Pansamantalang katahimikan...
Unti-unti nito binibigyan ng tinig ang bawat hinaing ng mga bayani. Kung saan ang kalakasan ng bawat isa ay unti-unting tinutunaw ng kahinaan. Pagsusumamo na hindi natin naririnig ngunit maliwanag ang mga pagsigaw ng kanilang mga puso sa pagtingin lamang sa kanilang mga mata. Unos na hindi natin inaasahan kung saan ang buhay ay unti unting hinapo hanggang maging ala-ala. Ramdam natin ang mga pagsusumamo at ramdam din natin ang hinagpis ng bawat isa. Kung saan kahit ang mga hindi nasalanta ay halos durugin ang mga puso sa natatanaw na dilema. Mga yakap na nahiwalay sa mga mahal sa buhay at mga luhang sumasabay sa ulan ng pagsubok.
Nagawa tayong pahigain at patumbahin ngunit sa kabila nito ay nagawa parin natin bumangon muli. Kung saan ang bawat lakas ng isang bigkis ay unti unting kumakapit sa bawat isa. Sama sama nito itinatayo ang ating kalakasan hawak ang paniniwala na habang may buhay ay may pag-asa. Isang bansa ang ating pangalan. Kahit saan mang panig ng mundo ay ating ipapakita ang katatagan ng ating pagiging Pilipino. Pagsubok na iginuhit sa ating kapalaran at ang tangi nating armas ay Panalangin sa Diyos at Dugo ng isang Pinoy. Sa likod ng mga pagluha at kalungkutan ay kaakibat nito ang matatag na pagkatao. Hindi tayo susuko, patuloy tayong lalaban, aahon tayo at patuloy natin babaybayin ang daan ng pag-asa. Mahirap man sa umpisa ngunit dahil narin sa ating mga bukas palad walang imposible sa mga Pilipino. Itatayo natin ang ating mga sarili, yayakapin natin ang bawat isa at ipapamulat natin sa lahat na hindi lang tayo magkakasama kundi nagkakaisa rin tungo sa panibagong bukas sa kabila ng unos.