"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Biyernes, Pebrero 28, 2014

"Eskinita"

Ang aga-aga patuloy parin ang ulan. Paulit-ulit ko tinitignan ang aking mga gamit sa bag at sa bulsa. Baka kasi maiwanan ko nanaman ang aking School ID.  Baha nanaman sa kanto at ang trapik ay sobrang haba nanaman. Makikipag gitgitan sa LRT at bus, at kung minsan ay makakalimutan pa ni manong driver ang sukli mo sa jeep. Susubukan mong bumuwelo at isisigaw ang " Manong! ang sukli ko!"

Yan ang mga eksenang bumubungad sa akin noong nag-aaral pa ako. Hindi naman ito halos nagbago mula nung highschool hanggang sa pagtungtong ko sa kolehiyo. Ang pag-aaral namin noon ay sabay sabay namin tinahak. Mga pagsalok sa bawat karunungan  na sa amin ay ibinigay at nagbunga.

Ako kasama ng aking mga kapatid ay lumaki sa lugar na ito. Eskinita na puno ng ala-ala at aral sa buhay. Dito kami umuuwi pagkagaling sa eskwela. Iba't iba karanasan sa labas ng bahay. Tungo sa mga lugar at kaibigan ng bawat isa. May naging aktibo sa simbahan, may naging basketball player sa plaza, may naging dancer sa telebisyon, may naging tapat na kaibigan sa isang samahan at may naging pinuno ng isang organisasyon. Ngunit kahit gaano man ka ikli ng aming maghapon at magdamag dito parin ang aming inuuwian. Ang eskinita na kung saan ay naging kanlungan ng aming kaisipan at pangarap.

Ibinibigay namin noon ang mga bagay na kung ano ang alam naming tama  at kung saan ang yaman ng pakikipagkaibigan at pakikisalamuha sa ibang tao ay patuloy namin inaangat dahil ito lang ang meron kami noon. Maging tapat na kaibigan, maging kaibigan na masasandalan at kaibigan na nakikinig ng patas.

Nabuo lahat dito, mula sa pinaka madali hanggang sa pinaka mahirap na pagsubok ay aming sinabayan. Hindi kami sumuko at walang naiwanan. Dito namin natutunan  at  naunawaan na kailangan magsumikap at kailangan namin magtapos sa pag-aaral.

Lumipas ang madaming taon kung saan ang litrato ng eskinita sa isip ko ay hindi na katulad ng dati. Hindi na ito ganito ngayon. Wala na ang tanke ng tubig at wala na ang mga halaman. Wala narin ang  mga bintana at pinto ng bahay. Wala na ang mga dingding na pakiramdam namin noon ay naging sandalan ng aming mga agam-agam. Ang bubong na nagsilbing pagsilong ng aming mga buhay at karansan sa mahabang panahon ay wala narin. Natabunan na ang lumang sahig na minsan pang nakiramdam sa aming mga yabag. Naging malamig na ang paligid dahil hindi na ito ang dating eskinita. Ngunit ang init ng ala-ala ng lugar na ito ay kailanman ay hindi mababago sa aming pagkatao at ala-ala.

" Saan ka man pumunta , kahit sa kaduluduluhan pa,  hindi mo malilimutan ang lugar kung saan ka una natuto maglakad at nagsimula."