Ayaw parin tumigil ng ulan, masaya parin ang hangin sa paglalaro ng mga patak at ambon. Hinahagis sa akin ang mga anggi na may kahalong lamig at dausdos na nakakakiliti sa tenga at balat. Ang gabi kung saan hindi ko na ramdam ang aliwalas ng panahon kahit walang kuryente at tanging malilikot na kandila na lamang sa aming lamesa ang naglalaro sa dilim. Banig ang tanging higaan namin noon at ang kulambong ilang taon na pagsilong sa mga bata sa iisang bubong. Ako, kasama ng aking mga kapatid sama-sama kaming pinaghehele ng aming mama. Sa madilim at tahimik na kumonidad ang mga mumunting anghel na hindi kailan man nawalan ng pangarap na sana bukas maganda ulit ang umaga.
Ulan lamang ang aking kakampi sa kalungkutan. Ang mga patak nito ang tangi kong sumbungan ng aking mga agam-agam. Sa bintana namin noon madalas ko makita ang mga bubong na dinadaluyan ng mga agos ng ulan kung saan nagsisilbi itong mukha ng kanilang pagkakakilanlan na kahit anong mangyari ay tuloy parin ang buhay bumuhos man ang malakas na bagyo. Bihira mo ako makitang malungkot noon dahil madalas ay kailangan ko maging masaya, hindi dahil para itago ang mga malulungkot na damdamin sa mga hindi ko maintindihan na mga desisyon sa buhay kundi upang maging malakas at matatag ang mga taong nakapaligid sa akin na animo'y parang ayos lamang ang lahat. Sanay na ako makita silang nakikita nila akong masaya, kaya nga kahit ngayon gusto ko malaman nila na ayos lamang ako kahit sa mga pinaka mahina kong pagkakataon sa buhay dahil doon ako lumalakas kapag nalalaman kong masaya sila kapag masaya din ako.

Malamig parin ang ihip ng hangin..
May bagyo ba? Sana wala na......
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento