Buhay Tramo

"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Miyerkules, Abril 27, 2016

"Silang Nagmamahal"

Iba parin ang naiisip sa kanila. Ang kanilang mga ngiti ay ikaw mismo ang dahilan. Habang ikaw ang kanilang sinisinta ay patuloy ang iyong pag aalinlangan sa kanilang pagsinta. Wala kang kapalit kahit subukan mong tanungin ang kanilang mga tula. Tunay na pagtingin, pagiintindi at pagtatapat. Kahinaan nila ang tinig na nagmumula sayo na parang musika.

Nakikinig ka ba sa mga kwento na sinasabi nila? Naiintindihan mo ba oh iniiwasan mo ang mga tingin sa kanila? Madali naman sana ang lahat kung sasabihin mong ayaw mo na. Madali naman sana kung siya muna bago ang iba. Pagkukunwari sa iyong mga salita habang lahat sa kanila ay totoo. Makasama ka lang sa piling niya ay buo na ang mundo na alam niyang sayo. Hindi na sapat ngunit nakahawak parin , hindi na tapat ngunit naniniwala parin.

Kahulugan ba ang hinahanap sa pagmamahal? Oh may kapalit ang bawat pagbibigay sa minamahal? Silang nagmamahal kilala mo pa ba sila? Oh silang nagmamahal ang gusto mo ng mawala?

Matatangap naman nila kapag sinabi mong tama na. Mauunawaan naman nya kapag inamin mong tama ka. Bigyan mo siya ng limos sa kanyang pagsusumamo. Silang nagmamahal ay nagmamahal ng totoo. Silang nagmamahal ay pagibig na para dapat sayo.

Biyernes, Marso 4, 2016

"Ang Teddy Bear At Ang Puno" -Ikalawang Yugto-

    Maingat parin ang kanyang mga galaw, ang kanyang mga luha ay hindi parin tumatahan. Habang pinagmamasdan nya ang mga nakaukit sa kanyang kinalalagyan. Doon nya naunawaan na ang lamesa na kanyang kinauupuan ay ang puno na matagal na niyang kinasasabikan. Ang pakiramdam na hindi nya maipinta, mga tanong na hindi na nya maidikta. Habang tuloy parin ang agos ng kanyang mga luha ay ganoon din ang paghimas niya sa mga salitang nakaukit para sa kaniya. Mahal din kita ang wari ng teddy bear, habang unti-unti nitong tinatanggap na wala na ang puno na matagal nyang pinagmasdan. Ipinikit ang mga mata habang inilalabas ang sikip ng dibdib, ang bawat luha na hindi nya lubos maisip na magiging tinik.

    Ang kaibigang puno na pilit niyang ibinabalik sa kanyang mga ala-ala. Ang mga luntiang dahon at pagaspas ng mga sanga. Mga huni ng ibon sa kanilang pagkakasilong sa tag-araw. Mga dahon sa mapagmahal na hanggin habang naliligo sa ulan. Mga ngiti ng mga tao habang siya ang kasama. Dito niya sya nakilala, dito niya sya minahal. Mga bagay na hindi nya hiningi ngunit kusang ibinigay ng may pagmamahal. Umupo sya saglit at tumanaw sa bintana, tulala sa kagandahan ng lawa. Mga ilang minuto pa at dahan dahan narin niya natatangap ang lahat. Lumuha ng kaunti ngunit napapangiti ng saglit. Maganda ang lawa at mga talampas , kay ganda pagmasdan ang mga paru-paru na naglalaro sa mga damong humahampas. Dito siya naging masaya, dito sya nakuntento. Wala siyang hiningi na kahit na ano dahil dito. Ngunit sa isang yugto ng kanya buhay, bakit pakiramdam nya na  parang may kulang, kahit alam nya noon na ito rin ang kumempleto sa kanya nang mahabang panahon, ang lawa. 


Teddy Bear
   
   "Hindi ako umawit ng mahabang panahon, wala ako pinangarap kundi pagmasdan lang ang lawa at ang kanyang mga alon. Ang mundo na aking isinabuhay ay akin rin pinagmasdan kaya dito ko nabuo lahat ng aking kailangan. Hindi ako nasanay , hindi ako nawala, ngunit sa iyong pagdating bigla ako sumaya. Dito ko naunawaan, iba pala ang tuwa tuwing naaalala na nasa akin ka na pala."



    Tahimik parin ang paligid, mga ilang oras narin ang lumipas. Pagmamasid sa kung ano nalang ang natira sa kanya. Unti-unti nyang tinanggap na ito nalang din ang dahilan at kailangan narin nyang bitawan. Wala ng mababago ngunit mayroon pang mapagyayaman, wala ng maibabalik ngunit mayroon parin dahilan upang mabuhay. Pasasalamat sa nakaraan, pagpapahalaga sa ala-alang yaman, pagmamahal sa minamahal, pagtangap sa pagkawala at paalam.

    Dumating na muli ang tag-ulan, hindi katulad ng dati sa pagmanasid lang nauubos ang magdamag, ngayon ay nakahiga na lamang siya habang pinagmamasdan ang mga ukit sa kahoy ng kaibigang puno. Kukuha ng libro at magsasanaysay ng mga kwento. Matatawa at tatahimik hanggang mapagod sa maghapon at makakatulog muli. Lamig ng hanggin ng tag-ulan ay kanyang ramdam. Mga bawat pagpatak na nagbibigay ala-ala sa nakaraan. Sa kanyang paghimbing ay may paniniwala na bukas ay bago muli ang bawat umaga. 
   
    Sa gitna ng kanyang pagkakahimbing nagising siya sa ingay ng mga tawanan, nakasindi ang mga ilaw at may mga tao sa loob ng bahay. Hindi kalayuan sa kwarto kung saan sya naka tahan ay biglang bumukas ang pinto at bumungad sa kanya ang mga masasayang bata. Lundagan sila ng lundagan sa kama habang hindi maipinta ang mga ngiti at tawanan. hindi nya rin lubos maisip kung panaginip lang ba ang kanyang nakikita. Matagal tagal narin siyang iniwan ng kanyang kalarong tao mula pa noong pagkabata. Sa pagmamasid habang nakatanaw napansin niya na may pumasok na lalaki. Bigla ito nag wari ng " Mga anak ingatan ninyo ang mga gamit ni papa ha, lalong lalo na yung teddy bear na yun." Tumingin sabay sabay ang mga chikiting sa teddy bear at laking gulat ng teddy bear na naalala parin pala sya ng dating bata na una nyang nakilala. Nagtakbuhan ang mga chikiting at pilit na inaabot ang laruang teddy bear. Tuwang tuwa ang teddy bear, hindi nya lubos akalain na darating ulit sa kanya ang ganitong yugto sa kanyang panahon. Ang pag aakala na lipas na ang kanyang oras sa piling ng mga bata ay hindi papala. Tawanan ng tawanan, halos magdamag na paglalaro at kulitan. Bumalik na muli ang sigla at panahon ng lumang teddy bear. Ito yung dati panahon ng kamusmusan. 
    
    Nagdaan ang mga araw napatingin muli ang teddy bear sa labas ng bintana. Nakangiti at masaya sa mga oras na dumaraan. Ngunit ito ang kanyang nakaraan. Nakaraan na muling nagbalik, sa hindi inaasahan. Muli nya ito nahagkan at ikinagalak.Sa pagtanaw sa kalayuan may isang ngiti siya na hindi niya maiwasan, ngiti na may halong kaunting lungkot at mga hiling at panalangin sa may kapal. Kung nandito lang sana ang kanyang kaibigang puno siguro ay masmasaya ang lahat kesa noon. Napatulala, ngunit hindi na malungkot, pagkasabik na sana ang noon ay maidala nya sa ngayon. Ganoon nya pinangarap ang lahat. Ang mga bagay na nawala sa kanya sa nakaraan at ang mga bagay na bumalik muli sa kanyang piling ay pinangarap nya na sana ay maging isa nalang.. 

    Dumaan ang tagsibol, panahon ng pamumulaklak at pamumukadkad ng mga bulaklak. Na aaninag nya ang putol na katawan ng puno sa damuhan. Laking gulat ng teddy bear sa nakita. Mga tangkay na lumalago sa paligid nito na may mga luntiang dahon na nakakapit sa malilit na sanga. Napangiti at natuwa sa nakita. Ang kaibigan niyang puno ay muling sumisibol sa masaganang lupa ng kapatagan. Ang tuwa ng teddy bear ay di mapantayan ng saya. Pagpapasalamat sa mga panalangin at paghiling sa may kapal ay kanyang inulit. Dahil sa pagdating ng panahon ay muli niyang makikita ang puno na minsan pa niya naging kaibigan at kanlungan. 







"Salamat sa iyo, salamat sa pagmamahal, Wala na ako mahihiling pa sa iyong pagbabalik aking kaibigan."







-Teddy Bear- q'•'p

Lunes, Disyembre 14, 2015

"Naglalamlam Kong Marikit"

Ang dahon, sa hanging maligamgam, sa mapaglumbay na mga pakpak , sa masungit na dagat. Hinahawi ng pagmamasid ang bawat damong nangungusap, habang inuukit ng bibig ang matatalim na ulap.

Sa mga pagkakataon na ibinigay sa akin ang lahat, hindi naging patas ang daan, tuyong lupa, bulok na isda. Ang pagkakataon na sana ay mapupulang bulaklak ay naging pakiusap ng isang sisiw sa parang.

Paraan ko ang pag-irog sa mumunti mong tanaw, luha ay nasasalok ng aking pakiramdam. Huwag lang sana umikot ang mga tala ng langit kung saan ko isinukli ang kansulsilyo kong awit.

Bigkasin mo lang minsan ang aking kasalanan, tubig sa aking katawan natutuyo’t tumatamlay. Mga sangang nag ngingit-ngit sa ibabaw ng mga baga, tila naghihintay na upos ng pagkalimot at pagkamalay.

Baguhin ko man lahat ang aking pakiwari dumadaang pilit ang mga huni ng hikbi. Sa mga ugat ko titigil ang lahat, ang dating luntian at maaliwalas na balat, ay may sukob ng dapit hapon sa pagmamahal ay salat.

Pilit kong iniintindi na bakit walang anino kahit may gasera, oh dahil kailangan ko narin magpahinga at pumikit. Bumababa na ang aking mga mata at pumupungay na sa naglalamlam kong marikit.

Lunes, Nobyembre 23, 2015

"Gising Ka Na Ba Mahal?"



Habang lumalalim ang gabi doon ko namamalayan,
                     ang tahimik ng lahat tanging yakap ay unan.
Dahil tahimik ang gabi naglalagi sa mga ulap,
                    sa pagpikit ng mga mata tanging ikaw ang kayakap.

Sa layo ng iyong bisig para sa aking paghagkan
                    nagpupumilit abutin, dumadalangin, tumatahan.
Paghahanap sa iyong mga ngiti ibinibigay ko sa aking dasal.
                    Sa panimula ng bawat umaga laging sambit gising ka na ba mahal?

Dahan dahan  kumakatok ang bawat nakatimplang kalungkutan
                    pagsusumamo sa may kapal na ingatan ka at patnubayan
Ang pagkasabik ko sa mga awit na tanging ikaw ang tinig
                   sa aking maghapon dama ko pa rin ang iyong pag-ibig.

Sa pagmulat ng mga mata unti-unti kong nadarama
                   ang lungkot na wala ka, nais na kita makasama
Kaya sa tuwingsisinag ang araw alam ko dininig ang aking dasal
                   gising na mahal ko, gusto na kita makasama
                   gising na mahal ko, gising ka na ba mahal?

                 

Biyernes, Hulyo 24, 2015

"Nagbubungang Alitaptap"

Mahina ako noong una mo ako nakilala, mukha lang akong malakas, mukha lang akong matatag. Malungkot ako noong una mo ako nakasama, mukha lang akong masaya, mukha ko lang ang nakatawa. Habang unti-unti ko tinatangap ang kahinaan at pagbabago ay unti-unti mo rin sa akin ipinaunawa na hawak mo ang aking mga kamay at hindi mo ako iiwanan. Ang mga hindi ko naiintindihan ay iyong inunawa at niyayakap ako sa gabi tuwing ako ay lumuluha. Sa mga panahon na kung saan isinuko ko na ang lahat ng meron ako ay pilit mo parin binubuo ang aking mga basag na pagkatao dahil naging mahina ako sa huli, naging tanga at walang silbi. Ipinakita mo sa akin kung anong meron sa mundo mo, kung paano maging masaya at kung saan tayo nagiging isa. Kung para saan ang buhay at kung para saan ang mabuhay.

Doon ko lang naramdaman sa unang pagkakataon na hindi ako nagkamali. Ang pagdating mo sa buhay ko ay hindi ko pinili, hindi ko na plano at  hindi ko inaasahan na magiging ikaw at ako. Ang natatandaan ko lang ay humihingi ako ng sagot sa itaas, Mga tanong na bakit sa akin? at bakit ako? Wala akong naiintindihan sa nangyayari hanggang sa ibinigay ka nya sa akin. Doon ko nalang naunawaan ang lahat, ang mundo na gusto nya para sa akin at ang mundo na gusto nya para sa atin.

Natatandaan ko pa ang mga unang gabi na kayakap kita, nakangiti tayo habang lumuluha, para tayong buang, para tayong timang. Kapag tinatanong naman kita kung bakit ka masaya ay bigla mo akong yayakapin at magpapasalamat. Ngunit sa loob-loob ko ay ako ang lubos na nagpapasalamat sa iyong pagmamahal. Ang saya na hindi ko makalimutan, ang pangako na hindi tayo magbabago. Pagmamahal na lagi kong natatandaan tuwing sumasapit ang gabi. Ang nag-iisang tala at naging ningning sa buhay ko ay ikaw. Ang paghawak mo sa akin ay parang liwanag ng mga nagbubungang alitaptap sa dilim. Lumiliwanag ang paligid habang kasama kita, habang nakatingin ka sa akin at habang nakatingin din ako sa iyo. Pagmamahal tulad ng isang pangako, hindi bibitiw hanggang ako ang mahal mo, mahal ko.....

Miyerkules, Mayo 20, 2015

"Lagi Kitang Namimiss"

Lagi kitang namimiss

Sa tuwing tumatawid ako ng kalsada ay lagi kong nakikita ang iyong mukha na naghihintay sa akin sa kabila.

Sa bawat pag-gising ko sa umaga ay naririnig ko parin ang iyong mga awit habang  nakayakap ka sa akin.

Sa tuwing nakikinig ka ng aking mga kwento ay nandoon ang iyong atensyon sa akin.

Sa tuwing nagbibiro ako ay hindi ka nauubusan ng ngiti na nagbibigay saya sa akin.

Ang iyong mga titig sa hapag kainan hanggang maubos ko ang mga butil ng kanin.

At sa tuwing naglalakad tayo ng sabay ay hinahabol mo ang aking mga kamay at aakbay sa akin.


Namimis ko na yun .....

Ang iyong paghinto hanggang hindi ako nakakatawid

Ang iyong mga awit kapag ako ay nagigising.

Ang iyong pakikinig sa aking mga kwento at ala-ala

Ang iyong mga biro upang ako ay matawa

Ang iyong mga tingin habang ako ay kumakain

Ang iyong mga akbay habang tayo ay naglalakad


Lagi kitang namimiss

Totoo yun...

Lagi kitang namimiss...

Martes, Pebrero 17, 2015

“Ang Teddy Bear At Ang Puno”


Sa isang lamesa ..

May isang laruan…

Nakatanaw lang siya sa bintana……

Maghapon at magdamag…

Isang teddy bear na pinaglumaan na ng panahon. Ang yugto ng kamusmusan sa kabataan ay wala na…..

Tanaw nya ang magagandang kapatagan ng mga bundok, ang lawa sa di kalayuan at ang mga luntiang damo na naglalaro sa paligid.
Sa tag-ulan tanaw nya ang mga patak  mula sa kaulapan. Kitang kita ang lamig ng panahon sa labas. Hangin na humahampas sa mga anahaw at alon ng tubig sa dalampasigan.
Sa tag-araw napagmamasdan nya ang mga ibon na naglalaro sa kalangitan. Ang mga ulap na nagbibigay hugis ng kanyang mga malilikot na isip. Mga paru-paro na naglalaro sa mga bulaklak at  ang malumanay na tubig sa ibabaw ng lawa.
Sa tag-tuyot  at mahangin na maghapon,  doon nya nakikita ang mga tao na nagsasaya sa kanilang bakasyon. May kalayuan ngunit batid nya ang kasiyahan ng mga ito kung saan ang kalayaan ng kanilang mga sarangola ay malayang naglalaro sa hangin.


Dumaan ulit ang tag-araw, nakatanaw parin sya sa bintana.

Dumaan ulit ang tag-ulan , nakatanaw parin sya sa bintana.

Dumaan ulit ang tagtuyot, nakatanaw parin sya sa bintana.

Paulit-ulit  lang ang mga gunita mula sa kanyang pagkakaupo. ..

Hanggang isang araw ay may nagtanim ng isang halaman sa harap ng bintana. At habang lumilipas ang panahon ay unti-unti nito natatakpan ang mga tanawin na madalas niyang tinitignan. Ang lawa, ang madamong kapatagan at kaulapan ay hindi na nya tanaw.

Nalungkot ang teddy bear sa nangyayari, mabigat sa dibdib nya na hindi na nya matanaw ang mga bagay na nakasanayan na nyang pagmasdan. At ang tanging puno na lamang sa harap ng bintana ang kanyang nakikita.

Lumipas ang ilang taon napansin nya ang mga sanga ng puno ay nagkakaroon ng mga kaibigan. Ang mga ibon ay tumatahan sa mga dahon at bunga nito. Tanaw nya rin ang mga damo sa paligid, lumalago sa pagkakasilong nito. Nagsilbi itong tahanan ng kanyang  bagong pagkakaintindi sa buhay. Isang tahanan kung saan ang mga bulaklak at paru-paro ay malayang nakakapaglaro. Natuwa ang Teddy bear, ang  pagaakala na harang lang ang puno na nakatakip sa kanyang tanawin ay isa palang kanlungan.

Dumating  ang tag-ulan at  tanaw nya ang matitingkad na mga luntiang dahon habang binabasa ng ulan. Ang mga ibon na nakasilong sa mga sanga nito, isang mainit na pugad sa gitna ng bagyo. Mga pagaspas ng puno sa malakas na hangin na tila nagsasabi sa kanya na” kamusta ka kaibigang teddy bear,  mag-ingat ka at may malakas na bagyo.”

Dumating ang tag-araw at tanaw nya ang malilim na silong ng puno. Kung saan malagong  namumulaklak ang mga halaman na  sa paligid ng kanyang mga ugat. Mga kabataan na datirati ay sa kalayuaan nya lang natatanaw at ngayon ay sa ilalim na ng puno na sila naglalaro. Mga Magkasintahan  na umuukit ng mga salita na“Mahal Kita, Hindi kita iiwan” sa katawang kahoy nito. At kung minsan ay isang buong mag-anak ang kanyang napagmamasdan habang masayang nagsasalo-salo sa ilalim ng puno.

Dumating ang tag-tuyot at dito nya  nakita ang mga natutuyong dahon na nalalaglag mula sa kanilang pagkakakapit sa mga sanga. Dito nya naunawaan na lahat ng kagandahan ay may hangganan. Ang mga sanga na wala ng sigla, ang mga pugad na wala ng laman  at ang mga damo at bulaklak na nawala lahat. Ngunit hindi ito dito natatapos, dahil sa pagdating ng tag-ulan ay muling magkakabuhay muli ang lahat.

Ngayon lang sya nasabik sa tag-ulan, na datirati ay tinatanaw lamang nya ito sa kalayuan. Ngayon lang sya nasabik sa tag-araw na datirati ay nikikita nya lamang ito sa kapatagan. Ang mga huni ng mga ibon , ang mga tinig ng kasiyahan, ang kagandahan ng mga bulaklak ay masmalapit na sa kanyang mga tanaw.  Doon nya naunawaan  ang kagandahan ng puno, doon nya napagpahalagahan ang kabutihan nito sa kanya. Humingi sya ng tawad sa kanyang pagkaaburido, dahil noong una ay ayaw nya itong makita oh sulyapan man lamang.
lumipas ang maghapon at dumating na ang malalim na gabi. Napansin ng  teddy bear na  nagiging matagal ang tagtuyot o marahil nasasabik lang sya sa tag-ulan kaya pakiramdam nya ay matagal ang pag-usad ng panahon. Naisipan nyang magpahinga, naisipan ni teddy bear na matulog upang bumilis ang oras. Matagal tagal na rin siyang nakatanaw sa bintana. Sabik na siyang matanaw muli ang puno sa panahon ng tag-ulan at tag-araw. Natulog siya ng mahimbing at nakatulog sya ng matagal.

Lumipas ang tag-tuyot at lumipas narin ang  tag-ulan….
Sa tagal ng kanyang pagkakahimbing ay inabutan na sya ng tag-araw. Muling naging berde muli ang mga damo, sumibol na ulit ang mga bulaklak. Ngunit sa kanyang pagdilat wala na ang puno. Hinahanap nya ang puno. Sinubukan nyang tumayo at lumapit sa bintana at baka nasapaligid lamang ito. Natatanaw na nya muli ang lawa at ang luntiang kapatagan. Ngunit wala na ang puno, ang kanyang kaibigang puno ay wala na..  mga malalagong bulaklak at damo na lamang ang natira sa kinakatayuaan nito.

Napaupo ang teddy bear, nakatulala sa bintana at naluha, mabigat ang kanyang dibdib na tila may nawawala  sa kanyang sarili. Napaupo ang teddy bear at habang unti-unti nya nauunawaan na wala na ang puno ay doon nya nararamdaman ang lungkot. Hindi nya tangap na wala na ang tanawin na kanyang ikinasasabik.  Ang mga tawanan ng kabataan, ang mga huni ng ibon at ang mga pagaspas ng dahon ay wala na. Buong maghapon sya nakatanaw sa kalayuan. Natatanaw na  nya muli ang lawa at kapatagan, ngunit bakit mabigat parin ang kanyang dibdib. Habang tumitila ang kanya luha ay  may napansin siya na isang puno sa di kalayuan. Isang puno na katulad ng kanyang kaibigang puno. Bigla syang natuwa at tumayo, pilit nyang ikinakaway ang kanyang mga kamay upang mapansin siya nito. Kaway sya ng kaway, sigaw sya ng sigaw, pagbabakasakali na marinig sya nito at bumalik muli sa harap ng bintana. Ngunit walang nangyari, napaupo nalang ang teddy bear at pinagmasdan ang puno na minsan ay kanyang ikinasabik at pinagmamasdan. Wala na siyang magawa kundi tanawin muli ang lawa at kapatagan. Tanaw nya rin ang puno sa kalayuan at tuwing naaalala nya ang mga panahon na malapit pa ito sa kanya ay napapangiti na lamang ang teddy bear. Naging masaya sya kasama ang puno at sa huli ay nandoon parin ang mga tanong kung bakit kailangan lumayo ng puno sa kanya. Mabigat parin sa dibdib ng teddy bear sa nangyari. Dumaan ang ilang araw ay hanggang tanaw na lamang  siya at habang tanaw nya sa kalayuan ang kaibigan, nasasambit ang mga katagang  “mis na kita mahal kong puno.”

Lumipas ang tag-araw at dumating ang tag-tuyot, ang lumang tanawin ay kanya ng natatanaw. Ang dating lawa , ang dating kapatagan ng bundok ay kanya ng napagmamasdan. Sa kabila ng pagkasabik sa kaibigan na nawalay ay pilit niyang pinapasaya ang mga araw na dumaraan na hindi na ito kasama.
Tumagal pa ang tagtuyot at habang  unti-unting nawawala ang mga dahon sa paligid , ay hindi nya parin makakalimutan ang kanyang kaibigan. Nalalanta na ang mga bulaklak at natutuyo na muli ang mga damo. Sa gitna ng tagtuyot napansin nya ang isang kahoy sa ilalim ng mga natutuyong damo.  Sa  lugar kung saan sumibol ang kanyang kaibigan ay  isang putol na puno.


Natulala at tumulo ang kanyang mga luha…

Bumigat ang kanyang pakiramdam…

Doon nya naintindihan ang lahat…

Sa di kalayuan ay may narinig syang mga tinig na nagsasabi

“sayang ang puno pinatumba ng malakas na bagyo”

Nalungkot , yumuko at umiyak ang teddy bear….

Sa lamesa sa tabi ng bintana, habang tumutulo ang kanyang  mga luha ay.. napansin nya ang mga nakaukit malapit sa kanyang kinauupuan ..


Ang mga katagang “Mahal kita, Hindi kita iiwan”