"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Biyernes, Marso 11, 2011

"Ang Buhay Ay Parang Bilo-bilo"

     Ginataang bilo-bilo o kaya ginataang mungo ang madalas naming merienda noon sa lugar namin. Dito nakakakuha si mama ng mga ideya sa pagluluto ng mga masasarap na pagkain. Hindi namin pinagsasawaan ang mga pagkain na ganito kahit bukas ganito ulit o kaya sa susunod pang bukas ganito nanaman. Kung minsan masmasarap pa kumain sa mga lutong merienda sa kapitbahay kaysa sa mga lutuing restaurant sa labas. Hindi kami nasanay sa mga pagkaing ginagawa ng pabrika kaya siguro hanggang ngayon ay kaya naming ipagkumpara ang lutuing ginawa na may pagmamahal at gawang bakal na walang kamay at pagpapahalaga. Masarap lumaki sa ganitong lugar , mga lumang kakilala at mga klasmate noong nakaraang pasukan ay iyong nakakasalubong at nababati ng mga ngiti sa umaga.


     Sa lugar namin kung saan mas kinikilala ang tubig sa balon kaysa sa tubig ng gripo, kung saan masdaig pa nang amoy ng sariwang hangin sa kapaligiran  kaysa sa usok ng sasakyan ay  hindi mo makikita sa mga tao ang pagkadismaya sa kalagayan ng buhay mahirap dahil ang buong paligid namin noon ay punong-puno ng pag-asa. Sa mga simpleng bagay hanggang sa pinaka mataas na ambisyon, halo-halong tao at personalidad sa lugar namin at ang hindi mawawala ay mga ngiti at magagandang pangarap. May mga naiwan hanggang ngayon at may mga lumipad na at tinahak ang mga pangarap na binuo nila noon.


     Mga paglalakbay kasama ang mga lumang kaibigan, mga lumang pangarap na hindi na nabuo, mga pangakong hindi na natupad at mga ala-alang hindi nawawala kahit ilang ulit na pagkabigo. Wala ako hiniling noon kundi mapabuti ang lahat ng mahal ko sa buhay. Niminsan hindi ko inisip na naging kawawa ako sa mundo kundi pinagisipan ko mabuti kung bakit ba ako naging maswerte sa pamilyang kinalakihan ko. Saktong kanin at ulam, pagkain na hindi ko naman hiningi kahit sa paggising ko, tubig na malinis at damit na maisusuot, ano pa ba ang hahanapin ng isang musmos kung lahat ng ito ay nakukuha nya ng walang kapalit. Naging praktikal ang lahat ng aking mundo kung saan kami lumaki.


Tuwing umaga makikita mo si erpat nagkakape malapit sa pinto at si mama naman naghahanda ng makakain sa lamesa. Keso at pandesal sa loob ng halos pitong taon ito ang pagkain sa umaga. Kahit ilang ulit hindi nakakasawa ngunit nakakapurga. Malinis ang aming mga tiyan dahil sanay na kami sa pandesal na kung minsan ay may naliligaw na katol ni manong panadero ( Matalas ang mata ni mama kaya hanggang ngayun buhay parin  kami). Si aling Pasing, ang matandang tindera ng ulam na nakapwesto sa tabi ng poste pang-apat na kanto mula sa amin. Konting kwentuhan konting tawanan kasama si mama eh maya maya may ulam na kami, ganyan katinik si mama pagdating sa pakikipagchikahan.


     Ang mga dapit hapon namin noon ay hindi nalalayo sa probinsya, patintero, luksong tinik, luksong baka, Langit-Lupa at tagu-taguan ilan lamang yan sa mga larong naabutan ng aking kabataan at bihira ko ng makita ngayon sa kalsada. Text-Text, Facebook, Chat-chat, DoTa, PSP at kung ano-anong pampalipas oras at kung minsan pampasirang oras.


     Ang layo na ng kahapon para sa akin, ngunit ni minsan hindi ko makalimutan abutin ang ilang mahahalagang bagay sa buhay ko noon, kaya siguro hanggang ngayon ay buo parin ang paniniwala ko na hindi kayang buwagin ng panahon ang matibay na samahan ng aming pamilya.Walang naging ganid at walang naging mapagmataas kaya kung minsan iniisip ko kung gaano kasayang mabuhay at kung gaano ako ka swerte. Noon kung paano naging simple ang mundo at
ngayon kung saan naging buo ang bawat pagkatao ay dahil sa panahon na lumipas na di na mababago at permanenteng ala-ala. Ang buhay ay nagiging masaya lang pagnagpahalaga ka sa mga mahal mo sa buhay at naging mahalaga ka rin sa kanila. Ang pagpapahalaga na di kaya ibigay ng ibang tao dahil ang buhay ay nagiging totoo lang pag ibinigay ng kusa at walang kapalit na kung anumang salapi kundi pagpapahalaga at pagmamahal sa magulang. Ang buhay ay parang bilo-bilo, iba't ibang kulay, iba't-ibang rekado at kahit maka ilang beses mo haluin at iko't-ikutin sa bandang huli ay masarap pa rin, dahil wala sa sabaw ang sarap kundi sa asukal ng pagmamahal at lasa ng pagpapahalaga.