng mga pagbaha. May mga mangilan-ngilan lang na eskenita ang lumulubog sa tubig.  Na aalala ko pa noong panahon kung saan ang mga eskenita ay mga daanang kahoy pa lamang. Ang mga bahay ay nakatung-tong sa kahoy na paa. Maduming tubig at basura ang maaaninag mo sa ilalim ng mga kabahayan at pag-inabot ka ng kamalasan at nalaglag ang mga barya mo wag mo na itong tangkaing kunin dahil mas mahal pa ang pampagamot kesa sa mga baryang nalaglag mo. 

     Ang malalakas na bagyo noon ay hindi namin kinakatakutan. Sa tulad naming mga bata ang ulan ay paraisong dumadalaw mula sa kalangitan. Makikita mo kaming naglalaro sa kalsada kung saan ang  imahinasyon sa aming pikit mata ay iniisip ang malamig na waterfalls na dumadaloy sa alulod ng mga bubongan. Ang mga ulan sa yero ay nagsisilbing shower  sa gilid ng bahay. Sa bawat takbo at tampisaw sa ulan at laruang bola, ang aming pakiramdam ay walang katapusang saya sa ilalim ng ulan. aabutin kami ng mga kalahating oras sa paglalaro sa ulan at ang mga magulang ay sumisigaw na ng

" Uwi na! baka magkasakit kayo!"

Pag-uwi sa bahay nakapila sa banyo ang mga babae at ang mga lalaki naman ay sa kusina nalang naliligo. hindi naman problema ang magtampisaw sa kusina namin dahil  meron kaming lugar kung saan pwede maligo kung saan may maliit na kanal sa ilalim ng lababo.

     Matapos maligo maaamoy mo ang Mainit na sopas ni mama na madaming karne ng manok at carrots! Habang lumalakas ang ulan kasabay ng paglubog ng araw kami naman ay abala sa pagkuha ng sopas. Masasabi ko na marunong naman magluto ang mama ko kahit na may mga ibang version siya ng sopas tulad ng "sopas na may sago"  at "leche plan na parang tortang itlog lang". Dahil maagang nakaligo at maagang hapunan derecho na lahat sa kuwarto. Walang nanonood ng TV dahil baka tamaan daw kami ng kidlat.


     Sa lalim ng gabi nagigising ako sa tunog ng kulog at liwanag ng kidlat. Ang huni ng hangin ay sumisipol sa lakas ng hagibis ng bagyo. Hindi ako nakakatulog dahil nag-aalala ako sa bubongan ng bahay namin. Napapabangon ako at tumutungo sa sala. Ang mga tulo ng ulan mula sa butas ng aming bubongan  ay nilalagyan ko ng tabo, batsa, pitsel at kung anu-anong container. Lingid sa kaalaman ni mama alam kong gising sya at tinitignan niya ako mula sa maliit na bintana sa kwarto na tanaw ang sala habang naglalagay ako ng mga pangsalo sa mga tulo ng ulan.

Sinubukan kong buksan ang pinto para dungawin ang labas. Tanawin ang kalsada na baka bumabaha na pala. Sa pagsilip ko sa labas sumalubong agad sa akin ang malakas na hangin at anggi ng ulan. Mula sa bagyong nag ngingit-ngit na parang naiinis kung bkit sya pinangalanang babae eh kasing lakas nya ang tulad ng isang lalaki.  Binabato ang tanong na " hindi nyo ba ako nararamdaman?". Habang palinga-linga sa labas ng pinto napansin kong hindi naman bumabaha sa  kalsada. Malakas lang talaga ang hangin at kakaunti lang ang patak ng ulan.


     Bumalik na ako sa aking pagkakahiga at hindi parin ako makatulog, marahil ako lang kasi ang lalaki sa bahay namin nung mga oras na iyon. Ang kapatid kong panganay na lalaki ay nasa ibang bansa at ang aking kapatid na bunsong lalaki naman ay nasa tahanan ng aking lola at samantala ako eh nasa amning tahanan kasama ang aking tatlong kapatid na babae at si mama. Apat na babae ang kailangan kong proteksyonan dahil malamang ako ang hahabol ng bubong namin kapag tinangay ito ng bagyo. Tumigil ng bahagya ang hanggin at umihip ng mapayapa at kasabay nito ang pag-agaw ng antok sa aking ulirat. Babalik sa pagkakahiga at unti-unting nakakatulog at agawin na ng panaginip.

     Sa ngayon nakabukod na ako sa aking mga magulang at kapag may dumarating na bagyo nagigising parin ako sa madaling araw  at paminsan minsan ay napapabangon ako sa aking pagkakahiga.

Napapaisip " kamusta na kaya sila?"

Uupo ng mga ilang minuto at hihiga ulit sa aking kama. Ipipikit ang mga mata, unti-unti ako bumabalik sa totoong mundo na kung saan wala na palang butas na kailangan kong lagyan ng tabo, pitsel, at batsa upang saluhin ang mga tubig mula sa tulo ng aming bubungan. Wala narin dito ang aking mga kapatid na babae dahil lahat sila ay may mga sariling buhay na at tinataguyod ang kanya-kanyang buhay at pangarap. Wala narin dito si mama na nag-aalaga sa amin dahil nasa ibang bansa  na sya kasama ni papa.

     Maaga pa ako bukas dahil may trabaho pa at kailangan ng magpahinga. Isang bagong araw nanaman ang aking lalapatan ng kwento ng buhay kung saan baon-baon ko ang mga ala-ala ng kahapon na minsan pa naming nginitiang magkakapatid at binigyan ng pagpapahalaga.

Tulog na......

Linggo, Setyembre 5, 2010

"Sabado"

Tom Sawyer  ang cartoon namin sa umaga, habang abala ang lahat sa paglilinis ng bahay. Maririnig mo ang mga telebisyon sa labas na iisa lamang ang pinapanood dahil siguro madami talaga ang bata sa lugar namin. Halos lahat ng tahanan ay may batang nanonood ng TV. Hindi kami subdivision na may malalawak na kalsada at may guard house sa labas, isa kaming komunidad na payak lamang ang mga buhay. Masaya na sa Kape at pandesal, busog na sa noodles at tinapay at sanay na sa piritong isda sa gabi.  dikit-dikit ang mga tahanan at hindi lahat may kuntador ng kuryente ..

Noong kabataan ko mabibilang mo ang mga bata sa kalsada at saulado pa ng mga matatanda kung sinong anak ni ganito at kung sinong pamangkin ni ganyan. Dahil narin siguro sa lumalaking populasyon masasabi ko ang lugar na kinagisnan ko ay isang magandang halimbawa ng salitang " pabrika ng bata". Mag-uumpisa ang kuwento sa palakasan ng Radyo sa umaga, habang nagwawalis ang aking kapatid na babae at nakatutok  sa paboriting istasyon. Panahon ng Spice Girls at Mandy Moore, yan ang pambato nyang musika sa kalabang kapitbahay na ang mga tugtugin ay album ni  Yoyoy Villame. Sa lakas ng sounds namin sinong mag-aakala sa bahay na puro kabataan na walang kahilig hilig sa sound system eh may dalawang malahiganteng Sound Speaker! Bago kasi umalis si papa noon patungong Saudi, nahiligan niya ang Application ng surround sound. Kung iisipin ko parang matanda pa ata sa bunso kong kapatid ang mga speaker na yun at parang hindi ako sanay tignan ang sala na wala yun, dahil mula ata grade 1 hangang 4th yr college ako ay nababanga-banga na ng katawan ko ang mga speaker na ito.

Bandang 10am,  mapapansin mo na si mama naglalaba habang nagluluto, yan ang mama ko! masipag! Mapapansin mo rin ang kapatid kong bunso naglilinis ng kwarto sa taas, yan ang kapatid kong bunso! maaasahan!, mapapansin mo din ang kapatid kong lalaking bunso nag aayus ng sasakyan nya sa bahay ni lola at puno ng grassa ang kamay, pupunta ng bahay para lang mang-asar ng mga kapatid na babae, yan ang kapatid ko! maabilidad at makulit! Kung titingin ka naman sa sala makikita mo ako nanonood ng TV ,(sabi ko naman tawagin lang ako kung may bubuhatin ), at sa kuwarto makikita mo ang kapatid ko na babaeng  panganay na naka higa at kapatid kong babae na pangalawa sa panganay na nagkukulay ng kuko sa paa at nagpapahid ng kung ano anong astringent sa mukha.Wala ang aming panganay ng mga panahon na iyon dahil nagtrabaho sya sa abroad.

Yan kami noon, panahon kung saan ang mga gawain na nakasanayan namin ay naging sistema na ng aming buong katawan. Hindi kami napapagod, hindi kami nagsasawa, nasanay na kami kung baga. Masasabi ko na mahusay na magulang ang aking ama at ina. Pinalaki nila kami na maayos, walang nalululon sa masamang bisyo, walang nalulong sa alak, walang nagloko sa pag -aaral at naging mabuting ihemplo sila sa lahat ng bagay.

Ang panahon na iyon ay laman parin hanggang ngayon sa aking mga ala-ala, kahit hindi na kami magkakasama at nasa ibang bansa na silang lahat kasama nila mama at papa. Minsan pa nga ay napapanaginipan ko ang mga araw na nakaupo ako sa aming sala at nanonood ng TV at biglang magigisng nalang ako sa aking kuwarto na yakap ang aking mga unan. Mapapangiti dahil ang nakaraan na kasama ko sila ay isa sa pinakamagandang  panaginip sa buhay ko ngayon.



Biyernes, Setyembre 3, 2010

Sa Aking Muling Paghimbing

sa daan na ako inabutan ng mga gunita
nang dapat ay laging masaya at kasama kita
ang uhaw sa pagmamahal nang aking pagsinta
ay aking pasan-pasan sa bawat salita

kasalan lang siguro ang magmahal ng totoo
kung saan ako lang ang nasasaktan ng ganito
ang bawat luha ng aking mata ay simbulo
nang tapat na pag-ibig at pagsintang bato

minsan ko pa naitanong minahal mo ba ako?
kung saan ang puso'y na ngungulila ng ganito
para lang anino ang mga kahapon na narito
inulit lang ang panahon ng sakit at pagkalito

iiyak pa ba ako kung nasaktan nang muli
halintulad ng ulan at bagyong nakakubli
sa paghihinagpis ng pusong nagkamali
at paghahanap ng sagot sa akin ay nakatabi


kung saan pa ako paparoon at magtatago
sa lungkot na maibibigay ng bagyong patungo
alam kong minahal kita at hindi mababago
ang inukit ng langit sa pag-ibig ko sayo

habang binabaybay ang aking munting landas
sa pagkakalugmok sa isa pang daigdig ay wagas
ang pagkaka-akalang di na mababali at patas
ang panahon sa akin muling nagkulang hanggang wakas

kung sakaling marinig ng langit ang mga hiling
sa aking mga pangarap na minsan pang naglambing
sa kapalaran ay bigyan sana ng isang kapiling
at maghihintay na lamang sa aking muling paghimbing…..

Sa Aking Bawat Hininga


Oct 24, 2003














Sa pagkaka-unawa ko sa lahat ng bagay sa mundo
Kukulangin pa ba ang mga nais at pangarap ko
Kung ang ibinigay ng langit ay isang katulad mo
Na magiging katuwang at magiging sandalan ko

Sa kung saan at kung ano mang kadahilanan
Ang landas ng buhay ay nagiging isa nalang
Ang bawat hakbang ko sa gilid ng dalampasigan
Ay iyong yakap sa aking mga bisig ay hagkan

Masaya at nagpapasalamat sa iyong pagdating
Ang kapalaran ko’y  iniba sa isang saglit na dalangin
Paglalakbay mo sa panahon sa puso ko’y nakarating
Sa di ko inaasahan at napipintong damdamin

Malawak pa ang bukas at ngayon ay nag simula
Ang aking damdamin ay muli nanaman naka dama
Nang ligaya sa pag-ibig na sayo ko kinukuha
Sa lubos kong pasasalamat ikaw sa akin ay mahalaga

Salamat mahal ko sayong puso na busilak
Sa ating pagmamahalan na di minsan binalak
Ngunit ngayon ay masagana parang  ginto at pilak
O higit pa sa bulaklak sa taglay nitong halimuyak

Ang buhay ng tao minsan may hadlang at mahina
Ngunit sa aking pag bangon ikaw ang nagkalinga
Ibibigay ko ang buhay hangang sa huling pahina
Sumpang  di magbabago sa aking bawat hininga

Minsan Pang Maisip Ka

















Ang aking mundo noon ay magulo
Nagsisisi at hindi ko talaga mabuo
Bawat landas ko’y ligaw at Malabo
Kung saan ako’y naghahanap ng isang katulad mo

Nang dumating ka sa buhay ko
Doon ko nakita at aking natanto
Na ikaw na nga ang pag-ibig ko
Kaya iniwan ang lahat para sayo

Ang buong buhay ko ngayon ay nagbago
Ang ngiti na di ko maitatago
Ang saya ng araw na mula sa puso
Ang pag-ibig na totoo at buong buo

Kaya ganun nalang ang pagpapasalamat ko
Sa Diyos na akin pang minahal para sayo
Ang bawat dalangin ay patnubayan ka’t hwag magbago
Dahil madudurog ang puso pagnilisan mo

Di ba? Parang kailan lang sa awit ng hangin
Nang ibigay ang pag-ibig na dapat sa atin
Pinagbigyan ang oras para sa atin
Na magmamahalan hanggang may nalalabing panalangin

Minahal talaga kita ng tunay at lubos
Na parang mababaliw ako at mauubos
Sa buhay ko’y ikaw ang dugong umaagos
Na sumpang kakayanin kahit na maubos

Kaya ganun nalang ako sayo ay nagmahal
Ikaw kasi ang nagbigay ng aking dangal
Na maging buong tao at iyong pinagdasal
Ang aking kalusugan at pagibig na banal

salamat sayo at dumating ka
sa lahat ng oras ko’y nakasama kita
wala akong pinagsisisihan sa mga gunita
iingatan ang ala-ala minsan pang maisip ka

Kayamanan din pala





Masaya naman ako kapag kasama ko sila
Kaya nga hindi ko kaya pag ako lang mag-isa
Samahan na di maiiwanan sa mundo ko nagmula
Tawanan ng barkada minsan ako ang may gawa

Mahirap bang intindihin kung gusto ko ng karamay
Mahirap mangyari kung hindi marating ang tagumpay
Ugoy ng panahon sa akin ay walang malay
Pinilit kong magising na hindi ganito ang buhay

Napunta ako sa dapat kong paglagyan
Nang ako ay mawalan ng susi sa kayamanan
biglang na intindihan na hindi nga ako mayaman
iisa lang ang kulay kung ako’y walang kaibigan

hatid ng mga ambon sa isip ko’y nagtatanong
sila  ba ang kayamanan na dapat kong maging gulong
dumarating ang ulan at para bang may binubulong
kailangan ko ng pag-ibig na sa akin ay papayong

matagal tagal na rin ng ako ay huling umibig
may agiw na ang puso at wala naring tinig
kaya nagulat ako nang  biglang pumintig
kay sarap ng init ng mawala ang lamig

akala ko ay kalokohan lamang ang pag-ibig na ganito
basura lang ang lahat at hindi dapat mabuo
puso at damdamin nagtataka at biglang nagulo
dapat bang ibigin at maging tapat lamang sayo

pinatunayan ng panahon lahat ng mga akala
nang ako ay  magising nasa akin ka na pala
totoo lahat ito at ako nga ang may dala
nang puso mo sa puso ko na sa akin pinagpala

ngayon ay alam ko na kung bakit  minahal kita
hinahanap-hanap lagi ang iyong mga tawa at saya
ang isang tulad mo’y pagmamahal sa akin ang dala
at ang ibigin ka’y “kayamanan din pala”

Doon Din Tayo Magkikita


October 21, 2003














 Saan ba ngayon at paroroon pa ba ako
Kung ang dadaanan ay malabo at magulo
Iisa lang siguro ang landas na ganito
Walang kasing sikip at parusa sa anino

Dinanas lamang ang hirap sa bawat kapalaran
sa daloy ng tinig bawat huni ay  karangalan
ako ay nasaktan ng mga pangakong dinampian
sa aking pagyakap at kakaibang pakiramdam

sa aking paglalakbay sa mundong mapaghamon
iisa lang ang lugar na lagi kong tinutugon
ang landas na kasabay na doon din paroroon
yayakapin at isisilong sa kabila ng ambon

sa aking pagsunod sa tinig ng isang bulong
nilandas ko ang kawalan at bahala na kung magkagayon
kung saan di ko inisip kung sino o anong tulong
sa dilim ng kahapon at sa landas ko ngayon

bigla nalang napagmasdan ang liwanag ng bukas
sa himpapawid naka sanaysay ang buong walang wakas
 sumpang pagmamahalan di bibitawan hangang wagas
ang  pag-iibigang sa atin binigyan tayo ng lakas

kaya pala nung una pa, parang minahal na kita
kahit ilang panahon na di tayo pinagkikita
pusong nagmamahalan inihatid sa bawat pagsinta
sa atin noon paman doon din tayo magkikita

Miyerkules, Setyembre 1, 2010

"Paano Nga Ba Ang Pasko?"



     Gigising ako sa umaga handa na ang pagkain, ngunit paminsan-minsan naman nagigising ako sa usok ng piritong galunggong, ang amoy ng isda ay naglalakbay patungo sa aking higaan at ang ingay ng mga yabag sa kwarto ay unti-unting nakakairita upang ako'y mapilitang bumangon sa kama at lumabas  nalang ng kwarto. Ang kapatid kong babae ay nagsusuklay sa harap ng salamin, may nag co-computer, may nanonood ng TV sa sala at meron namang nakabihis na at papasok na sa eskwela. Anim na magkakapatid at ang aking mama sa isang bubong ng masayang kwento ng buhay. Ganito magsimula ang aming umaga lahat abala sa mga gawaing personal at gawaing bahay.

    Isa lang ang CR namin kaya paunahan magising upang mauna ka sa banyo, at madalas ako ang nahuhuli dahil narin sa kamantikaan kong matulog. Tatlong lalaki at tatlong babae, yan ang aming numero. nakakatuwang isipin kahit mga highschool na ay nagagawa pang mag-away at umiyak sabay subong kay mama. Ang kulitan at tawanan ay hanggang gabi kaya tuloy si mama ay pinapagalitan kami pag may naririnig pa siyang tawanan sa madaling araw.

     Pag umuulan ng malakas parang ang saya-saya namin , nasa loob lang kami lahat ng kwarto , nagtatawanan at kung anu-anong kwentuhan habang malamig at nakakuyukot sa kanya-kanyang higaan, may nakayakap sa unan, may katabi ni miming, may nakaupo malapit sa arinola, may nasa kanyang kabinet at punong-puno ng abubot at memorabilya. Hanggang ngayon ay tanda ko pa ang  pakiramdam ng malamig na ihip ng hanggin sa bintana, ang tunog ng ulan , ang mga patak sa bubungan. Makakatulog sa huli at gigisingin nanaman ng usok ng piritong galunggong.


    Minsan pag naaalala ko ngayon ang tanong na " Galunggong nanaman?" eh naiinis ako sa sarili ko, nagsisisi ako bakit ko ba naitanong ang tanong na iyon, ngayon ko nalang kasi naunawaan ang kahalagahan ng pagbibigay ng oras sa paghahanda ng pagkain, parang batid ko, na masakit pala kapag nagbigay ka ng importansya at hindi binigyan ng pagpapahalaga ng taong mahal mo. 

     Sa tanghali wala kami sa bahay , gabi na kami lahat umuuwi mula sa eskwelahan. At pagsapit ng gabi ay may mga kanya-kanya nanamang baong  kwento ng buhay ang bawat isa. Pagkatapos kumain kanya-kanyang ligo , bihis pantulog at pwesto na sa mga kanya-kanyang higaan. Maliit lang ang bahay namin, ang kwarto ng mga lalaki ay sa baba at ang mga babae kasama si mama ay nasa itaas.

     Ganoon lang ka simple ang buhay namin noon, paulit-ulit lang hanggang makatapos ang bawat isa sa amin sa napiling kurso. Kahit wala si erpat at nasa ibang bansa eh nagsipag naman lahat sa pag-aaral. May mga sablay din pero na remedyohan naman. Sa ngayon pag naiisip ko ang mga panahon na nasa isang bubong palang kami at musmos palang ang mga kaisipan sa mundo ng paghahanapbuhay ay nakakamis talaga. Kung maaari ko lang ulitin ang bawat araw na kasama ko sila, ang mga araw na sana kami-kami ulit, ang mga panahon na wala kaming pinanghuhugutan ng lakas kundi ang bawat isa at ang kakampi namin ay ang aming pamilya.

     Nagdaan ang panahon, kasabay ng aming paglaki ay ang paglawak din ng aming mga responsibilidad, ang paghahanap ng ibang masasandalan at mga tahanang tatawagin din naming sa amin. Ang mga araw na ramdam na namin na isa-isa na kaming nagsasarili  at paminsan-minsan ay nagkikita-kita parin kahit papaano. Malayo na ang kahapon, hindi ko na kayang balikan muli ang mga ala-ala na gustong-gusto kong kunin sa nakaraan. may mga bagong tao na at may mga bagong bida na sa buhay namin. hindi na kami ang mga dating mga bata na ang kalaro, kaaway, kakulitan, kainisan, sumbungan at ang kasama ay kami at kami lang.

     Pasko.....  Simbang gabi , gigising sa madaling araw upang sabay sabay kami magsimba, nakakalungkot isipin sa mga huling taon ng aming paskong magkakasama ay ramdam na namin na unti-unting nawawala ang bawat isa dahil nagkaroon na ng mga sariling pamilya ang iba. Ang dating kumpletong pasko ay unti-unting nagiging kulang  at sa ngayon ay halos hiwa-hiwalay na kung saan ang pasko ay di na tulad ng dati.

     Mis ko na sila, mis ko na ang mga tawanan nila, yung mga kulitan, yung mga halakhakan. Aaminin ko malungkot ako pag wala sila, kaya nga pag naiisip ko paano ko ipagdiriwang ang okasyon na nasanay ako na nandyan sila, Paano ko ipagdiriwang ang pasko na may lungkot at pagkasabik sa minamahal, kaya nga minsan napapatingin nalang ako sa bintana sa lalim ng gabi, may konting ngiti dahil alam ko masaya sila kung saan man sila ngayon, binubuo ang pangarap na tinatahak nila. Hindi ako matanong na tao, pangkaraniwan na sa akin ang mag-isip ng paraan pag hindi ko maintindihan, ngunit sa mga ganitong bagay kung saan ang tanong ko ay paulit-ulit sa loob ng halos  pitong taon na paano nga ba? 
Paano ba maging masaya? 
Paano nga ba ang buhay na wala sila? 
Paano nga ba?
Paano nga ba ang pasko?