Sa silid na ito ay paulit-ulit lamang ang umaga namin noon. Gigising kami sa loob ng kulambo at mapapansin ang mga lamok na kasama naming nakakulong sa loob ng aming tulugan. Ang simoy ng electricfan ay nagsisilbing pangungusap sa umaga. Amoy ng mga abo ng katol sa sulok ng bahay ay nagpaparamdam na.
Nakapikit pa ang aking mga kapatid at dilat na ang aking diwa. Pinagmamasdan ang sinag ng araw na dahan-dahan tumatagos sa aming bintana at kapag tinatamaan na ng init ang aking mga balat ay itatayo ko na ang aking sarili upang tangalin ang kulambo. Mga pako sa sulok-sulok ng bahay ay isa isang pupuntahan at tatangalin ang pagkakagapos ng mga tali dito.
Maririnig ang boses ni mama "Kain na! gising na kayo dyan!". Isa-isang babangon ang aking mga kapatid. May magtutupi ng kumot at banig at magtatapon ng ihi mula sa arinola. Ganito nagsisimula ang aming umaga. Ang bawat panibagong araw noon ay lagi namin pinapasalamatan. Marahil siguro ay ito nalang ang aming kasiyahan sa araw-araw, ang gumising na walang iniisip na malaking problema.
Pagkatapos ng agahan ay derecho na ako sa itaas ng bahay. Pupunasan ng floorwax at bubunotin ang mga kahoy na sahig. Pinapakintab habang kumakanta ng aking paboritong awitin. Ang iba ko namang mga kapatid ay may mga sarili ding gawain gaya ng paghuhugas ng plato at paglilinis sa ibaba ng bahay.
Sa silid namin noon ay laging buo ang mga pangarap. Sa bawat ngiti at sa bawat oras na dumaraan ay ni minsan ay hindi kami napanghinaan ng loob sa lahat ng pagsubok sa buhay. Sabay-sabay namin noon niyayakap ang maghapon at magdamag. Malinaw lagi ang sinag ng araw at puno lagi ng pag-asa ang bawat isa mula sa panibagong bukas hanggang sa pagtulog sa gabi.
Dito kami umiiyak kapag nasasaktan at dito rin kami tumatawa kapag natutuwa. Mga haligi na paulit-ulit naming kinakausap sa tuwing nalulungkot o nalulumbay sa mga taong malayo sa aming piling. Ang silid na kung saan naging sandalan ng aming mga tanong at pag-iisip. Kung saan ang paghihintay ng aming panahon sa magandang bukas ay unti-unti nitong pinapamukha sa amin.
" Hindi namin noon hiniling ang maging marangya, Sapat na sa amin ang kumpleto at masayang pamilya"