"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Linggo, Hunyo 30, 2013

"Hindi Lumilipas Ang Ulan"

Tampisaw...

Mga ulan lamang ang nagbibigay sa amin  noon ng magagandang ngiti sa maghapon. Kung saan ang mga kaibigan noong kabataan ay isa-isang iginuguhit ang mga linya ng kahapon tuwing pumapatak na ang mga ambon. Ang mga daluyan ng mga tubig na halintulad pa ng mga bukal sa kalikasan.

Takbo lang kami ng takbo, habang sinisipa ang mga malalamig na salok ng tubig sa kalsada. Hihiga sa mga damuhan at nakatingin sa langit habang malakas ang patak ng ulan. Mga ngiti na di kayang tumbasan ng mga laruan, ang natural na kasayahan kapiling ang tag-ulan.

At ngayon sa aking pagtanda ay nakaupo na lamang sa aking malambot na kama habang nakatingin sa labas ng bintana. Ang mga titig sa kalayuan kung saan unti-unti akong dinadala sa aking nakaraan. Kasama ang mga halaman at mga kaibigan ay hindi ako nagkamali na piliin ko noon na bumuo ng mga pangarap kasama nila.

Malakas ang hangin sa labas dahil sa bagyo at kailangan din ng mga pag-iingat. Ngunit noong aking kabataan ito ang uri ng panahon kung saan ganap naming naiintindihan ang kahalagahan ng pagiging masaya at maging buo muli matapos ang tag-araw.

Hindi lumilipas ang ulan, hindi kailanman mawawala ang pagsalubong nito sa bawat isa sa atin. Hindi ito nakakalimot ng iyong pagkakakilanlan kahit ilang panahon pa ang lumipas. Ang mga ihip ng hangin kasama ang mga ambon nito ay patuloy parin hinuhuni ang iyong pangalan. Ipapaalala ang inyong pinagsamahan noong panahon ng iyong kamusmusan. Mapapangiti ka nalang ng hindi mo mamamalayan, nakatitig ng ilang minuto sa mga kumakaway na dahon sa labas at mapapansin mo nalang na kinakamusta ka na pala ng mga patak ng ulan.