"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Martes, Hulyo 10, 2012

"Paaralan Ng Mga Makukulit Na Bata"

Umuusad nanaman ang aking pananaw sa mga kailangang kong isipin sa mga gagawin ko bukas. Ang hindi ko lang maintindihan eh bakit kailangan ko pang mangamba sa mga bagay na hindi na saklaw ng aking interes. Pangako lang ang hindi ko pinapansin sa mga salita, mga katagang hindi dapat binibitawan ng mga taong walang magawa. Paulit-ulit ang maririnig sa mga sigaw nila, makukulit na mga bulong "Hoy! tawag ka ni mam!" hala! nasa loob pala ako ng klase ....

Noong grade 3 ako madalas ako nananaginip ng gising at dahil dito halos hindi ko na maiintindihan ang aming pinag-aaralan. Nakakatawang isipin dahil ang demerit ng aking mga classcard noon ay laging "magfocus sa klase at magaral ng mabuti". Nag-aaral naman ako ng mabuti kaya nga mula grade 1 hanggang grade 6 eh nasa section 1 ako. Nagkakataon lang talaga na hindi kaaya-aya ang boses ng aking mga guro noong mga panahon ng aking elementarya. Animo'y parang lola basyang na nagkukuwento lang at naghahanap ng makakausap. Nakakaantok ang boses at mapungay ang mga mata dahil sa maghapong pagtuturo. Naiintindihan ko naman ang aking mga guro ang hindi ko lang maintindihan talaga eh bakit parang may malagayuma ang mga boses nila na humahantong sa aking pagkainip at pagiisip ng malalim hanggang ako'y managinip ng gising.

Masaya ang ala-ala ng aking  elementarya. Dito ko nakilala ang  mga taong itinuturing ko naring parang mga kapatid. Hindi ko man sila madalas nakikita sa ngayon bagkus ramdam ko na may mga parte sa pagkatao ko na sila ang may gawa. Kung paano ba ang maging bata at magaaral ng mabuti ay isa sa mga hindi ko makakalimutang karanasan.  Isang bubong na kung tawagin ko ay  mababang paaralan ng mga makukulit na bata. Isang pagtatapos na hindi ko manlang naisip na magpasalamat sa  mga naiwanang  guro. Isang paglisan na ni minsan ay hindi ko manlang naibigkas ang mga katagang -"salamat mga kapatid".

Sopas, lugaw, champurado at ang walang kamatayang miswa. Mga tasa na may lamang maiinit na sabaw sa aming mumunting canteen. Ito ang aming buhay elementarya, sobrang payak at ginto sa ala-ala. Ang balon sa likod ng enteblado ng aming paaralan, dito namin iniigib ang mga ginagamit namin sa paglilinis ng aming mga classroom. Tandang-tanda ko pa kung paano namin lampasuhin ang mga sahig at punasan ang mga dingding na pinaglumaan na ng panahon. Mga dingding na naging saksi sa aming paglaki. Ang mga pagmulat sa mga bagong kakayahan at ang pagkakaroon ng mga kaibigan ay sabay-sabay naming niyakap at pinagpahalagahan. Sa loob ng anim na taon ay may mga nawala rin sa amin. Ang  section na aming minahal at ginawang pangalawang tahanan ay unti-unting hinubog ng panahon sa paaralang punong-puno ng pagmamahalan at dedikasyon sa pag-aaral.

"Kung paano maglaro ang isang bata  ay ganoon din namin naunawaan na ang pag-aaral ay hindi lang pala para sa mga bata kundi para din pala sa mga nangangarap kung paano maging bata ulit."

Salamat....





Huwebes, Hulyo 5, 2012

"Basag Na Pagkatao"

  Sa bawat hakbang ng ating mga paa, sa bawat sulyap ng ating mga mata sa bagong umaga at sa bawat pagpapahalaga na alam nating tama hindi tayo natinag sa paninira ng iba kahit ang ilan dito ay galing sa sarili pa nating kaibigan at kasama.Wala tayong pinipiling panahon kung kailan tayo maglalaan ng panguunawa, wala tayong gustong sayangin na oras basta lang makatulong tayo sa ating kapwa. Hindi  natin natutunan ang maging sakim sa kapangyarihan kaya nga hanggang ngayon bilib parin ang ilan sa ating katatagan at serbisyong totoo. Hindi natin pinili ang maging mapagmataas lalo na sa mga taong alam natin na ngangailangan ng kalinga at tulong na galing mismo sa puso dahil ang pagiging matulungin ay likas na sa atin na ipinanganak na may tatak ng bandilang Pilipino.

    Hindi tayo pare-pareho ng pinaghuhugutan ng lakas, wala tayong hangin na kung tawagin nila ay kayabangan. Mas gugustuhin pa nating madagdagan ang ating kaalaman kaysa magpangap na maraming alam. Ang mga oras na ginugol natin ay hindi ganoon kadali, sakripisyo para sa mga mahal sa buhay at mga kapatid habang ang iba naman ay pilit ikinukumpara ang sarili sa ating kakayanan. Sanay na tayo batuhin ng mga batikos kaya nga tayo lumalakas pag nandyan ang mga taong walang magawa kundi pumuna imbes na gumawa at kumilos na naaayon sa kanyang uniporme.

    Sa mga paraan na naiiba tayo sa karamihan  hindi natin ginamit ito upang makapanglamang sa kapwa. Sino ba ang lumalamang? sino ba ang nagmamataas? hindi natin masasagot yan, kung baga sa bato kung sinong tamaan ay siyang masasaktan at kung saan ang masakit ay pilit itinatago at nagkukunwaring hindi tinatamaan. Bato ng isang masakit na katotohanan, matatalim na mga salitang di kayang maiwasan. Inilalagay ang sarili sa nababasang kataga kaya tuloy ang bato-bato sa langit lahat ay nasasalo at ramdam ang pukol ng isang mabigat na katotohanan.

    Dahil ang bawat talata at kuwento ng isang pagkatao ay unti-unting nilalapat sa pahina ng ating buklod na libro sa pangkalahatang bintana tungkol sa mga pinagdaanan nang iilan sa atin. Ang bawat kuwento ay walang pangtukoy na kung sino at kailan, ngunit ang mga aral ay kabuluhan ng ating pagkakakilanlan. Tayo, ikaw at ako, basag na pagkatao yan ang iniiwasan ng ilan sa atin  ngunit ang ating panimula ay simbulo lamang ng pagpapatunay na

"Hindi lahat ng panahon ay mabubuhay tayo sa  mga kuro-kuro dahil  ang pag-iisip ng mga tama sa mali ay laging idinidikit sa salitang prinsipyo."