Natatandaan mo pa ba ang dagat? Ang paglalakad natin sa dalampasigan, ang paghahanap natin ng kapayapaan at kasiyahan. Nakakatuwang isipin na ilan taon narin pala ang lumipas mula nung tinitingnan ko ang iyong mga paa sa mga unang pagyabag nito sa malamig at basang lupa ng dagat. Alam ko natatakot ka sa mga paghakbang ngunit ang iyong kagalakan ay akin din nararamdaman. Magkasama tayo sa pakikinig ng mga ibon na umaayon sa ating pamamasyal. Ang bawat hampas ng alon sa ating mga binti ay nakakasabik din pala habang magkahawak ang ating mga kamay.
Binuhat kita noon dahil napagod ka sa iyong paglalakad, hinagkan mo ako at hinagkan din kita. Habang palubog ang araw sa ating harapan sabay natin tinatanaw ang gintong tubig sa paglubog ng araw na naghihintay ng ating buntong hininga at pasasalamat sa magdamag.
Natatandaan mo pa ba ang araw na minsan pa'y umupo ako sa iyong tabi at sinamahan kita sa iyong pagbibilang ng mga dumaraan na sasakyan. Hanggang abutin tayo ng gutom at subukang maglakad-lakad at bumili ng makakain. Ang iyong mga ngiti sa mga simpleng bagay ay kahulugan ng aking buong araw. Kung saan ang aking itinuturing na tapat na kaibigan ay ikaw.
Natatandaan mo pa ba ang mga kulitan natin sa sala? Ang iyong mga tawa ay akin pang naaalala. Ang paborito mong mga tugtugin ay atin pang sinasayaw at halos pawisan na tayo at abutin na ng gutom sa kakagalaw. Mga katanghalian na lagi natin hinihintay, kung hindi man sa pagsasayaw ay idadaan natin sa pag-awit habang nakapikit ang ating mga mata. Ang magdamag natin noon ay puno ng pag-asa, puno ng pangarap at mga baon na masasayang ala-ala hanggang sa ating pagtulog sa gabi. Naaalala ko pa ang mga tanong mo na "ano gawa mo?" tuwing nakikita mo ako na nagbabasa ng aking mga panulat. Ang mga ngiti na sayo ko lang napagmamasdan at ang iyong lambing na hindi ko kailanman mahindian.
Ang mga araw na dumaraan ay pilit ko ngayon pinagtitibay. Ang kalungkutan ng bawat isa ay akin parin ramdam. Kung minsan naitatanong ko na kung saan ba ako nagkamali? Bakit ako at bakit ikaw? Pakiramdam ko ay panahon ang nag-iipon para sa akin ng kalungkutan. Ang mga sukli sa bawat kasiyahan ay unti-unti nitong iniimpok sa aking kahinaan. Binuwag ang aking bit-bit na kalakasan. Pagbasag sa aking maamong katahimikan. Salitang di ko tanggap, katotohanan na di ko akalaing iguguhit ng kapalaran. Hindi ko na alam kung paano pa sasabihin ngunit kailangan ko harapin ang bukas sa buhay ko na wala ka na sa piling ko.
Ako, naging tapat na kaibigan, naging ama, naging tagapagtangol mo sa alam kong tama. Pagmamahal , pangungulila, kalungkutan, pag-iisa at pamamaalam.
Sino na ang sasabay sa akin sa pag-awit sa umaga?
Sino na ang sasabay sa aking bibong pagsasayaw?
At sino na ang mangungulit sa akin tuwing nagbabasa?....
Sino na ang sasabay sa aking bibong pagsasayaw?
At sino na ang mangungulit sa akin tuwing nagbabasa?....
Mami-mis ka namin dahil kailanman ay walang makapapalit sa mga iniwan mong puwang sa aming mga puso.
Hanggang sa muling pagkikita...
Mahal na mahal ka namin aming munting anghel...
Salamat....
Salamat....