"Bakit hindi mo isulat?, Bigyan mo sila ng bintana ng buhay kung saan mauunawaan nila ang kahalagahan ng kahapon sa pamamaraang paggamit ng totoong kuwento at tunay na pagpapahalaga"

Biyernes, Enero 25, 2013

"Naiwang Kayamanan"


Training Days....           

   Sa loob ng halos isang taon, sumagi din naman sa isipan ko ang kawalan ng pag-asa na makatapos sa training. Tao lang din naman ako napanghihinaan din ng loob. Ngunit sa mga araw na nagdaraan, sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, ako ay lumalakas at napupuno ng determinasyong makatapos. Madami din ang nawala sa amin sa training sa bandang kalagitnaan ng taon. May mga hindi nakayanan at ang iba naman ay lumipat na ng ibang training grounds. Mahirap ang training namin, mahirap ngunit masaya.

     Pag nasa kampo ako nakakalimutan ko lahat ng aking problema dahil siguro gusto ko ang ginagawa ko . Sa training ko nakita ang ibat-ibang mukha ng pagiging sundalo, may mga gusto ng umuwi dahil walang pagkain ang kanyang aso, meron namang gusto lang matulog dahil pagod na pagod na sya sa kakadilat ng mata nya at may iba namang gusto ng makatapos sa training upang matapos na ang paghihirap namin. Kahit ano pa man ang dahilan nila, ang hindi nawawala sa amin ay ang pagiging masayahin at dedikasyon sa piniling larangan, ang pagsusundalo..

     Masasabi ko lahat ay may potensyal na maging isang pinuno na tapat sa tungkulin. Hinubog kami ng isang Instructor na nagmula sa Marines na ni minsan ay hindi kami binigyan ng kalinangan sa pagmamalabis sa tungkuklin. Tapat nyang ibinigay ang kanyang karunungan sa amin, walang pag aalinlangan at walang labis-labis. Lagi niyang sinasabi sa amin 

" Pag nakatapos na kayo, Be humble". 

"Hindi mo pwedeng gawing dahilan ang paggawa ng mabuti upang makagawa ka ng mali"

Kung tutuusin halos lahat kami ay sa kanya humuhugot ng lakas. Siya ang nagbigay ng totoong diwa ng training. Ang maging malakas sa espiritwal, pag iisip at pangangatawan. 

"Ang lohika ng pakikisalamuha ay hindi lamang sa pagbati at paraan ng pagsasalita kundi sa pagsasabi ng tapat at katotohanan."

Sa sobrang hirap ng training namin noon nabanggit  ko ang mga katagang "Suko na ako ngunit kaya ko pa". 

"Dahil sa malaya ko ibinigay ang aking sarili upang maglingkod sa bayan, ang tanging kasiyahan ko lang ay mapagsilbihan ko sila ng buong katapatan"

At sa paglipas ng panahon may mga bagay na hindi ko inaasahan. Mga bagay na dapat kong ayusin at paghandaan. Ibinaba ko ang aking uniporme at nagpahinga  sa pagsisilbi sa bayan. Hindi naman ako umalis bagkus nagiimpok ako ng bagong kalakasan. Nang sa gayon ay muli akong magbabalik at muling yayakapin ang naiwang kayamanan... ang ating inang bayan...

Salute!

0 (mga) komento: