Doon ko lang naramdaman sa unang pagkakataon na hindi ako nagkamali. Ang pagdating mo sa buhay ko ay hindi ko pinili, hindi ko na plano at hindi ko inaasahan na magiging ikaw at ako. Ang natatandaan ko lang ay humihingi ako ng sagot sa itaas, Mga tanong na bakit sa akin? at bakit ako? Wala akong naiintindihan sa nangyayari hanggang sa ibinigay ka nya sa akin. Doon ko nalang naunawaan ang lahat, ang mundo na gusto nya para sa akin at ang mundo na gusto nya para sa atin.
Natatandaan ko pa ang mga unang gabi na kayakap kita, nakangiti tayo habang lumuluha, para tayong buang, para tayong timang. Kapag tinatanong naman kita kung bakit ka masaya ay bigla mo akong yayakapin at magpapasalamat. Ngunit sa loob-loob ko ay ako ang lubos na nagpapasalamat sa iyong pagmamahal. Ang saya na hindi ko makalimutan, ang pangako na hindi tayo magbabago. Pagmamahal na lagi kong natatandaan tuwing sumasapit ang gabi. Ang nag-iisang tala at naging ningning sa buhay ko ay ikaw. Ang paghawak mo sa akin ay parang liwanag ng mga nagbubungang alitaptap sa dilim. Lumiliwanag ang paligid habang kasama kita, habang nakatingin ka sa akin at habang nakatingin din ako sa iyo. Pagmamahal tulad ng isang pangako, hindi bibitiw hanggang ako ang mahal mo, mahal ko.....
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento